Episode 15: Cursed Love (Part 3)

188 6 23
                                    

Katanghalian sa kubo.
Ilang araw bago mag-Pasko.

"Maayos na ba ang pwesto? Silipin mo muna saglit, mahal."

Kasalukuyan noong nakatingala si Arturo sa tuktok ng bintana upang magkabit ng munting parol para sa nalalapit na okasyon. Simpleng dekorasyon lamang iyon na binili niya malapit sa may simbahan upang maramdaman nila ang diwa ng pasko kahit nasa malayong lugar. Unang beses kasi nila ni Klarissa na mawawalay sa pamilya sa ganitong sandali kaya't ayaw naman niya na masyadong malumbay ang esposa at mangulila sa bayan nitong sinilangan.

"Sandali, paririyan ako..." tugon naman ni Klarissa na tinakpan muna ang niluluto sa palayok.

Nang maaninagan nga nito ang kinalabasan ng kanyang gawa'y agad naman itong natuwa sa nakita.

"... Aba'y kay ganda na nga ng ating bintana! Paskung-pasko na sa wakas sa ating tahanan."

Tumango naman siyang may ngiti't pinagmasdan din ang ginawa na may kaunting hanga pa sa sarili.

"Parang iyong mga parol na isinasabit sa bayan ng Pueblo Balayan, hindi ba? Ngunit mas maliit," wika naman niya sa napansin.

"Hindi bale nang maliit, mahal... basta't puno ito ng maligayang alaala para sa ating dalawa," sagot sa kanya ni Klarissa.

Nilapitan na tuloy niya ang babaeng nakatingala sa tabi at ihinanda ang sarili na gawaran ito ng lambing. Ngunit nang dumako ang saglit na hinila niya ito sa baywang ay bigla nalang sumubo ang niluluto nitong tanghalian sa kalan.

"Ay! Ang aking niluluto!" Gulat na bulalas ng babae sabay sugod sa dating pwesto.

Agad din naman niya itong sinundan na parang aninong ayaw mawalay at saka binigyan ng silip ang pagkaing inihahanda ng katuwang.

Pero hindi talaga iyon ang kanyang pakay. Ang nais niya lang talaga'y ang mapalapit nang husto kay Klarissa saan man ito magpunta. Habang naghahalo pa ang esposa sa palayok ay ipinulupot niya agad ang kanyang mga braso sa baywang nito't ikinulong ito sa yakap mula sa likuran. Saka niya pinanood ang pagluluto ng asawa mula sa balikat nitong pinagtuunan niya ng baba.

"Huwag na muna tayo gumawa ng kahit ano ngayong araw..." suhestiyon niya na ninanamnam ang pagkakayapos. "Nais kong lubusin ang aking pahinga kasama ka."

Napangiti tuloy si Klarissa't marahang inabot ang kanyang mukhang nakasandal sa pisngi nito.

"Kailangan mong magsibak ng kahoy. Baka maubusan tayo ng panggatong."

"Hay... mañana..."

"Mag-iigib ka pa ng tubig," dagdag ulit ng babae na nangingisi.

"Mañana... mañana... bukas na," sagot naman niya saka pinupog ng mumunting mga halik ang pisngi nitong malambot.

Natawa tuloy si Klarissa't mabilis na pumaikot upang masilayan siya nang buo't harapan. Agad nitong ikinawit ang mga braso sa kanyang leeg at saka siya nginitian nang malaki't pagkatamis. Nagniningning ang mga mata nitong parang noong una niyang masilayan nang malapitan sa hardin. Dios mío... nasa langit na ba siya? Pakiramdam kasi niya'y malalaglag ang kanyang puso sa saya! Isa pa naman sa nakapagpaparupok sa kanya ang makitang maligaya ang pinakamamahal na babae. Sa mga ngiti palang nito'y talagang... ah, paraiso!

"Anong gusto mong kainin sa pasko? Ipaghahanda kita," anitong malambing din ang boses.

"Kahit ano, basta't luto mo, kakainin ko."

"Totoo ba iyan?"

Tumango naman siya't pinanatili ang pagkakadikit ng kanilang mga katawan. Inginuso niya ang kanyang bibig at palaro na sanang ilalapit ang mukha nang bigla naman itong pinigil ng humahagikgik na kabiyak. Ibinaling muli nito ang atensyon sa palayok at saka nagsimulang haluin ang laman noon. Magpoprotesta na sana siya ngunit agad din itong sumandok nang kaunti't hinipan ang sabaw saka ito inilapit sa kanyang bibig.

Fated to Love You: BOOK 3 || Social Serye [FINALE]Where stories live. Discover now