Kabanata 17

113 10 1
                                    

Matanda


Pagbalik namin sa hotel ay nilinis at itinabi ko muna ang mga nakuha namin mula sa mansyon. Naglinis din ako ng aking sarili dahil puno na ako ng alikabok. Mamaya ko na susuriin ang mga iyon.

Maya-maya pa ay may kumatok na sa aking pintuan. Tumingin muna ako sa aking salamin bago tumakbo para buksan iyon.

Tumambad sa akin ang matamis na ngiti ni Arturo. Halos kuminang ang mga ngipin nito. Magaan ang awra niya ngayon. Nakakahawa tuloy. Ginantihan ko rin siya ng matamis na ngiti.

"Magtanghalian na tayo," aniya. Mabilis akong tumango. Hindi naman ako nasasabik no'?

Sabay kaming bumaba papunta sa kainan. Agad na nahagip ng mata ko ang paliguan at ang mga taong naroon. Malalaki ang ngiti nila sa labi. Naiinggit na ako. Nais ko rin lumangoy doon subalit hindi ako marunong lumangoy.

Tumingin ako kay Arturo na ngayon ay inaalalayan ako sa pag-upo.

"Marunong ka bang lumangoy?" lumipat ang kaniyang mata sa akin nang itanong ko iyon. Lalong lumaki ang kaniyang ngiti.

"Oo, bakit?"

"Natanong ko lang. Marunong din ako pero hindi magaling."

Sinuyod ng mata ko ang menu at ganoon din siya. Sinabi namin sa butler ang kani-kaniya naming nais na pagkain.

"Naku! Salamat Arturo! Hindi ko na alam kung paano ako makakabawi sa iyo."

"Just smile. Huwag mo akong sungitan."

Kumunot ang aking noo, "Hindi naman kita sinusungitan ah."

"Ayan," turo niya sa aking kilay. Hinawakan ko ang malago kong mga kilay. Anong problema?

"Palaging nakataas sa akin. Madalas pa magkasalubong," dagdag pa niya. Napalingon sa banda namin ang mga tao na nasa kainan din nang tumawa ako nang malakas.

"Ano ka ba! Normal ko ito!" umiling na lamang siya habang nangingiti.

Napatigil lang ako sa pagtawa nang dumating na ang aming pagkain. Nagsimula na kaming magtanghalian. Gusto ko na nga lumangoy kaso lamang ay sobrang mainit dahil tanghaling tapat. Napagdesisyunan muna naming magsiesta.


Nagising ako nang may kumatok sa aking pintuan. Alas tres na ng hapon pagtingin ko ng orasan.

Sinuot ko ang pinakamaikli kong saya na hanggang lagpas tuhod upang sa paglangoy ko mamaya. Nagmadali akong mag-ayos at inambahan ang pinto. Bumungad siya sa akin na suot ang kulay asul na polo at may makulay na disenyo ng mga puno ng niyog, dagat at mga bulaklak. Maikli lamang ang kaniyang puting pang-ibaba. Hanggang tuhod lamang niya ito kaya lalong naimuwestra ang mahahaba niyang biyas.

"Langoy na tayo!" sambit ko nang may pananabik. Ginulo niya ang buhok ko.

"Miryenda muna," bumagsak ang aking balikat kasabay ng paghaba ng aking nguso.  Nananabik na akong lumangoy, eh!

Sabay kaming bumaba at nagmiryenda ng croissant at sabaw ng buko. Matapos namin ay dali-dali akong lumabas at nagpunta sa paliguan kaso lamang ay may pumito na tagapagbantay.

"Bawal po iyang suot ninyo, Miss."

Nawala ang aking ngiti. Agad na hinanap ng mga mata ko si Arturo na ngayon ay naglalakad na papunta sa amin.

"What's the matter?" ani niya sa tapagbantay nang makalapit.

"Sorry Sir. Pero bawal po ang damit ni Ma'am sa swimming pool."

Nakita kong sinuyod ni Arturo ang buong kasuotan ko. Ginugusot ko sa aking kamao ang aking saya. Bawal ba ang mahabang damit? Kung mag-isa lang ako magtatanggal ako ng saplot katulad ng ginagawa ko noon. Kaso lamang ay maraming tao, hindi naman pwede ang walang saplot.

Hiraya ManawariTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon