Kabanata 1

465 15 6
                                    

Victoria


Malamyos ang araw na tumatama sa aking balat. Maalinsangan ang hangin dito sa bukid marahil ay dahil pawis na pawis na rin ako. Binabalot na ng kahel na kulay ang kalangitan.

Hinila ko ang manggas ng aking baro papunta sa balikat upang makagalaw ako ng maayos.

"Kung pwede lamang na mas maikliian lang ng kaunti itong ating kasuotan ay matagal ko nang ginawa," reklamo ko habang tinatali ang sako.

Pumilantik si Panggoy.

"Pati ba naman ang kasuotan ay inaayawan mo?" aniya.

"Hindi ka para sa bukid. Ang dapat sa dalaga ay nasa bahay lamang. Tumutulong sa gawaing bahay," dugtong pa niya.

"Bakit ba pag babae kailangan nasa tahanan lamang? Hindi ko lubos maunawaan kung bakit niyo kami kinukulong doon."

Pinagtitinginan ako ng mga lalaki naming trabahador. Nagbubuhat din sila tulad ng ginagawa ko, ang pinagkaiba lamang ay tagtatlo o dalawang sako ang kaya nila at ako ay isa lamang.

Niyakap ko ang sako ng mais at unti-unting binuhat. Akmang tutulungan sana ako ni Panggoy ngunit inilihis ko ang aking katawan.

"Kaya ko," inilipat ko ang buhat ko sa sasakyan na papuntang mercado.

"Dahil doon naman talaga dapat kayo at kami ang nasa labas. Nagtatrabaho, nag-aaral at lumalaban sa digmaan."

Ipinukol ko ang aking matalim na tingin sa kanya.

"Kaibigan kita kaya akala ko naiintindihan mo ako," yumakap ulit ako ng isang sako at binuhat ito.

"Naiintindihan kita ngunit hindi maari ang mga gusto mo," madiin niyang banggit at hinablot sa akin ang dala ko at siya na ang naglagay nito sa sasakyan.

Matikas ang pangangatawan ni Panggoy. Hindi katangkaran tulad ng mga manliligaw kong Kastila. Mas matangkad lamang siya sa akin ng kaunti.

Pumihit siya paharap sa akin,"Umuwi ka na sa manor baka pagalitan ulit ako ni Senyora pagnakita niyang kasama mo ako at hinahayaan kitang magtrabaho rito sa bukid."

Nangingintab ang kayumanggi niyang balat dahil sa pawis at araw na tumatama sa kaniya. Kinuha niya ang salukot mula sa ulo at ipinaypay sa sarili.

"Alam mo pag-inulit mo pa iyan, ayaw na kitang maging kaibigan pa," inirapan ko siya.

"Ate!" hinanap ko ang boses ng aking kapatid mula sa nagtatayugang mga mais na isinasayaw ng hangin na hindi kalayuan dito sa aming kinakakatayuan.

Lumabas siya mula roon, halos kasing tangkad niya ang mga ito.

"Amelia," sambit ko. Sabay-sabay na bumati ang mga trabahador sa kaniya.

"Magandang araw sa inyo! Nagmiryenda na ba kayo?" ganti niya sa mga ito.

"Naku! Opo," nahihiyang sambit ng binatilyong trabahador namin na si Pedring.

"Hayaan niyo ay papadalhan ko kayo rito ng maruya at panulak," matamis kaming ngumiti ng aking kapatid.

Pinagpagan ko ang aking saya dahil puno na ito ng alikabok. Nang makalapit siya'y huminga muna siya ng malalim bago ito magsalita.

Yumuko naman ng bahagya si Panggoy upang magbigay respeto.

"Hinahanap ka na ni Ina!" natataranta niyang hiyaw ngunit pabulong.

"Sige, mauna ka na," ani ko.

"May dadaluhan daw tayong salo-salo ngayon," aniya. Kulay dilaw ang suot niyang saya, simple lamang ang burda na mayroon dito. Hawak niya ang paborito niyang pamaypay.

Hiraya ManawariWhere stories live. Discover now