Kabanata 4

180 10 5
                                    

Duyog




Matapos mag-ensayo ay gumayak kami papuntang bayan. Nakakabit ang makukulay na banderitas. Nagkalat ang mga tindero at tindera ng mga iba't-ibang produkto. Mayroon mga paso, kagamitan sa kusina, mga porselas at singsing na gawa sa kahoy at marami pang iba.

Sa dulo ng gitna ay ang simbahan ng Santa Rosa at sa gilid nito ay may malaking tanghalan kung saan ay may banda na tumutugtog ng gitara, kulintang, dram, plawta at iba pa. Pinalamutian ang entablado ng makukulay na bulaklak at dahon ng niyog.

Halos hindi kami magkarinigan ni Amelia dahil sa ingay ng mga tao at sa musika.

"Nasaan si Kuya?" tanong ni Amelia na halos sumigaw na.

"May nakasalubong siya na kumandante, marahil ay nag-usap sila sa tahimik na lugar."

"Mga binibini, bili na ho kayo sa akin."

Napukaw ang aming atensyon ng isang matandang ale na nasa gilid ng mga tindahan. Nasa lapag lamang siya nakaupo at halos maapakan siya ng mga dumadaan.

Lumapit kami sa kaniya. Kahit iilan na lamang ang ngipin nito ay ginawaran niya pa rin kami ng totoong ngiti.

Inilahad niya ang mga singsing sa palad namin ni Amelia.

Isang pares ng singsing. Tila para sa mga magkasintahan ito.

"Ibigay ninyo iyan sa inyong mga kabiyak. Nang sa gayon ay maging matatag kayo tulad ng punong narra. Subukin man ng panahon, ang pagmamahalan ninyo ay lalong titibay," malumanay ang kaniyang paos na boses.

Mahina akong humagikgik.

"Naku, wala pa ho kaming mga kabiyak pero bibilhin na lang po namin ang mga ito," sambit ko. Siniko ko si Amelia na tila pipi sa gilid ko.

"Magkakatotoo ba iyan, Ale?" si Amelia.

Nag-abot na ako ng salaping papel.

"Kung maniniwala ka."

"Sige po. Salamat ho. Sa inyo na po ang sukli," sabi ko at nagpatuloy sa susunod na tindahan.

Sumunod din sa akin si Amelia. Matapos mamili at mag gala ay napagdesisyonan na naming umuwi.

Nagsiesta muna ako pagkatapos ng aming tanghalian. Nagising ako sa ingay ng mga tao sa baba ng aming manor. Nagsasalo-salo na sila. Nagkukwentuhan, inuman at nakikipaghalubilo na sa iba't-ibang tao.

Nagsuklay lamang ako ng aking buhok bago bumaba.

Nakita ko ang aking pamilya na nagkikipagkamayan sa mga opisyal. Nang nahuli ni ina ang aking tingin ay hindi niya ako pinalagpas pa. Hinila ako papunta sa kusina kung saan hindi tanaw ng mga bisita.

"Bakit hindi ka pa nag-aayos?"

"Mamaya pa naman po ang salo-salo para sa pamilya Amendarez, ina.".

"Maraming politiko ang pupunta rito. Baka dumalaw pa ang Gobernador Heneral at ang punong prayle. Ano na lamang ang sasabihin nila kung makita kang ganyan?"

Hays.

Yumuko na lamang ako.

"Opo, mag-aayos na ho ako ina."

Gumaan ang awra ng kaniyang mukha kaya sumibat na ako mula roon. Hindi muna ako mag-aayos dahil kailangan kong mahanap si Panggoy upang paalalahanan siya sa aming plano.

Kung sakaling hindi na magbabago ang isip ng aking mga magulang ay tatakas mismo ako sa oras mismo ng duyog kung saan ang lahat ng tao ay abala sa panunuod nito.

Hiraya ManawariTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon