Habang nagpapahinga si Divine sa kaniyang higaan, napagpasyahan kong magtimpla muna ng kape para hindi ako antukin. Tinungo ko ang sulok ng kaniyang silid at gumawa ng isang matapang na kape. Mas matapang, mas malakas ang panlaban.
Pagkatapos kong magtimpla, kumuha na rin ako ng isang mansanas na malapit ulunan niya at isang biskwet. Medyo gutom ako dahil hindi pa ako nakakakain. Naupo ako sa sofa at doon kumain. Na-miss ko ang pagsawsaw ng biskwet sa kape, gawain ko iyon noong bata. Ngayon kasing malaki na ko, syempre may manners na dapat.
Habang nasa gitna ako ng pagnamnam ng aking kinakain, bigla na namang nagliwanag ang libro. Napahinto akong bigla sa aking ginagawa dahil iba ang pakiramdam ko. Kinabahan ako bigla, para bang may hindi magandang mangyayari kaya nag-atubili akong buksan kaagad iyon.
Agawan buhay na. Kakapit ka pa ba?
Nag-choke akong bigla dahil tiyak nang kikilos ngayon ang ABaKaDa. Nanganganib ang buhay ni Thirdy. Nasaan na ba siya?
Sa muling paglipat ng libro sa sunod nitong pahina.
Gumagapang pa lang,
Mapapatakbo ka na.
Takot ay sasalangsang,
Sasabog ang nadarama.
Ito'y mapanukso,
Lalo pa't ika'y magaso.
Bibilis ang pintig ng iyong pulso,
Maghuhumindig ang iyong balahibo.
Hindi ka makakaligtas,
Ika'y hindi makakatakas.
Tiyak na buhay'y lalagaslas,
Nalalapit na ang pagwawakas.
Dahil sa kaba, ginising ko kaagad si Divine. Niyugyog siya sa kaniyang balikat hanggang sa magising.
"Divs, nasaan na ba si Thirdy? Siya na ang sunod na biktima!" naghuhuramentado kong sambit.
"Ha? Pabalik na raw e. Tatawagan ko nga ulit," nagpapanic ding tugon nito.
"Bilisan mo. Naku, alanganin siya..."
"Oo saglit, huwag mo akong panggigilan. Mas lalo akong natataranta sa kaba sa iyo e."
Dali-daling tinawag ni Divine ang numero ni Thirdy ngunit hindi niya ito makontak.
"Hala, paano na ito?" kinakabahan niyang pahayag. Mas lalong bumakas sa mukha ng aking kaibigan ang lungkot.
"Sige, dito ka lang. Lalabas ako para hanapin siya."
"Sige."
Inayos ko ang aking sarili at kaagad na tinungo ang bukana ng silid.
Thirdy's POV
Nalulungkot ako sa pinagdaraanan ng mahal ko. Hindi ko kayang nakikita siyang nahihirapan. Awa, sakit at kirot, iyan ang dulot sa aking damdamin. Ang hapdi sa puso sa tuwing nakikita ko siyang naghihinagpis sa sakit.
Sana, ako na lang ang nagkasakit. Sanay naman na akong mag-isa lalo pa't nasa ibang bansa ang mga magulang ko. Hindi naman sila nagkulang sa pagpapadala ng pera dito sa Pilipinas kaso iba pa rin talaga kung buo kayong pamilya na sama-sama.
Hindi ko naman masisisi ang mga magulang ko. Ang nais lang naman nila ay ang ikabubuti ko, at ng aming pamilya. Wala akong maisusumbat sa kanila dahil alam kong mahirap din para sa kanila na lumayo pero kailangang magtiis.
Miss na miss ko na sila dahil dalawang taon na silang hindi napapasyal dito sa Pinas. Sana, kung uuwi sila ay hindi na sila bumalik doon. Mabuti na lang at kasama ko sina lolo at lola sa bahay. Dumating pa si Divine sa buhay ko kaya nagpapasalamat pa rin ako sa Diyos.
Ngayong nasa bingit ng kamatayan ang taong mahal ko, hindi ko matanggap. Alam kong hindi pa huli ang lahat, may pag-asa pang humaba ang kaniyang buhay. Si Lord lang talaga ang makakapitan ko.
Sa mga oras na ito, siguro naman ay nagkaayos na sina Divine at Morixette. 'Yung dalawang iyon talaga ang partners in crime sa barkada habang kami naman ni Jerwel. Hindi perpekto ang aming samahan pero matibay naman.
Nandito ako ngayon sa convenient store para bumili ng pagkain. Napagpasyahan kong bumili na lang ng tatlong siopao at tatlong gatorade para sa aming tatlo. Nakakuha na ako ng tatlong siopao na asado kaya tinungo ko naman ang inuminan.
