Kabanata 29

82 7 0
                                    

Museo

Nakapostura akong bumaba sa aming kalesa. Suot ang aking makulay na filipiniana at ang sumbrero na may balahibo ng pabo. Umarangkada ako sa kahabaan ng sentro ng museo. Naimbitahan kaming dalawang pamilya upang maging panauhing pandangal. Pares ko si Federico dahil ito ang hiling ni Ina. Ilang araw na lang bago sumapit ang kasal. Tanggap ko na ang aking kapalaran.

Hindi na ako tatakas. Wala na akong balak lalo pa noong pinagbantaan ako ni Ginang Amendarez kagabi matapos ang aming salo-salo sa mansyon.

Lahat ng mata nila ay nakatutok sa aming dalawa ni Federico pagtapos ay deretso ng tingin sa aking mga daliri. Naghahanap ng makinang na bagay roon. Madidismaya kung wala naman dahil ang suot kong singsing ay iyong kahoy na binili namin ni Amelia noong pista. Nasa bulsa ko ang pares nito. Makikipagngitian sa akin at pagkatalikod ko'y nagbubulungan. Aba'y magaling!

"Bakit ganyan ang suot mong singsing?" saglit na bulong niya sa akin. Deretso lamang ang tingin ko sa museo.

"Dahil gusto ko."

"Tanggalin mo iyan dahil may ibibigay ako sa iyo mamaya sa ating salo-salo."

Lumipat lamang sa kaniya sandali ang aking paningin sabay baling ko sa ibang gawi. Ayaw niya isipin ng ibang tao na baka iyon ang ibigay niya sa akin. Ayaw niyang mapahiya.

"Alam kong nababalisa ka. Napag daanan ko iyan noong bago ako ikinasal..." panimula ni Ginang Amendarez sa akin habang nakadungaw kami sa Teresa kagabi. Hindi ako umimik.

"Hindi mo man siya mahal ngunit ang pag-ibig ay natututo," dugtong pa niya.

Mahina akong napabungisngis hanggang sa lumakas ang aking tawa. Mataas na kilay ang ginawad niya sa akin.

"Pasensya na po. Pero hindi ako pag-ibig."

"Huwag ka nang magmatigas binibini dahil wala ka nang magagawa."

"Hindi po tayo sigurado riyan Ginang. Kaya kong gawin ang lahat."

"Hanga ako sa iyo hija. Ikaw ay magandang dilag, tila gintong punyal ang iyong itsura. Nakakaakit, nakakamangha ngunit mapanganib. Ganoon din ang tapang na mayroon ka subalit datapwat alam ko na pagdating sa iyong pamilya, ang tila itak mong puso ay mauuwi sa pagiging bulak."

Dumiretso ang aking tingin sa kanyang mata. Matalim ito, gustong mangain. Napaatras siya sa aking titig, isang hakbang ang aking ginawa bago magsalita.

"Ang punyal na itong tinutukoy ninyo ang mismong tatarak sa inyo. Kaya ito ang tatandaan niyo, huwag kayo maglaro ng itak dahil wala akong pagsisisihan kung ilang galong dugo man ang dumanak."

Taas-baba ang aking dibdib. Naghahabol ng aking hininga. Ganoon din ang ginang. Nanlalaki ang kaniyang mga mata at bahagyang nanginig ang mga kamay. Tumikhim ako.

"Huwag po kayong mag-alala, tulad ng sabi ko. Hindi ako tatakas," matamis akong ngumiti bago siya iwan sa veranda.

Natapos ang aking pagbalik tanaw nang batiin ako ng pintor na nangunguna sa pag-oorganisa ng kanyang galeriya sa bahagi ng museo.

"Magandang araw Binibining Balagtas," humalik ito sa aking likod nang palad at saka binati si Federico. Nagbaba ito ng sumbrero at tumango.

"Nagagalak akong makita kayo rito sa aking galeriya," ani Ginoong Hugo Ramirez.

"Kami rin po, nasasabik na kami na masilayan ang inyong mga likha," si Fedrico.

Nasa tanggapan pa lang kami ng museo. Sina ama't ina ay may mga kausap na kung sino-sino. Maraming tao, karamihan ay mararangya base sa mga kasuotan at mga palamuti. Iilan lamang ang nakikita kong simple ang pananamit. Simple ngunit presentable.

Hiraya ManawariWhere stories live. Discover now