Chapter 46 : Backstory IV

12 3 0
                                    

"KAMBAL ang iyong anak, Ynastasha"




Batid ko iyon sapagkat nakita ko ang aking hinaharap sa aking panaginip. Ngunit mali, mali ito. Kailangan ko silang paghiwalayin dahil nakita ko na papaslangin nila ang isa't-isa. At ayokong mangyari iyon...




"Inang Sila, ilayo niyo po ang isang sanggol. Pakiusap, ilayo niyo siya sapagkat ayokong maisakatuparan ang hinaharap." hirap na hirap na utos ko kay Inang Sila na siyang nagpaanak sa akin. Wala si Zino dahil may pinuntahan siya at ito ang nakikita kong pagkakataon para pigilan ang hinaharap.




"Ngunit, nakasisiguro ka ba sa iyong nais, Ynastasha?" tanong ni Ilang Sila kaya tumango na lang ako.




Nakita ko ang nakaraan ni Inang Sila at doon ko nalaman na hindi pala sila ang tunay na mga magulang ni Zino. Isang Hara at Raja ang kanilang mga magulang ngunit namatay ang kanilang ama dahil sa digmaan. At nakita ko rin na may kambal din si Zino na inilayo nila sa kaniya upang maiwasan ang nakatakdang mangyari.




At iyon din ang nais kong mangyari upang maiwasan din ang nakatakdang mangyari sa hinaharap. Hindi ko kakayanin na mawalan ng isang anak ngunit kung para ito sa ikabubuti nila, gagawin ko.




"Kunin niyo po si Zieon, ang isang sanggol at ako na po ang bahala sa kaniyang kambal. Ako na rin po ang bahala kay Zino. At kung maaari ay huwag niyo pong babanggitin kay Zino ang katotohanan..." ani ko saka iniabot sa kaniya ang batang si Zieon. Patawarin mo ako, aking anak.




"Dalhin niyo siya sa tirahan ng mga manggagamot dahil batid kong magiging mabuti ang kaniyang buhay roon... Sige na, Inang Sila. Umalis na kayo bago pa bumalik si Zino." hinagkan ko pa muna ang aking anak bago sila tuluyang umalis. Nawa'y maging mabuti ang buhay mo sa kanila, aking anak. Patawarin mo ako ngunit ito ang alam kong nararapat...




"Ynastasha? Aking mahal?" agad akong napasulyap sa pintuan nang marinig ko ang boses ni Zino. Bigla akong nakaramdam ng kaba.




"Nasaan na ang ating anak? Nasaan na siya?" natatarantang tanong niya kaya agad kong ipinakita sa kaniya si Zin.




"Isang lalaki? Napakagandang lalaki. Ako ang iyong ama, aking anak..." masayang-masaya niyang binuhat si Zin kaya napangiti ako. Ngunit nang maalala ko ang si Zieon ay nakaramdam ako ng kalungkutan.




"Zin ang itatawag natin sa kaniya, mahal ko. Isinunod ko siya sa iyong pangalan." wika ko saka siya nginitian. Hindi naman maalis ang matamis niyang ngiti sa labi habang pinagmamasdan ang aming anak.




Sana lang ay mapatawad mo ako kung kinailangan kong ilayo sa iyo ang isa pa nating anak, Zino. Natatakot lamang ako sa maaaring mangyari kung kaya't patawad. Ipinagkait ko sa'yo na masilayan man lang siya. Patawad.





×××




"Kaawa-awang bata, nailayo na naman sa mga tunay niyang magulang para lamang sa kapakanan at kaligtasan." malungkot na sabi ni Salome habang pinagmamasdan si Zieon. Narito ako ngayon sa tirahan ng mga manggagamot bilang hiling ni Ynastasha.




"Kayo na ang bahala sa kaniya, Salome. Batid kong hindi maikukubli ang katotohanan kung kaya't nawa'y maintindihan niya ang naging desisyon ng kaniyang ina." habilin ko kay Salome na tumango lang habang hinehele si Zieon.




"Makakaasa ka, Sila. Ituturing namin siyang kaisa sa aming pamilya. Ngunit batid mong sa oras na matuklasan niya ang katotohanan ay hindi ko na siya mapipigilan sa anumang naisin niyang gawin." napabuntong hininga ako sa isiping iyon. Tama, hindi lahat kayang itago kaya nangangamba ako kapag dumating ang tamang panahon.




Hindi lang dalawa, kung hindi apat na buhay na ang napagkalayo ko. Parehong kambal na kinailangang maghiwalay para sa kanilang ikabubuti. Nawa'y maging bukas ang kanilang mga puso't-isipan sa oras na malaman na nilang lahat ang katotohanan...





×××





LUMIPAS ang ilang taon at nagawa kong ilihim ang katotohanan. Malaki na si Zin at batid kong habang-buhay lang akong uusigin ng aking nakaraan dahil sa aking naging pasya. Ngunit magkagano'n man ay hindi ko iyon pinagsisisihan. Dahil ginawa ko iyon para sa ikabubuti nilang dalawa.




Ang ikinakatakot ko na lamang ay kapag nalaman ni Zino ang tungkol sa tunay niyang mga magulang at nawalay niyang kambal, at ang isa pa naming anak.




Hindi ko alam kung ano ang gagawin ko kapag dumating ang araw na iyon. Batid kong hindi niya ako mapapatawad, lalong-lalo na sina Inang Sila at Itang Raio dahil sa paglilihim nila. Ngunit sana lamang ay maintindihan niya na kaya nila iyon nagawa upang protektahan siya at ang kaniyang kambal. Ganoon din sa aming anak, ginawa ko iyon para protektahan silang dalawa sa nakatakdang mangyari.




"Ina, halika maglaro tayo rito!" napatigil ako sa pag-iisip nang tawagin ako ni Zin. Masaya silang naglalaro ng kaniyang ama.




Dumalo ako sa kanila at sabay kaming nagkasiyahan. Sandali kong nalimutan ang aking suliranin habang masaya akong kapiling ang aking anak. Subalit hindi ko maiwasang mangulila kay Zieon. Kung hindi lang sana malagim ang kanilang hinaharap ay hindi ko iyon ginawa at sana'y kasama namin siya ritong nagsasaya.




"Mahal ko, ayos ka lang ba? Hindi ba maayos ang iyong pakiramdam?" napalingon ako kay Zino nang mapansin niya akong nag-iisip.




"Ayos lang ako, Mahal ko. Natutuwa lamang ako dahil sa wakas ay nakabuo na rin tayo ng sarili nating pamilya." pagsisinungaling ko dahil ayokong mag-alala siya sa akin. Ayokong sirain ang masayang pagkakataon na ito na magkakasama kami. Kahit pa matinding pangungulila ang nararamdaman ko para kay Zieon.







Nawa'y magkaroon siya ng mga magulang na magmamahal sa kaniya. Kahit na hindi nila ito tunay na anak.






Kung sakali mang magtagpo ang aming mga landas ay hindi ko iyon sasayangin upang siya'y mahagkan at makasama.







Kung nasaan ka man ngayon aking anak, sana ay maging masaya ka. Sana ay maramdaman mo ang pagmamahal ng isang magulang kahit na hindi kami ang dahilan. Sana kahit papaano ay maramdaman mo ang pagmamahal ko sa'yo bilang ina.













Patawad aking anak...

;


















AyaWhere stories live. Discover now