Pagkahatid sa akin ni Jerico sa tapat ng gate ng aming bahay...
"Morixette, may pag-asa ba ako sa 'yo?"
Nanlaki ang mata ko dahil sa pagkabigla. Hindi ko inaasahan na magtatanong siya ng ganoon. Pakiramdam ko, umurong ang aking dila. Hindi ko alam kung ano ang isasagot ko sa kaniya.
"A-- e-- kasi--" hindi ko na natapos pa ang sasabihin ko dahil biglang hinawakan ni Jerico ang kamay ko.
"Nanginginig ang kamay mo, ang lamig pa," aniya.
Napayuko tuloy akong bigla nang dahil sa hiya. Hindi ko alam kung titingnan ko ba siya. Sa kalagayan ko ngayon, ako mismo ang nahihiya.
"Hindi naman kita minamadali. Alam kong mahal mo pa rin si Charlie, pero tandaan mong nandito lang ako sa tabi mo."
Pakiramdam ko, para akong kinakabahan na tila ba tatawagin ng aming guro sa recitation dahil sa tinuran ni Jerico. Papalubog na ang araw pero para bang pinagpapawisan ako nang malagkit.
Mahal ko pa nga ba si Charlie? Pero bakit gano'n? Masaya ako kapag kasama ko si Jerico saka pakiramdam ko, safe ako sa kaniya. Maybe natutuwa lang ako sa kaniya dahil crush ko siya?
Naramdaman ko ang pagdampi ng palad ni Jerico sa aking kanang pisngi at hinaplos ito pababa sa aking baba at iniangat ang aking mukha.
Nang magkatitigan kami, para bang hinihipnotismo niya ako dahil sa mapupungay niyang mata. Hindi ko alam kung ano ang ginagawa ko ngayon dahil bigla kong hinaplos din ang kaniyang mukha. Tanging ngiti lamang ang sinukli niya sa akin.
Para akong nasa isang pantasya na sa panaginip lang nangyayari. Normal lang namang kiligin sa crush. Oo, aaminin ko na, kinikilig na ako.
Napakagat akong bigla sa aking lower lip nang mapansin kong unti-unting lumalapit ang kaniyang mukha sa akin. Totoo ba 'to? Idadampi niya ang kaniyang labi sa aking labi?
Five inch na lang ang layo ng aming mga mukha. Hindi ko alam kung ano ang gagawin ko. Kung tutugon ba ako sa halik niya o itutulak siya palayo na para bang pa-demure girl. Napapikit na lang ako nang kusa nang mapansin kong sobrang lapit na niya sa akin. 'Yong tipong naglapat na ang aming ilong.
"Pinapanood tayo ng pinsan mo," bulong niya sabay ngisi kaya medyo naitulak ko siya nang bahagya.
Paglingon ko sa may gate, nandoon si Jaycee na nagdidilig ng halaman ni Lola. Nakangiti siya sa amin.
Hiyang-hiya ako dahil ipinikit ko pa ang mata ko sa pag-aakalang hahalikan ako sa labi ni Jerico. Isa pa si Jaycee, tutuksuhin na naman ako niyan mamaya.
Mabuti na lang at wala sa labas si Lola Alette kundi napingot na niya ang tainga ko. Sa susunod, kung magpapahatid ako kay Jerico dapat medyo malayo nang kaunti sa bahay para safe. Sana nga, may next time pa.
"Sige na, una na ko," paalam niya sabay sakay sa kaniyang bisikleta.
"Ingat ka," tugon ko.
Kasabay ng pagpaandar ni Jerico sa kaniyang bisikleta ay siya namang pagbukas ko sa gate papasok sa loob.
"Nabitin ka ba?" panunuya ni Jaycee habang tumatawa pa.
"Tse! Wala kang nakita!" giit ko sabay palo sa kaniyang braso.
"Sus, okay lang iyan. Sigurado akong may next time pa. Sinagot mo na ba?" pambubuska pa niya.
Sa totoo lang, I want more. Gusto ko pang makasama si Jerico para makapagkwentuhan kami. Sobrang gaan talaga ng pakiramdam ko sa tuwing kasama ko siya. Tila ba nakakalimutan ko lahat ng problema ko.
"Usisero!" segunda ko sabay lakad papasok sa loob ng bahay.
Habang naglalakad ako palayo, naririnig ko pa rin ang paghagikgik niya. May saltik yata ang pinsan kong iyan.
Nadatnan ko sa may sala si Lola Alette na nanunuod ng tv kaya nagmano na lang ako bago dumiretso sa aking kwarto.
Nang makarating ako sa loob ng aking silid, umupo agad ako sa ibabaw ng aking kama. Kinuha ko ang cellphone ko sa loob ng aking bag.
Nagulat ako nang makita kong 100 missed calls, at 43 messages ang bumungad sa akin. Lahat ng iyon ay mula kay Charlie. Binuksan ko ang ilan sa mga message niya.
Baby, mag-usap tayo please?
Hindi ako sanay na ganito tayo. Ano bang kasalanan ko sa 'yo?
Kung may nagawa man akong mali, patawarin mo na ako. Miss ko na ang baby ko.
Kita tayo ngayon sa park. Maghihintay ako roon. Hindi ako uuwi hangga't hindi ka nagpapakita.
Nandito na 'ko. Hihintayin kita, baby ko.
Tototohanin kaya niya na maghihintay siya roon? Kilala ko 'yan si Charlie, bugnutin at ayaw na pinaghihintay. Kung sakali mang mahal niya talaga ako, hindi siya aalis doon.
Nang tingnan ko ang oras ng huli niyang mensahe, nahinuha kong 1pm palang ay nandoon na siya. 7pm palang naman, makatagal kaya siya? Nagdadalawang-isip pa rin ako kung pupuntahan ko ba siya o hindi. Siguro, dapat i-test ko muna siya.
Dulot ng pagod, nahiga muna ako sa aking kama. Ilang saglit lang, nararamdaman ko nang unti-unting bumibigat ang talukap ng aking mata kaya napagpasyahan kong matulog na muna.
Makalipas ang ilang oras, nagising ako dahil may humahaplos sa buhok ko.
Napabalikwas ako sa pagkakahiga nang matanto ko kung sino iyon. Nakaputi siyang damit na tila ba naliligo sa sarili niyang dugo. Si Denise!
"Sorry, Morixette. Patawarin mo na si Charlie. Mahal na mahal ka no'n." bungad ni Denise na ngayong nakaupo na rin sa ibabaw ng aking kama.
Hindi ako makapaniwala na ang sincere makipag-usap ngayon sa akin ni Denise.
"Walang kasalanan si Charlie, puntahan mo na siya."
Napaigtad naman ako sa pagkakaupo dahil sa ipinaalala ni Denise. Kinuha ko ang cellphone ko upang tingnan kung anong oras na.
"Shocks! 12am na!" sambit ko sa aking sarili.
Paglingon ko sa direksyon ni Denise, wala na siya.
Balak kong i-check kung talaga ngang nandoon pa rin si Charlie. Kung nandoon siya, mahal niya talaga ako. Kung wala naman, hindi niya ako mahal.
Dali-dali kong inayos ang aking sarili sa harap ng aking salamin. Nagpalit lang ako ng t-shirt at short dahil nakatulog pala ako ng naka-uniporme. Kaunting spray lang ng pabango then ready na.
Isusukbit ko na sana sa aking balikat ang aking bag nang mapansin kong nagliliwanag na naman ang ABaKaDa.
Kinuha ko iyon kaagad sabay buklat.
Sadyang nakakasilaw ang pera, ngunit hindi mo ito madadala kapag namatay ka na.
Sigurado akong hindi ito si Charlie. Sino kaya siya?
Ilang saglit pa'y muling lumipat sa susunod na pahina ang libro.
Sa oras na ito, nalalapit na ang kaniyang pagsusumamo. Mailigtas mo kaya siya? O buhay niya'y malugas na?
Nakokonsensiya ako dahil hindi ko alam kung sino ang sunod na biktima ng ABaKaDa. Basta ngayon, isa lang ang dapat kong gawin...
...ang puntahan si Charlie.
Ma-ingat kong binaybay ang daan palabas ng aming bahay. Nang makalabas na ako, naghuhumindig akong tumakbo sa subdivision namin. 10 minutes ang layo ng bahay namin bago ka makarating sa entrance nito. Dahil sa pagtakbo ko, 5 minutes lang ay narating ko na ang guard house.
Wala nang masyadong sasakyang dumadaan sa kalsada kaya pahirapan ang pagsakay. Mabuti na lang at mayroong tricycle na nakaparada pa sa labas ng subdivision kaya doon na lamang ako sumakay.
50 pesos ang bayad sa tricycle patungong park. At dahil 100 pesos ang binayad ko't walang panukli si Manong, hinayaan ko na lang na keep the change.
Mabait naman si Manong at mukhang masipag. Basta may part sa isipan ko na nagsasabi na 100 na ang ibigay ko rito. Basta ang inisip ko na lang ay share your blessings at mukhang nangangailangan talaga si Manong kaya madaling araw na'y nakapila pa.
Dahan-dahan kong binagtas ang park. Medyo may kadiliman dahil kaunti lang ang ilaw saka wala nang tao. Nagpalinga-linga ako ngunit hindi ko siya makita.
Tatalikod na sana ako para umalis nang makarinig ako ng paghihinagpis.
"Mahal niya nga ako..." iyon na lamang ang tangi kong nasambit.