Naghihintay ako na hawakan niya ako pero hindi ko naramdaman ang pagdampi ng kaniyang kamay sa akin. Nang imulat ko ang aking mga mata, kinuha niya ang plastik na hawak ni Miss Izzy na naglalaman ng mineral water at ensaymada saka naglakad papalayo.
Masaya niyang binuksan ang inumin at lumagok kaagad dito na para bang uhaw na uhaw. Kinain naman niya ang tinapay na para bang isang linggong hindi nakakain.
Nanlupaypay ako sa riles dahil iyon lang pala ang pakay sa amin ng taong grasa.
"Miss Izzy, diyan ka lang! Huwag ka pong kikilos!" giit ko nang mapagtanto kong nag-aagaw buhay siya.
Kaagad akong nagtatakbo papalayo para humingi ng tulong.
Kaagad akong pumunta ng clinic. Hapong-hapo, pawis na pawis, na para bang hinabol ako ng limang aso sa sobrang pagtagaktak ng aking pawis.
Makalipas ang ilang minuto, nakarating din kami sa kinaroroonan ni Miss Izzy. Sa kasamaang palad, wala na itong buhay nang madatnan namin. Kaagad namang rumispunde ang mga kasama ko para kuhanin ang katawan ng biktima.
---
Bigo na naman ako sa misyon ko. Wala akong sigla nang aking tunguin ang aming silid.
Ako lamang ang taong narito ngayon kaya malata akong naupo sa aking upuan at sumubasob sa aking desk.
Ilang buhay pa ba ang masasayang nang dahil sa kapabayaan ko? Bakit ba kasi ang hirap sumagip ng buhay? Hinang-hina na ako.
Nagpapadyak pa ako ng aking paa sa sahig dulot ng inis at lungkot. Ilang saglit pa, nagliwanag na naman ang libro.
Mabuti na lang at busy ang mga kaklase ko at hindi nila naisipang tumambay sa aming silid kaya kaagad ko namang inilabas ang aklat sa loob ng aking bag at binasa ang mensahe nito.
Hindi ka nagtagumpay. Sumalangit nawa ang kaniyang buhay.
Kaagad ding lumipat sa sumunod na pahina ang libro.
Alphabeto: Ra
Mensahe: Huwag tatakbo nang 'di maasinta ang puso mo
Kamatayang ipinataw: Rail
Dapat pala inalala ko ang mensahe ng ABaKaDa na hindi pala kami dapat tumakbo para hindi mapahamak si Miss Izzy. Hindi naman pala masama ang taong grasa na humabol sa amin.
Pero kahit na, sino bang hindi matatakot at hindi mapapatakbo kung hahabulin ka ng taong grasa na kagaya no'n? Sadyang matalino ang ABaKaDa kaya lagi niya akong naiisahan. Sa susunod, kailangan ko nang paganahin ang utak ko.
Mayamaya pa, lumipat na naman sa sumunod na pahina ang libro at isang mensahe ang ibinigay nito.
Drum na may tubig ang sinisisid. Sa patagalan ng paghinga, sa kaniya'y bibilib.
Hindi ko masyadong nakuha kung ano ba ang nais ipahiwatig dito ng libro. Sinong tao naman kaya ang nais patungkulan dito? Hmm...
Lumipat na naman ito sa sumunod na pahina at binigyan ako ng clue.
Manika ang nilalaro,
Pusong mamon ang puso.
Ang nais ng ama sa kaniya'y baril-barilan,
Ngunit nahilig sa make-up-make-up-an.
Ang labi'y pulang-pula,
Ang mata'y pang-chinita.
Ang kilay'y mataas pa,
Nakahiligan ang pagrampa.
Nanlaki ang mga mata ko at tila ba tumulo halos ang laway ko nang dahil dito. Oh may gash! Si Ej na ang sunod!
Dali-dali kong inilabas ang cellphone ko at dinial ang *144# para mangutang ng load. May cellphone nga ako kaso madalas walang load. Nang makautang na ako rito ng load, kaagad ko namang tinext ang class president namin para kuhanin ang numero ni Ej. Agad-agad din naman itong nag-reply.
Pagka-save ko sa numero ni Ej, kaagad ko siyang tinext.
To: Ej
Nasaan ka? Mag-usap tayo mamaya pagkarating mo rito sa silid natin.
Natataranta ako na parang ewan dahil baka biglang umatake ang ABaKaDa at wala na naman akong magawa. Nagreply naman siya kaagad.
From: Ej
Ayan, nanalo ka pa, Morixette. Hindi tayo talo, sis.
Sasabunutan ko talaga ang kalbong 'to kapag nakita ko.
To: Ej
Tumigil ka nga! Seryoso 'tong sasabihin ko mamaya. Kung mahal mo ang sarili mo, at kung gusto mo pang mabuhay, kailangan mong makipag-usap sa akin mamaya.
"Morixette, ang ganda naman ng hawak mong libro. Tungkol saan ba iyan?" bungad ng kaklase kong nerd habang inaayos niya ang gamit niya sa kaniyang upuan.
Nanlaki ang mata ko at bumilis ang tibok ng puso ko nang dahil doon. Mabuti na lang at hindi na nagliliwanag ang ABaKaDa kaya maaari ko itong lusutan.
"Love story lang 'to, Mimi," palusot ko sabay silid ng libro sa loob ng aking bag.
"A, okay."
Hindi ko napansin na nagreply na pala si Ej kaya binuksan ko kaagad ang mensahe na mula sa kaniya.
From: Ej
Grabe ka naman sa akin. Syempre, mahal ko ang buhay ko. Alam mo namang ayokong mamatay ng virgin.
Mapapaalumpihit na sana ako dahil sa kaharutan ng gagang 'to.
To: Ej
Sasamahan kitang mag-boy hunting bukas.
From: Ej
Oo na, excited much hihi.
Mabuti na lang at pumayag din ang gaga. Malamang, paikot-ikot iyan ngayon dito sa loob ng school at naghahanap ng matitipuhan niya. Pero kahit na maharot iyan, mabait naman.
Sa totoo lang, takot iyan na makipaglandian, maboka lang talaga siya.
May piso pa akong load. May magagamit pa ako in case of emergency.
---
Nandito ako nga sa may corridor at hinihintay si Ej. sampung minuto na lang bago magsimula ang susunod na klase pero wala pa rin siya. Nasaan na kaya iyon? I-text ko na kaya?
Habang nagmumuni-muni ako at nakatingin sa kawalan ay bigla namang may tumawag sa aking pangalan kaya nilingon ko ito.
"Morixette!" sigaw ni Ej habang rumarampa pa papalapit sa akin.
Nawala naman na kaagad ang aking pangamba nang makita ko siya.
Kaso, habang naglalakad siya, nagliwanag ang kaniyang noo at lumabas rito ang letrang Da.
Hala, aatake na ba kaagad ang ABaKaDa?