Kabanata 3

124 9 0
                                    

Nakasunod sina Sander sa akin pagdating ko sa bahay. May mangilan-ngilang tao sa paligid at nagkalat ang mga timba. Wala nang apoy ngunit umuusok pa rin ang bubong at nakikita ko pa ang ilan kong tiyuhin na tulong-tulong para tuluyang maapula ang apoy gamit ang maliit na timba.

Hindi ko na naituloy ang aking paghakbang nang makita si tiya Marta palapit sa akin.

"Malandi ka talagang bata ka!" Hindi ko napaghandaan ang kanyang ginawang pagsabunot sa akin at halos kaladkarin niya ako papasok sa kanyang bahay. Hindi ko na nagawa pang lumingon sa aking mga kasama sapagkat abala ako sa pagpipigil ng mga kamay ni tiya Marta na mahigpit na nakahawak sa aking buhok.

"Gaga ka talaga! Bakit mo iniwan ang mga kapatid mo?" Umawat pa si Sander pero wala rin siyang magawa dahil hinila na ako ng tiyahin ko.

Wala si nanay at tatay sa loob at tanging mga tiyahin at tiyuhin ko lang ang naroon. Isa-isa nila akong hinarap at hindi ako nakaligtas sa kanilang galit.

"Tiya, nasasaktan ako"

"Masasaktan ka talaga, at hindi ito ang aabutin mo." Napaling sa kabilang bahagi ang aking pisngi dahil sa lakas ng sampal ni Tiya Marta. Napahawak ako roon, ramdam ko ang init ng kanyang palad. "Ang tanda-tanda mo na hindi ka nag-iisip ng tama. Inuna mo pang maglakwatsa sa halip na bantayan ang mga kapatid mo."

"Ano bang iniisip mo ha?" segunda pa ni Tiyo Mario. Alam kong galit siya pero nakikita ko ang kanyang pagpipigil na saktan ako.

Alas-dos na pero gising pa rin ang diwa ko, hindi ako makaramdam ng antok dahil sa nangyari. Masakit ang katawan ko dahil sa inabot ko sa mga tiyahin ko at tiyuhin ko. Mapasampal at sabunot, sinturon lahat natikman ko. Magang maga ang mata ko dahil sa nangyari.

Masakit ang hagupit ng kanilang galit ngunit mas masakit ang isipin kong nasunog si Celestine para iligtas ang dalawa kong kapatid. Hindi ko rin maintindihan kung bakit nagkasunog dahil ang alam ko ay pinatay namin ang ilaw bago umalis at hindi ako pwedeng magkamali.

"Nasaan si Leilana?" Napatingin ako kay tiyo Mario na hanggang ngayon ay masama pa rin ang tingin sa akin. Hindi niya ako sinagot at patuloy lang akong pinagmamasdan.

Puno ng galit ang kanyang mga mata at alam kong anumang oras ay hindi na siya makapagpigil pa ng kanyang galit. Hindi ako nagpatinag at dahan-dahang lumapit sa kanya.

"Hindi ba siya nakauwi kagabi?" muli kong tanong. Umamba siya sa akin ngunit bago pa dumapo ang kanyang mga palad sa aking pisngi ay umilag na ako.

"Gaga ka talaga eh noh, magkasama kayo kagabi hindi mo alam?" Singhal niya sa akin ngunit naroon pa rin ang pagpipigil.

Napalunok na lang ako nang iwanan niya ako roon sa sulok. Sa loob ng ilang oras mula kagabi ay para akong hangin na hindi nakikita at hindi nararamdaman. Masakit ang loob ko pero alam kung kasalanan ko. Pero mas masakit isipin na wala man lang umagapay sa akin sa kabila ng pagkakamali ko.

Nakaupo lang ako sa harapan ng lamesa at mula rito sa aking kinauupuan ay nakita ko si tiya Marta. Palabas siya sa kanyang kwarto at nakabihis. Iniisip kong pupunta siya sa hospital kaya't lakas loob akong lumapit sa kanya.

"Sasama ako tiya," umaasa kong paalam. Gusto kong makita si Tintin.

"Hindi ka ba nahihiya? Ihanda mo nang sarili mo mamaya sa tatay at nanay mo. Isang kawalang hiyaan ang ginawa mo." Pipigilan ko pa sana siya ngunit tuluyan niya na akong iniwan roon.

Alam kong kasalanan ko ang nangyari pero gusto ko ring makita si Tintin. Pasalampak akong muling bumalik sa pag-upo. Wala akong magawa kundi umiyak dahil sa sama ng loob at dahil inaatake ako ng konsensiya ko.

"Bakit mo kami iniwan ate? Kaya nasunog si ate Tintin eh!" Walang buhay ang mga mata kong tumingin sa inosente kong kapatid. Maging siya na musmos pa lang ay alam na ang kamaliang ginawa ko.

Loosing Hope (Lonely Soul Series #1) - Slow UpdateWhere stories live. Discover now