Chapter 17 : His Farewell

Começar do início
                                    

"Siguraduhin mong hindi kita mahahanap, Aya! Nandito na ako!" humalakhak na naman siya na nagdudulot lang ng matinding takot at kaba sa dibdib ko. Alam kong nandiyan lang siya sa paligid kaya kahit hindi sigurado ay tinungo ko ang puting pinto. Hindi ko pa man nahahawakan ang doorknob ay halos malagutan na ako ng hininga nang may humawak sa balikat ko.

Habol ang paghinga ay nakaramdam ako ng panlalamig sa buong katawan. Pakiramdam ko mamaya lang ay hihiwalay na ang hangin sa baga ko.

"Aya?" parang isang bula na naglaho ang matinding takot at kaba sa dibdib ko nang marinig ang boses niya.

Agad akong pumihit at bigla na lamang may tumulong luha sa mga mata ko.

"Bakit ka umiiyak? Ang pangit-pangit mo! Tumigil ka nga riyan!" niyakap ko siya ng mahigpit, as in sobrang higpit.


Nakita ko na ang hinahanap ko! Natagpuan ko na ang pinsan kong si Ven!


"Tumahan ka na, ano bang ginagawa mo rito? Delikado ang ginagawa mo." nag-aalalang tanong niya sa'kin. I missed him so much!

Ngayon ko lang din napansin na nagbago na ang paligid. Ang dating madilim ay naging maliwanag na. Pero wala akong makitang ibang tao rito, kaming dalawa lang ni Ven.

"Gusto kang kausapin ni Auntie. Naramdaman ko ang lubos na pangungulila niya sa'yo. Nami-miss ka na naming lahat, Enong." natawa lang siya at ginulo ang buhok ko. Bagay na parati niyang ginagawa sa'kin. Na-miss ko 'yon.

"Nami-miss ko na rin kayo. Lalo ka na, wala akong maasar dito. Pakiramdam ko lagi lang akong mag-isa. Hindi ko alam, pero hindi ko pa rin magawang tumawid sa liwanag." bakas ang kalungkutan sa boses niya. Bigla tuloy akong nakaramdam ng awa sa kaniya.

"Bago ka sana tumawid, magkausap muna kayo ni Auntie. Alam kong marami siyang gustong sabihin sa'yo." mapait akong ngumiti. Gano'n din naman siya.

"Sige, kakausapin ko na si Mama. Doon tayo, oh." itinuro ni Ven ang isang upuan na gawa sa kahoy. Paanong nagkaroon ng ganiyan diyan? Eh puro puti lang ang nakikita ko kanina.

Nang makaupo kami ay narinig naming dalawa ang boses ni Auntie. Tinatawag niya ang pangalan ko, nag-aalala na siguro siya dahil hindi pa ako nakakabalik.

"Simulan na natin." kalmado pero malungkot ang boses ni Ven nang sabihin niya iyon. Hinawakan niya ako sa kamay kaya naghanda na rin ako. Sa ganitong paraan, magagawang saniban ni Ven ang katawan ko sa mundo namin. Ako naman, maiiwan akong mag-isa rito pero alam kong ligtas ako rito. Hangga't nararamdaman kong nakahawak sa'kin si Ven, walang mangyayari.

Ang problema lang, limitado lang ang oras. Pero hindi malalaman kung patapos na o hindi, at iyon ang ikinakatakot ko. Kapag natapos ang oras at wala pa rin si Ven, hindi na ako makakabalik sa katawan ko at si Ven na ang maninirahan doon.

May part sa'kin na gustong mangyari 'yon pero alam kong hindi papayag si Ven doon. Hindi niya hahayaang may mangyari sa akin. Gano'n siyang pinsan, parang kapatid ang turing niya sa akin. Kaya lubos ang pangungulila naming lahat nang mawala siya.

Hindi ko marinig ang pinag-uusapan nila pero alam kong sinusulit na nila ang oras na magkasama sila. Nalulungkot ako na baka ito na ang huling makakausap at mayayakap ko si Ven. Baka kasi pagkatapos nito, tumawid na siya sa liwanag. Kaya siguro hindi siya makatawid dahil ayaw pa siyang pakawalan ni Auntie. Pero ngayon, siguro malaya na siyang makakatawid sa kabilang buhay.


Ang lungkot. Ang sakit.


Maya-maya pa ay naramdaman kong umihip ang hangin. Hudyat iyon na pabalik na si Ven. Ibig sabihin, tapos na ang pag-uusap nilang dalawa ni Auntie.

Ilang sandali pa ay naramdaman ko na ang presensya niya. Parang may tumusok sa puso ko nang makitang lumuluha si Ven habang mapaklang nakangiti. Niyakap ko siya para kahit papaano ay madamayan ko siya.

"Kaya pala hindi ako makatawid dahil hindi pa ako binibitawan ni Mama. Hindi pa rin niya natatanggap ang pagkawala ko. Pero ngayon, b-buo na ang desisyon niya. P-papakawalan na niya ako, Yang." umiiyak na sabi ni Ven habang magkayakap kaming dalawa. Hinigpitan ko pa ang pagkakayakap ko sa kaniya dahil nasasaktan ako sa tuwing nasasaktan siya.

"Tahan na, Enong. Siguro panahon na rin para makapagpahinga ka. Huwag mong kakalimutan na ako pa rin ang pinsan mong iyakin at gustong-gusto mong asarin. Hindi kita makakalimutan, Enong. Lahat ng mga pinagsamahan natin, dadalhin ko 'yon hanggang sa magkita tayo sa liwanag." hindi ko na rin napigilan ang mga mata kong lumuha. Sobrang sakit ng nararamdaman ko. Parang unti-unting pinipiga ang puso ko. Mamaya, humiwalay siya sa pagkakayakap at nagpunas ng luha, pinunasan niya rin ang mukha ko gamit ang kaniyang kamay.

"Salamat sa huling pagkakataon na iginugugol mo para makausap ko si Mama. Hinding-hindi kayo mabubura sa puso ko, lalo ka na Yang. Siguro nga, oras na para mamahinga. Hindi ko na rin kaya pang nakikita kayong nasasaktan dahil sa'kin." ngumiti siya saka nagpatuloy.

"Huwag mong pababayaan ang sarili mo, Yang. Lagi mong isipin na nandiyan lang ako sa tabi-tabi para asarin ka at guluhin ang buhok mo. Kung ma-miss mo ako, isipin mo na lang ang mga araw na magkasama pa tayong dalawa. Mami-miss kita ng sobra, Yang." muli niya akong niyakap ng sobrang higpit. Ang yakap ng pamamaalam. Napaiyak ako dahil sa naisip ko. Ito na nga ang huling yakap, huling pag-uusap, at huling pagkikita namin ni Ven. Masakit tanggapin, pero kailangang gawin.

Tumayo kaming dalawa at sa 'di kalayuan ay nakita ko ang nakakasilaw na liwanag. Ang liwanag na nagpapahiwatig na tapos na. Na hanggang dito na lamang. Na tuluyan nang aalis si Ven.

"Paano ba 'yan? Sinusundo na ako ng liwanag. I guess, hanggang dito na lang." mapait siyang tumawa at gano'n din ako. Pinunasan niya pa ang mga luha sa mata ko gamit kamay niya.

"Tumahan ka na riyan. Ang pangit mo kayang umiyak, baliw! Tsaka, matanda ka na, para ka pa ring batang umiyak!" pang-aasar pa niya sa'kin at ginulo ang buhok ko.

"Sige na, aalis na'ko. Baka ma-delay pa ang flight ko papunta sa langit." sabay kaming napatawa, 'yung totoong tawa na. Alam kong sa ginagawa niya ay para masaya ako kapag tuluyan na siyang kunin ng liwanag. Para sa huling sandali, masaya kaming dalawa.

Dahan-dahan siyang naglakad patungo sa liwanag. Bawat paghakbang niya papalayo ay siya namang pagsikip ng dibdib ko. Hindi ko kayang makita siyang unti-unting lumalayo, upang magpaalam.

Sa huling pagkakataon, huminto siya sa paglalakad at muling humarap sa'kin.

Kumaway siya nang may matamis na ngiti sa labi. Ipinapahiwatig niyang handa na siyang tumawid sa liwanag. Naluluha akong kumaway pabalik sa kaniya. Masikip man ang dibdib ay nagawa kong ngumiti ng tunay.

Kasabay ng pagtawid niya sa liwanag ay nagliwanag ang buong paligid. Nasilaw ako ro'n kaya napapikit ako. Ito na ang hudyat. Ito na ang pahiwatig. Ito na ang katotohanan.




Ang huling paalam ni Ven.

;



AyaOnde histórias criam vida. Descubra agora