CHAPTER 25

289 19 0
                                    

“ARLENE!” tawag niya sa kaibigan habang nasa silid sila ni Emzara. Pareho naman silang walang ginagawa kaya pinuntahan siya ni Arlene para makipag-chikahan sa kaniya. Nakaupo siya sa sofa habang masuyong hinahaplos ang buhok ni Emzara na masarap ang tulog habang nakaunan sa mga hita niya. Samantala, si Arlene naman ay masarap din ang pagkakahiga sa kama ng bata.

“Bakit, bes?”

Banayad siyang nagpakawala ng buntong-hininga habang nakatitig pa rin siya sa kawalan. “Naalala ko lang, bes. Hindi ba nabanggit mo sa akin no’ng isang araw na na-recruited mo na rin si Señor Salvador sa fans club na binuo mo?” tanong niya.

Tumagilid paharap sa kaniya si Arlene para tingnan siya. Itinuon nito ang siko sa kama at ipinatong naman ang ulo sa palad nito. Mayamaya, nang tapunan niya ito ng tingin ay bigla itong ngumiti sa kaniya nang malapad.

“Oo, bes,” sagot nito.

“So, ibig sabihin ay a-alam na ng señor na may gusto ako sa anak niya?” nauutal na tanong niya. Bigla kasi siyang kinabahan. Kanina niya pa iniisip ang tungkol sa bagay na iyon pero ngayon lamang siya nagkaroon ng lakas ng loob na magtanong kay Arlene.

Mas lalong lumapad ang pagkakangiti sa kaniya ng dalaga at pagkuwa’y kumilos ito sa puwesto nito. Umupo ito sa gilid ng kama. “Hindi lamang iyon, amiga,” sabi nito. “Sinabi sa akin ni Señor Salvador na gustong-gusto ka niya para kay Yorme mo.”

Mabilis na nagsalubong ang kaniyang mga kilay dahil sa sinabi nito sa kaniya. “T-Talaga?” tila ayaw pa niyang maniwala.

Sunod-sunod na tumango si Arlene. “Oo. Sinabi niya ’yon sa akin. Kaya nga hindi siya nagdalawang-isip na sumali sa team GaGe dahil boto siya sa ’yo para kay Mayor Gawen.”

Hindi na niya napigilan ang mapangiti dahil sa kaniyang nalaman. Ibig sabihin ay hindi na pala siya magkakaroon ng problema sa señor kung sakali mang maging official na sila ni Gawen!

“E, si Doña Cattleya kaya?” tanong niya ulit mayamaya.

Malalim na buntong-hininga ang pinakawalan ni Arlene sa ere ’tsaka ito pabagsak na muling humiga. “Iyon lang ang problema, amiga,” sabi nito. “Ang sinabi kasi sa akin ni Señor Salvador, gusto raw ni Doña Cattleya si Ella para kay Yorme mo.”

Ang sayang nararamdaman niya kanina ay bigla ring nabawasan dahil sa sinabi ni Arlene. Sabagay! Noong nasa ospital si Emzara, kitang-kita niya kung gaano ka-close si Ella kay Doña Cattleya. Ganoon din ang doña kay Ella. So, hindi malabong ito nga ang magustohan ng doña para sa anak nito.

“Pero, huwag kang mag-alala, bes. E, nagtapat naman sa ’yo si Yorme mo na gusto ka niya. So, kahit pa gusto ni Doña Cattleya si Ella para kay Mayor, wala ring saysay ’yon. Siyempre, si Mayor pa rin ang masusunod kung sino ang liligawan niya. At sigurado akong hindi na magtatagal ay magiging official din kayong dalawa.” Malapad na naman ang ngiti sa mga labing saad nito sa kaniya. “Hindi na ako makapaghintay, bes.”

Muli siyang bumuntong-hininga at tipid na ngumiti nang maalala niya ang naging pag-uusap nila ni Gawen kanina roon sa gazebo. Ang sinabi nito sa kaniya ay kailangan muna nilang itago ang kung ano man ang namamagitan sa kanilang dalawa. Pero kagaya sa sinabi niya sa binata, naiintindihan niya kung bakit iyon ang gusto nitong mangyari sa ngayon. Pero hindi niya lamang maiwasang hindi mag-alala dahil nakikita niya kung gaano kagusto ni Ella si Gawen. Kahit pa man sinabi na sa kaniya ni Gawen na gusto rin siya nito, siyempre didikit pa rin si Ella sa irog niya dahil wala naman itong alam na nagkakamabutihan na silang dalawa.

“Ayos ka lang ba, amiga?” untag na tanong sa kaniya ni Arlene mayamaya.

“Okay lang ako, Arlene. May naisip lang ako bigla.” Aniya.

THE MAYOR'S SPECIAL YAYATahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon