CHAPTER 11

295 29 4
                                    

KAGAT ang pang-ibabang labi ay muling napangiwi si Gelaena nang tapunan niya ulit ng tingin si Gawen na nakahiga pa rin sa damuhan. Hanggang ngayon ay wala pa ring malay ang Mayor. Ang labis na kaba at pag-aalala sa kaniyang puso ay ayaw pa ring mawala. Halos sampong minuto na simula nang mawalan ng malay si Gawen dahil sa kagagawan niya. At habang lumilipas ang mga sandali na wala pa ring malay ang lalaki ay mas lalo siyang nag-aalala.

Bumuntong-hininga siyang muli at nasapo ang kaniyang noo habang nakahawak naman sa kaniyang baywang ang isang kamay niya. “Oh, Diyos ko! Paano kung... paano kung napuruhan ko siya? Paano kung napatay ko pala si Mayor?” nag-aalalang tanong niya sa sarili. Mas lalo siyang kinabahan at nagparoo’t parito na naman nang lakad. “Jusko naman kasi, Gelaena! Bakit mo kasi inisip na magnanakaw ’yong nakita mo kanina? Hindi mo ba nakilala ang likod ni Mayor? My God! Kakapasa mo nga lang ng resume kanina tapos ito pa ang ginawa mo! Malamang na palayasin ka na niya mamaya kapag nagising na siya! Napagkamalan mo na nga siyang hardinero no’ng una, tapos ngayon naman magnanakaw! Oh, Jesus!” usal niya at muling bumuntong-hininga.

Nang mahilo na siya sa pagpapabalik-balik nang lakad ay huminto siya at muling tinitigan ang mukha ni Gawen na nakadikit sa damo.

Dahan-dahan siyang humakbang ulit palapit dito. Nang lumuhod siya sa tapat nito, nagdadalawang-isip pa siya kung hahawakan pa niya ito o hindi.

Muli niyang nakagat ang labi niya at muling tumayo.

“Humanda ka talaga, Gelaena, kapag nagising na siya! Mag-impake ka na ng mga gamit mo. Diyos ko!” nagpalakad-lakad na naman siya. Pero mayamaya ay natigilan siya. “Si Arlene. Kailangan kong tawagin si Arlene para tulungan ako,” aniya at nagmamadali pa siyang naglakad papunta sa main door at nang makapasok siya ulit doon ay tinungo niya ang silid nito. Ilang beses siyang kumatok sa pinto bago iyon bumukas at bumungad sa kaniya si Arlene na halatang antok na antok at naalimpungatan lang dahil sa pang-iisturbo niya.

“Bakit, bes?” namamaos ang boses na tanong nito sa kaniya.

“Bes, g-gising ka ba?”

“Tulog ako,” sagot nito at sumimangot. “Kita mo na ngang nakatayo na ako sa harapan mo, e!” napakamot pa ito sa ulo. “Bakit ba?” iritadong tanong nito.

“E... Arlene, m-may problema kasi ako.”

“Huh? Problema? Nang ganitong oras, Gelaena?” tanong nito.

“Samahan mo muna ako.”

“Saan?”

“Sa labas. Halika dali.” Hinawakan pa niya ang kamay nito at akma na sanang hihilahin ito palabas ng silid, pero humawak naman ito sa hamba.

“Teka lang... ano ang gagawin natin sa labas?” naguguluhang tanong nito sa kaniya. “Gelaena, hating gabi na ata, o! Ang sarap-sarap nang tulog ko tapos—”

“Please, Arlene.” Pinutol niya ang pagsasalita nito at muling hinila ang kamay nito. “Samahan mo muna ako. Malaki ang problema ko ngayon.” Pagmamakaawang saad niya rito.

Kunot ang noo na tumitig naman ito sa kaniya. At mayamaya ay bumuntong-hininga nang malalim. “Teka lang. Kukuha ako ng jacket ko.” Pagkasabi niyon ay kaagad nitong binawi sa kaniya ang kamay nito at muling pumasok sa silid. Hindi nagtagal ay lumabas din ito agad habang isinusuot ang jacket. “Ano ba kasi ang problema mo?” tanong nito habang papalabas na sila ng main door.

“Basta... halika ka rito,” aniya. Ayaw na niyang sabihin dito ang kaniyang problema. Makikita rin naman nito mayamaya ang Mayor nilang nakahandusay pa rin sa damuhan, e!

Nang makarating sila sa may gazebo, kagaya sa inaasahan niya na magiging reaction ni Arlene kapag makita nito si Gawen, hindi nga siya nagkamali.

Nanlalaki ang mga matang napahinto ito sa paglalakad hindi pa man sila tuluyang nakakalapit sa gazebo. Napatutop pa ito sa bibig at ipinagpalipat-lipat ang tingin sa kaniya at kay Gawen na hanggang ngayon ay nakadapa pa rin sa damuhan.

THE MAYOR'S SPECIAL YAYAWo Geschichten leben. Entdecke jetzt