Marilette's POV
Napakarami ko nang pagkukulang kay Morixette simula nang mamatay si Roxette. Oo, ampon lang si Morixette kaya parang naging malamig na ang pakikitungo ko sa kaniya sa pagpanaw ng pinakamamahal kong anak.
Minahal ko rin naman siya, at alam kong ramdam niya iyon. Kung paano ko tratuhin si Roxette bilang anak noon, gano'n din sa kaniya. Patas lang.
Miss na miss ko na ang anak ko. Sobra akong nalugami sa pagkawala niya kaya napabayaan ko na si Morixette.
Pinokus ko na lamang ang atensiyon ko sa pagtatrabaho para kahit papaano ay maka-move on ako sa pagkawala ni Roxette.
Naaalala ko pa kung paano napunta sa amin si Morixette...
"Ma, naiinggit ako sa mga kalaro ko kasi mayroon silang kapatid tapos ako wala," pahayag ni Roxette noong nasa kinder pa siya.
Anim na taon siya noon pero malawak na ang kaniyang pag-iisip.
"Anak, alam mo namang hindi na pwedeng mag-anak si Mama 'di ba?" tugon ko habang hinahaplos ang kaniyang buhok.
Naupo kami sa may sofa at doon nag-usap.
"Opo, pero iba pa rin kapag mayroon kang kapatid. Mayroon kang makakalaro kahit nasa bahay ka lang," aniya habang nakanguso pa.
"Asus, nagpapakyot pa ang baby ko. Hayaan mo, gagawan natin iyan ng paraan."
"Yehey!" sambit niya sabay yakap sa akin.
"Salamat, Mama! I love you!"
"I love you too, anak!"
Kinausap ko ang asawa ko patungkol sa kahilingan ng aming anak.
"Zairus, gusto raw ng anak mong magkaroon ng kapatid," bungad ko habang nasa kwarto kami at nakahiga sa aming kama.
"Talaga? Gagawa tayo ulit ng baby?" maligayang tugon nito na para bang nagkaroon ng ningning ang kaniyang mga mata.
Natawa ako sa reaksiyon niya kaya hinampas ko siya sa kaniyang braso.
"Hindi na nga pwede 'di ba? So, ano gagawin natin?"
"Ahm..." aniya habang hinihimas ang aking braso at wari mo'y nag-iisip.
"Alam ko na, bilhan na lang natin siya ng manyika para maging kapatid niya!" turan ko.
"Pwede rin..." pagsang-ayon naman niya.
Bumili kami ng isang malaking manyika kinabukasan para iregalo sa kaniya.
"Roxette, mayroon ka ng kapatid!" bungad ko.
"Talaga po?" excited nitong tugon.
"Oo, heto o," ani ko sabay labas ng binili naming manyika sa aking likuran.
"E? Bakit po barbie doll?" malungkot niyang sambit habang tangan-tangan ang manyika.
"Hindi ko naman po siya makakalaro, hindi naman siya nagsasalita..." dugtong pa niya habang nakayuko.
"Nagsasalita siya," sambit ko sabay pindot ng buton ng manyika sa likod nito.
"Hi! I'm Mori, do you want to play?" sambit ng manyika.
"Ayaw pa rin! Gusto ko ng kapatid!" giit niya at inihagis ang manyika sa may sahig at nagtatakbo palayo.
Nalulungkot ako dahil hindi ko maibigay ang kapatid na nais niya.
Nag-usap kaming muli ng aking asawa ukol doon.
"Wala tayong choice, Marilette kundi mag-ampon," anito.
"Ayoko sanang mag-ampon pero kung doon sasaya ang anak ko, go."
Pumunta kami ng asawa ko sa bahay ampunan kinabukasan at doon nga namin nakuha si Morixette, apat na taong gulang na siya no'n. Ulila na siyang lubos dahil namatay raw ang mga magulang nito sa sunog at tanging siya lang ang nailigtas.
Sobra ko na talagang napabayaan si Morixette, what if kung mag-family bonding kami bukas? Siguradong matutuwa iyon.
Nandito pa rin ako sa may office, 9pm na. Hinihintay ko na lang na sunduin ako ng aking asawa.
"Hi! I'm Mori, do you want to play?"
Napatingin akong bigla sa may gawing kanan ko nang marinig ang mga katagang iyon. Oo, buhay na buhay pa rin ang manyika na binili namin noon at naka-display ito sa may ibabaw ng drawer ko sa opisina. Si Roxette kasi ang naaalala ko kapag nakikita ko iyon. Napangiti na lamang ako.
"Hi! I'm Mori, do you want to play?"
Napakunot na akong bigla ng noo dahil napagtanto kong hindi nga pala magsasalita ang manyikang iyon hangga't hindi pinipindot ang buton sa likod nito. At isa pa, wala naman itong baterya.
"Hi! I'm Mori, do you want to play?"
Tumaas bigla ang lahat ng aking balahibo sa katawan nang bigla ako nitong ngitian. Nanginginig ako sa kaba...
"Roxette, anak? Ikaw ba iyan?" tugon ko.
Nakakaramdam ako ng kakaibang lamig dito sa loob ng aking opisina kaya pinatay ko kaagad ang aircon.
"Hi! I'm Mori, do you want to play?"
Nanlaki bigla ang mata ko nang makita kong naglalakad ang manyika papalapit sa akin.
"Huwag kang lalapit!" sigaw ko.
Dali-dali kong kinuha ang cellphone ko sa loob ng aking bulsa at tinawagan ang aking asawa.
"Zairus, nasaan ka na ba? Bilisan mo naman! Sagutin mo ang tawag ko please!" sambit ko habang nanginginig sa takot.
Nagulat ako dahil biglang nawala ang manyika sa harapan ko.
"Hi! I'm Mori, do you want to play?"
Napahawak akong bigla sa aking dibdib nang makita ko ang manyika na nakatayo sa may lamesa ko at may hawak na limang bolpen.
"Zairus, sagutin mo please!" giit ko.
Napasiksik na ako tuloy sa kasuluk-sulukang parte ng aking opisina nang dahil sa takot.
"Hi! I'm Mori, do you want to play?"
"Ahhh!" napasigaw akong bigla nang bumungad itong bigla sa may harapan ko.
At dahil sa pagkagulat, naibato ko sa mukha ng manyika ang hawak kong cellphone at nagtatakbo.
"Ahh!" anas ko nang maramdaman kong may tumarak sa aking binti.
Hindi nag ako nagkakamali, isang bolpen ang nakabaon doon.
Na-out of balance ako kaya napasubsob akong bigla sa ibabaw ng aking lamesa.
Kinabahan akong lalo nang mapansin kong nagliliwanag ang aking noo at lumabas rito ang pigurang Ma.
Napanganga ako sa aking nakita habang nasa ganoon pa rin akong pwesto. Isang babaeng nakaitim ang nakalutang sa aking harapan. Nanlilisik ang mga mata niya habang nakangiti siya sa akin.
"Ahh!" sigaw kong muli habang nakaturo sa kaniya.
Napalitan ang Ma sa noo ko at para bang may mensahe itong ipinaparating.
Huwag magpagapi sa takot kung ayaw mamaluktot.
Nawala rin iyon kaagad matapos kong mabasa.
Buong lakas akong tumayo para makalabas dito sa opisina ko kaso pagtayo ko, biglang bumungad sa akin ang manyika at itinarak niya sa aking leeg ang hawak niyang bolpen. Tuloy-tuloy sa pag-agos ang dugo ko roon. Para bang kakapusin na ako ng hininga.
Nanghihina na ako kaya napasalampak akong bigla sa may sahig.
"Hi! I'm Mori, do you want to play?" giit ng manyika sa aking harap at itinarak ang hawak niyang bolpen sa aking dibdib.
"A-ahh" pagak kong ungol.
"A-ahh" anas ko nang itarak niyang muli ang isa pang bolpen.
"A-a--" at itinarak niyang muli ang ikahuling bolpen na hawak niya.
Nanlalabo na ang aking paningin at tila ba nawalan na ng buhay ang manyika dahil bigla na lamang itong bumulagta sa sahig.
Bumukas ang pinto at iniluwa nito ang asawa ko.
"Marilette!" aligaga nitong sambit habang humahangos papalapit sa akin.
"Zai---" hindi ko na natapos pa ang aking sasabihin dahil tuluyan na akong nawalan ng ulirat.
Zairus's POV
Hindi ko napansing tumatawag ang asawa ko dahil nakalimutan kong naka-silent nga pala ang phone ko.
"Bakit kaya ito tumatawag? Miss na siguro ako nito," sambit ko sa aking isipan.
Nang makarating ako sa opisina niya, binuksan ko kaagad ang pinto at nagulat ako dahil duguan siya't may nakatusok na bolpen sa kaniyang leeg at dibdib.
"Marilette, gumising ka! Sinong gumawa nito sa 'yo?" giit ko habang niyuyugyog ang katawan niya.
"Sir, pinatay niyo po si Ma'am..." bungad ng janitor sa may pintuan.
"Nagkakamali ka! Hindi ko iyon magagawa sa asawa ko!"
"Tatawag ako ng pulis!" giit nito at dali-daling nagtatakbo.