Pagkatapat ko sa may glass door at nakahawak sa seradura nito at nagbabadyang bubuksan pa lang, napansin ko isang liwanag sa aking noo. Letrang A ang pigurang nagliliwanag doon. Kinabahan na ako, alam ko kasi na ito ang tinutukoy ni Morixette na patungkol sa ABaKaDa.
Ilang saglit pa, may para bang lumitaw na mga letra sa may pinto kaya binasa ko ito.
Kung ang aso ay aw-aw,
Ang pusa ay ngiyaw-ngiyaw,
Kanino naman ang bessssss.
Maging mabusisi sa senyales.
Natuod ako sa aking kinatatayuan. Hindi ko alam kung dapat ba akong matakot o kabahan. Pero isa lang ang sigurado, ako na ang sunod na biktima. Kailangan ko nang magmadali rito at bumalik sa ospital.
Dali-dali akong kumuha ng tatlong gatorade at nagbayad sa counter. Hindi ko alam kung kailan ako susugurin ng ABaKaDa, saang lugar niya ako pupuntiryahin, at paano niya nais kitilin ang aking buhay. Dobleng ingat ang dapat kong gawin.
Pagkalabas ko, isang babaeng nakaitim naman ang bumungad sa akin habang ito'y nakalutang sa hangin. Dahil sa sindak, kaba at takot, nabitawan ko bigla mga pinamili ko at ito'y bumagsak sa sahig. Nagsisitayuan ang mga balahibo ko dahil sa kahambal-hambal niyang pagtitig na sinamahan pa ng nakakalokong pagngiti.
"Kuya, okay ka lang ba?" singit ng babae sa aking likuran sabay tapik sa aking balikat.
Hindi ako kaagad nakasagot sa kaniya dahil hindi ako makapaniwalang makakakita ako ng multo. Para bang umurong na ang dila ko sa takot, samahan mo pa ng panginginig ng aking tuhod.
"Hala, ang lamig niyo po. Para po kayong nakakita ng multo," dugtong pa nito.
"A-- e-- wala 'to, huwag mo nang intindihin," palusot ko.
Tanging pagsang-ayon na lamang ang nagawa ng babae at umalis na rin naman kaagad palayo.
"Akin ka! Akin ang kaluluwa mo! Haha!" giit ng babaeng nakaitim.
"Tigilan mo na ako!"
Nagkukumahog akong nagtatakbo palayo. Hindi ko magawang lingunin siya dahil ayoko siyang makita. Diretso lang ang tingin ko sa daan.
Malayo-layo rin ang tinakbo ko hanggang sa matanaw ko ang ospital. Lumiko ako pakaliwa hanggang sa sumandal muna ako sa isang ambulansiya para maghabol ng hininga. Pagod na pagod ako sa pagtakbo, daig ko pa ang hinabol ng aso.
Nagpalinga-linga ako sa paligid para siguraduhing wala na ang babaeng nakaitim na nakasunod sa akin. Napabuntong-hininga ako nang malaman kong wala na ito sa paligid hanggang sa mapukaw ng logo ng ambulansiya ang aking atensiyon. Isang stick habang nakalingkis dito ang isang ahas. Napaisip akong bigla kung bakit gano'n ang logo ng medisina, ano nga kaya ang ibig sabihin no'n?
Kamukat-mukat ko, biglang gumalaw ang ahas at ito'y lumingon sa akin kaya napaupo ako bigla sa may kalsada dahil sa gulat.
Habang nakaupo ako sa kalsada, paurong ako nang paurong palayo sa may ambulansiya dahil unti-unting nabubuhay ang ahas. Pinagpawisan tuloy ako bigla nang malagkit at malamig. Ilang segundo lang, bigla itong nalaglag sa sahig kaya mas lalo akong napaurong. Sa kasamaang palad, napasandal na lamang ako sa may sasakyang tumabing sa uurungan ko.
Dahan-dahang lumalapit sa akin ang ahas habang ako naman, pigil na pigil sa paghinga. Kapag pinigil ko kasi ang paghinga ko, hindi ako nito matutunton.
"Wala ka nang kawala! Haha!" sambit ng babaeng nakaitim habang nakalutang sa ulunan ko.
Pilit kong pinipigil na hindi masindak at matakot dahil gusto ko pang mabuhay. Hindi ko na nakayanang hindi huminga dahil kinakapos na ako ng hangin kaya isang malalim na paghinga ang pinakawalan ko. Kasabay nito ang paglabas ng dila ng ahas bilang senyales na natagpuan niya na ako.
Para itong nakatayo ngayon sa harapan ko at biglang bumuka ang parang tainga niya. Napapikit na lamang ako nang malaman kong Philippine cobra pala ang kaharap ko ngayon.
"Ahhh!" sigaw ko nang tuklawin ako nito.
"Hahaha, mamamatay ka na! Akin na ang kaluluwa mo! Haha!"
"Tulong! Tulungan ninyo ako!"