Hindi ko gusto ang aura na bumabalot kay Charlie. Nakakakilabot, nakakapanghilakbot. Hindi siya 'yong Charlie na kilala ko. Hindi ko alam kung ano ang isasagot sa pang-uuyam niya sa akin, sa amin. Nakakaurat kaya naman napatigagal na lamang ako sa aking kinakatayuan.
Batid naman sa mukha ni Jerico at inis at panggagalaiti dahil sa pantutuya sa amin ni Charlie. Alam kong kanina pa siya nagtitimpi kaya naman pinipigilan ko siya. Sa totoo lang, hindi ko alam kung ano ba ang aking dapat na gawin lalo pa ngayong nagkaharap silang dalawa.
Ang lakas ng tensiyong namamagitan sa kanila. Tila ba tatamaan ka ng kidlat kapag pumagitna ka.
Nang magsimula silang magkarambola, hindi ko alam ang gagawin. Naiiyak ako. Hindi ko alam kung sino ba ang dapat na kampihan. Alam kong pareho lang silang masasaktan pero mayroong higit na masasaktan kapag ako na ang nagsalita. Siguro, kapag pinapili nila ako'y hindi ko kakayanin. Pareho silang mahalaga sa akin.
Kanina, nang marinig kong sinabi ni Jerico na boyfriend ko siya, kitang-kita ko sa mata ni Charlie ang paninibugho. Hindi ko alam kung bakit masaya ako gayong alam kong mahal pa rin ako ni Charlie. Mahal ko pa rin naman siya, ayoko lang madaliin ang lahat kaya umiiwas ako sa kaniya. Makikipagbalikan naman ako sa kaniya kapag handa na ko. Sa ngayon kasi, medyo nag-aalangan pa ko.
Alam ko namang may gusto rin sa akin si Jerico, hindi ko naman isinasara ang puso ko para sa kaniya. Maski nga ako naguguluhan dahil sa mga effort na ginagawa niya para sa akin. Sa tuwing kasama ko siya, masaya ako't hindi nakakaramdam ng lungkot. Masaya ako dahil crush ko lang siya noon pero magkaibigan na kami ngayon. Basta mahalaga rin siya sa akin.
"Charlie, tama na! Tumigil ka na! Ayoko na sa iyo! Hindi na kita mahal kaya layuan mo na 'ko!"
Maski ako nagulat nang sambitin ko ang mga katagang iyan. Dahil sa sinabi ko, bigla na lamang yumuko si Charlie at biglang natahimik. Naramdaman ko ang sakit na kaniyang tinatamasa dahil sa aking nasabi. Ako rin ay nasasaktan, kung pwede lang sana na bawiin ko ang mga sinabi ko ay ginawa ko na kaso may pumipigil mula sa kaibuturan ko.
"Salamat sa lahat, Morixette. Mamimiss kita. I love you..."
Para bang pinana nang pinana ang puso ko nang marinig ko ang huling katagang iniwan niya sa akin bago siya maglakad palayo. Ang sakit, sobrang sakit! Parang ako na rin mismo ang pumatay sa aking sarili dahil sa ginawa ko. Balak ko siyang habulin para sabihing hindi totoo ang lahat ng sinabi ko kanina. Na mahal na mahal ko pa rin siya hanggang ngayon. Kaso, sa paghakbang ng isa kong paa ay bigla akong pinigilan ni Jerico.
"Tama na, Morixette. Huwag mo na siyang sundan. Nandito naman ako e," turan ni Jerico sabay kabig sa aking braso at niyakap ako nang mahigpit.
Ramdam ko ang bilis ng pagtibok ng puso niya. Ang lungkot na namumutawi rin sa kaniya. At ang silakbo ng kaniyang damdamin kaya naramdaman ko ang luhang pumapatak sa aking balikat.
"Nasaktan mo na siya 'di ba? Ako na lang, please. Ako na lang ang mahalin mo..."
Hindi ko alam kung ano ang itutugon ko sa kaniya. Basta, pareho lamang kaming umiiyak sa bisig na bawat isa.
Nang makapagdesisyon na ako, kumalas na ako sa pagkakayakap sa kaniya at hinarap siya.
"Jerico, salamat dahil nandiyan ka palagi sa aking tabi sa tuwing nalulungkot ako. Salamat dahil may nasasandalan ako sa tuwing hindi ko na kinakaya. Salamat dahil naging mabuti kang kaibigan sa akin. Sorry dahil hindi ko pa masusuklian ang pagmamahal mo sapagkat mahal ko pa rin si Charlie."
"Alam ko at ramdam kong siya pa rin ang mahal mo. Sana, sa susunod ay ako naman. Kung saan ka masaya, hahayaan kita. Gano'n naman talaga 'di ba? Dapat maging masaya ka sa kung ano ang ikasasaya ng taong mahal mo. Hindi na kita pipigilan, habulin mo na si Charlie."
Nalulungkot ako para sa kaniya pero ramdam ko ang sinseridad niya sa mga katagang kaniyang binitawan. Napayakap akong muli sa kaniya.
"Salamat, Jerico..."
Pagkatapos ko siyang yakapin ay dali-dali naman akong nagtatakbo kahit na wala akong dalang payong. Wala akong pakialam kung mabasa ako at 'yong bag ko basta ang mahalaga ay maabutan ko si Charlie.
Takbo rito, takbo roon. Hindi ako nagpatinag sa ulan mahabol lang siya.
"Charlie, sandali! Charlie!" sigaw ko ng makita ko siya.
Laking tuwa ko nang lingunin niya ako. Para bang nagkaroon ng ngiti ang puso ko nang masilayan ko siyang muli.
"Charlie, makinig ka! Walang kami ni Jerico! Ikaw pa rin ang mahal ko! I love you, Charlie!" sigaw ko.
Wala akong pakialam kung mayroon mang ibang tao na makarinig sa akin. Para sa akin, ang magkaayos kaming muli ay sapat na.
"Mahal na mahal din kita, Morixette!" sigaw niya.
Para bang nagtatatalon sa tuwa ang puso ko nang marinig ko iyon.
Kaagad siyang tumawid sa kalsada para puntahan ako. Sa hindi inaasahang pangyayari, isang rumaragasang sasakyan ang paparating.
"Charlie!" sigaw ko.
Nakita ko kung paano sinalpok ng malaking truck ang taong mahal ko. Tumilapon si Charlie sa 'di kalayuan at walang paawat ang driver ng truck dahil inararo pa niya ang katawan ng taong mahal ko kaya nagkabali-bali ang buto at halos humiwalay na ang binti at braso ni Charlie sa kaniyang katawan. Ang mga dugong dumanak ng aking mahal sa kalsada ay sadyang napakarami.
Hindi man lang huminto ang driver ng truck at tinakbuhan lang nito ang taong mahal ko. Hindi ko nakita ang plate number nito dahil sa mga luhang tumatagaktak sa aking mukha.
"Charlie! Tulong! Tulungan niyo kami!" sigaw ko.
Kaagad naming nagsidatingan ang mga usisero.
"Kawawa 'yong nabangga ng truck!"
"Kalunos-lunos ang kaniyang sinapit!"
"Tumawag kayo ng ambulansiya dali!" sabi ng isang nakikiusyoso.
Hindi ko kinaya ang mga pangyayari. Hindi ko alam kung ano ang aking gagawin. Panginoon, huwag niyo muna pong kuhanin si Charlie.
Wala akong tigil sa pag-iyak. 'Yong puso ko ay punong-puno ng pagdadalamhati. Hindi ko kayang makita si Charlie na nasa ganoong kalagayan. Hindi ko siya kayang makitang duguan.
Kaagad namang nagsidatingan ang mga rescue.
"Kuya, gawin niyo po ang lahat para mabuhay siya!" pakiusap ko sa taong sumusuri sa katawan ni Charlie.
"Miss, ikinalulungkot ko pero patay na ang biktima." anito.
Para akong pinagsakluban ng langit at lupa nang marinig ko iyon.
"Kuya, please! Hindi pa siya patay!" giit ko habang hinahampas ang braso ng lalaki na mula sa rescue team.
Pinigilan ako ng isang lalaki at inilayo nang kaunti roon.
"Miss, dadalhin na namin sa ospital ang bangkay ng biktima. Kami na ang bahalang kumontak sa mga magulang niya. Take a rest, Miss," pahayag nito at dinala ako malapit sa may malaking puno at doon ako iniupo.
Hindi ko alam kung ano ang aking gagawin. Charlie! mabubuhay ka pa! Hindi ka pwedeng mawala!
Ang sakit. Ang sakit-sakit. Sobrang sakit. Hindi ko maipaliwanag kung gaano kasakit ang tinatamasa ko ngayon. Gusto kong maglupasay. Gusto kong sumigaw. Hanggang ngayon, hindi pa rin ako makapaniwalang wala na siya. Sana, namatay na lang din ako.
Habang patuloy ako sa paghihinagpis sa sakit ng aking nararamdaman ay bigla namang nagliwanag ang libro sa loob ng aking bag kaya kaagad ko itong kinuha.
Hindi ka nagtagumpay, sumalangit nawa ang kaniyang buhay.
Para na namang sinasaksak ang puso ko nang paulit-ulit. Sa totoo lang, ako rin ang may kasalanan kung bakit siya namatay. Kung hindi dahil sa librong 'to, buhay pa sana siya.
Muli itong lumipat sa susunod na pahina.
Alphabeto: Sa
Mensahe: Mag-ingat sa basa kung buhay ay ayaw rumagasa
Kamatayang ipinataw: Sasakyan
Hindi ko alam kung ipagpapatuloy ko pa ba 'to. Maraming buhay na ang nasayang. Wala akong kwenta, hindi ko man lang sila nailigtas. Kung sumagi lang sana sa utak ko ang patungkol dito sa libro, sana nailigtas ko si Charlie. Pero wala e, mas naunang sumilakbo ang bugso ng aking damdamin kaya nawaglit ito sa isipan ko.
Lumipat ulit sa susunod na pahina ang aklat.
Ano ang gagawin mo para maisalba ang buhay ng isa pang taong mahalaga sa iyo? Sa mga oras na ito, maaaring marating niya na rin ang kabilang mundo.
Masakit pa rin at sariwang-sariwa ang pagkamatay ni Charlie. Hindi ko alam kung paano ko ikikilos ang aking paa gayong nanghihina ako. Halos maubusan na ako ng lakas. Hindi ko na kaya. Ayoko na.
Pero...
Si Jerico na ang isusunod! Kailangan ko pa ring kumilos.