Episode 13: Yo También Te Amo (Part 1)

285 5 1
                                    

(Yo Tambíen Te Amo - Mahal Din Kita)

Agosto 1843.
Barrio Dalisay, Pueblo Balayan.

Bukang-liwayway pa lamang ay umalis na ang mag-amang Klarissa at Mang Krispin upang bumiyahe pauwi sa Barrio Dalisay. Araw ito ng kanilang pagbisita na matagal narin nilang ipinagpaalam upang makadalo sa kaarawan ng inang si Aling Edna. Parehas na silang nananabik. Matagal-tagal narin kasi magmula noong huli nilang nakapiling ang buong pamilya. Sa loob ng dalawang buwan ay sa sulat lamang nila ito nakakausap. Hindi tuloy makapagpigil ang dalawa sa pangangarap. Sa daan pa lamang ay nagkukuwentuhan na sila hingil sa mga masasarap na pagkaing ihahanda gamit ang mga gulay at sangkap na karga mula sa hacienda.

Habang papalapit na ang arko ng barrio at nawawala na sa paligid ang hamog sa ulap ay napansin ni Mang Krispin na tila mayroong sumusunod sa kanila. Sinulyapan naman nito sa gilid si Klarissa na sabay din nitong nakaramdam sa presensiya.

"Sino ho kaya iyon, Itay?"

Inabisuhan agad ito ng ama na huwag magsalita at sa simpleng senyas ay ipinakuha sa dalaga ang dala nilang itak. Ipinasa naman ito ng babae saka mabilis na kinanti ang lubid upang pahintuin ang kalabaw. Maya-maya pa'y bumaba na ang tatay sa paragos. Lumakad ito tungo sa likuran upang ihanda ang sariling lumaban.

"Sinong nariyan?!" Hiyaw ni Mang Krispin.

Narinig nalang nila ang halinghing ng isang kabayo sa distansiya ngunit hindi parin malinaw sa takip ng hamog kung sino ang may dala. Paghawi ng hayop sa mababang ulap ay inangat pang lalo ng ginoo ang itak nito sa ere. Nagulat tuloy ang nakasakay at antimanong inilihis ang kabayo sa lokasyong mas malaki ang agwat sa pares.

"S-Soy sólo yo..." utal na sambit ni Arturo.

"Señorito Arturo," gitla namang sagot ni Mang Krispin. Dali-dali tuloy nitong ibinaba ang sandata at saka ibinalik sa paragos.

Agad namang bumaba sa sinasakyan ang gulat ding si Klarissa para saluhan sa pangunguwestiyon ng nagtatakang tatay.

"Señorito? Ano pong ginagawa ninyo rito?" Tanong naman ng dalaga.

"Ah, bueno..." imik ng natigilang amo. Hindi pa yata ito nahihismasmasan sa bara-barang pagsugod ng trabahador.

"... Nais ko lang sanang malaman kung saan kayo nakatira at... nais ko ring makilala ang inyong pamilya."

Nanlaking bigla ang mga mata ni Mang Krispin na unang beses narinig na magsalita ng Tagalog ang Kastilang haciendero. Nagpabalik-balik ito ng tingin sa binata at sa anak na kumakausap din dito ng salitang katutubo.

"May... hindi po ba kayo nagugustuhan sa amin ng aking anak? Hindi po ba maayos ang aming paninilbihan?" Tugon ng ginoo na naglakas-loob naring sumagot.

Umiling naman si Arturo. Nang makababa ito sa kabayong dala ay kaagad itong pumaroon sa puwesto nila't saka hinarap ang padre de pamilya.

"Nais ko sanang umakyat ng ligaw."

"Kanino ho?" Lalong lumala ang pagsasalubong ng kilay ng tatay.

"Kay Klarissa," amin narin ng binata. "Kung iyong mamarapatin."

Hindi agad nakakibo si Mang Krispin sa pakiusap ng amo at tila binabasa pa nito ang pakay sa mukha ng lalaki. Kaba lang naman ang naroon bagama't pinipilit nitong magpakatatag. Pero pinakamaputla na yata sa kanila ang mga pisngi ni Klarissa na tinakasan ng kulay sa pagsisiwalat ni Arturo ng balak.

"Itay..."

Kabado ang dalaga habang nakabaling ang pansin nito sa tahimik na ama. Walang ibang ekspresyon sa mukha nito kundi panunuri. Panunuri sa tindig at mga kilos ng binatang pangahas na nagtapat at sa anak nitong binibini na nais palang makapalagayan.

Fated to Love You: BOOK 3 || Social Serye [FINALE]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon