CHAPTER 42

182 9 1
                                    

“NANAY HULYA!” tawag ni Arlene sa matanda habang nasa kusina ang dalawa at abala sa paghahanda para sa lulutuing ulam sa tanghalian. Nakaupo si Arlene sa high chair na nasa tapat ng kitchen counter habang abala ito sa paghihiwa ng gulay.

Ang matandang Hulya naman ay nasa tapat ng kalan. “Oh, bakit, hija?” sagot nito.

Saglit na huminto sa ginagawa nito si Arlene at buntong hiningang tinapunan ng tingin ang matanda. “Ayos lang po ba talaga si Gelaena?” kunot ang noo at mababanaag sa boses nito ang pag-alala para sa kaibigan.

“Bakit mo naman naitanong, hija?” balik na tanong ng matanda.

“Kasi po, Nanay Hulya, napapansin ko lang po simula no’ng nakaraang linggo nang makaramdam siya ng pananakit sa ulo niya, parang may nag-iba po sa kaniya,” wika nito.

Napatigil din naman ang matanda, at pagkuwa’y nilingon ang dalaga. Seryoso ang mukha nito. Mayamaya ay kaagad ding nag-iwas ng tingin.

“Hindi n’yo po ba napapansin ’yon, Nanay Hulya?” tanong pa ni Arlene.

“Napapansin ko naman ’yon, hija.”

“Bakit po kaya? I mean, hindi na po siya kagaya no’ng bago pa lamang siya rito. Masaya po siyang kausap at ka-bonding. Parati po kaming magkausap. Pero, ngayon po tahimik siya.”

Humugot ng malalim na paghinga ang matandang Hulya at pinakawalan iyon sa ere.

“May alam po ba kayo kung bakit ganiyan si Gelaena ngayon, Nanay Hulya?” tanong nitong muli.

Hindi naman agad sumagot ang matanda.

“Hindi po kaya . . . dahil sa aksidente niya noon kaya po sumakit ang ulo niya no’ng nakaraang linggo?” tanong pa ng dalaga. “Pasensiya na po kayo, Nanay Hulya kung marami po akong tanong ngayon sa inyo. Nag-aalala lang po talaga ako para kay Gelaena. Naninibago na rin po sa ikinikilos niya ngayon.”

Naglakad ang matanda palapit sa puwesto ni Arlene at tinulungan na ito sa ginagawa. “Pagpasensiyahan mo na rin ang batang ’yon sa ngayon. May pinagdadaanan lang ’yon.”

“Pinagdadaanan po? Ano po ang ibig n’yong sabihin, Nanay Hulya?”

“Gustohin ko mang sabihin sa ’yo, Arlene . . . pero, wala ako sa lugar para gawin iyon. Basta ang masasabi ko lang sa ’yo, kung ano man ang mangyari sa susunod na mga araw, sana ay maintindihan mo si Gelaena.”

Nangunot ang noo ni Arlene at napatitig sa mukha ng matanda. Halata sa mukha nito ang pagkalito dahil sa mga sinabi ni Hulya. Magsasalita pa sana ang dalaga upang magtanong, pero pumasok naman sa kusina si Anilito.

“Arlene!” tawag nito sa dalaga.

Bigla namang sumilay ang ngiti sa mga labi nito nang lumingon sa nobyo. “Bakit, mahal ko?”

“Gusto ka raw makausap ni Doña Cattleya. May ipag-uutos yata sa ’yo.”

“Sige na, hija. Iwan mo na ’yan at puntahan mo na ang doña. Ako na ang bahala riyan.”

Kaagad namang tumayo sa puwesto nito si Arlene at lumabas ng kusina kasama si Anilito.

NANG MAKARINIG si Gawen ng katok mula sa labas ng kaniyang opisina, saglit siyang huminto sa pagtitipa sa kaniyang laptop.

“Yes, come in!”

Bumukas naman iyon at pumasok si Migo. “Mayor, nasa labas po si Mr. Dimagiba.”

“Let him in, Migo. Thank you.”

“Okay po, Mayor,” sabi nito ’tsaka muling lumabas.

Ilang segundo lang ay muling bumukas ang pinto at pumasok ang kaniyang private investigator.

THE MAYOR'S SPECIAL YAYAWhere stories live. Discover now