Kabanata 3

204 10 3
                                    

Pista




Alas singko pa lang ng umaga ay bumangon na ako upang makapaghardin. Nagsuot ako ng manipis na kamiseta upang hindi ako mairita at mahirapan kapag tumaas na ang araw.

Ipinusod ko ang aking mahabang buhok at nagsuot na ng bota.

Dali-dali akong bumaba ng hagdanan dala ang dalawang yantok. Balak ko kasi kulitin si Mang Berting na turuan akong muli ng kali arnis.

"Magandang umaga ama!" nasa hapagkainan na sila ng aking kapatid na si Victor. Hawak niya ang malapad na dyaryo.

Nilagyan ko siya ng halik sa kaniyang pisngi.

Umupo ako sa aking silya. Inabot sa akin ni Victor ang sinangag.

"Magsasanay kayo ni Mang Berting?" tanong niya.

"Oo. Ayaw mo na kasi akong turuan. Sabi ko nga ay turuan mo rin akong humawak ng baril."

Ginulo niya ng bahagya ang aking buhok kaya hinawi ko ang kamay niya.

"Kakaayos ko lamang ng aking buhok," pagrereklamo ko. Umaalingawngaw ang bakya ni ina sa buong manor habang bumababa ng hagdan.

"Rosita, pakigising na si Amelia," mando niya sa isa sa aming mga kasambahay.

Umupo siya at tumikhim nang makita ang aking dalawang yantok.

Simula noong makauwi ako rito noong isang linggo galing sa pagtakas ay hindi pa ulit napag-usapan ang tungkol sa kasal. Humupa ang usaping iyon ngunit lalo lamang lumayo ang loob ni ina sa akin.

"Magandang umaga," ani Amelia nang makababa. Umupo siya sa tabi ko.

"May magaganap na duyog sa araw ng pista," sabi ni ama habang tutok pa rin sa dyaryo.

"Ano ang duyog?" tanong ko sa kanila.

"Sa mga nababasa ko, Ate, ang duyog ay ang pagtatakip ng buwan sa araw. Minsan lang daw iyon mangyari. Isa o higit na dekada bago ito mangyari ulit," matalinong sagot ni Amelia habang umiinom ng gatas.

"Buti pa si Amelia ay maraming alam sa astronomiya. Palagi kasi siyang nagbabasa," singit ni ina.

Kinlaro ni Victor ang kaniyang lalamunan.

"Victoria, sa pista ay tuturuan kitang humawak ng baril," pumalakpak ang aking tainga at lumiwanag ang aking umaga.

"Talaga?! Mabuti iyan mahal na kapatid dahil matagal-tagal na rin tayong hindi nagkakakwentuhan at nagkakasama," nasasabik kong hiyaw.

Simula nang dumating siya rito galing Espanya ay naging abala na siya upang maging isang heneral. Nag-eensayo siya sa kanilang kampo sa Intramuros. Gusto ko man sumama ay hindi pwede dahil bawal doon ang babae.

Matapos kumain ay pumanik ako sa aking kwarto upang tingnan ang petsa.

Ika-dalawampu't-lima pa lamang ng Mayo ngayon, taong isang libo't walong daan at walumpu't walo. At ang pista ay sa katapusan. Sana mabilis na sumapit ang oras upang mag-pista na.

Sabik akong humawak ng baril. Kung magaan ba ito o hindi. Nais kong matutong umasinta at magkalabit ng gatilyo.

Tapos na magdilig ng halaman ang aming mga hardinero nang makarating ako roon. Unti-unti nang umiinit dahil tumataas na ang araw.

Binaybay ko ang malawak na lupain hanggang makarating sa koprahan kung nasaan si Mang Berting na papaligiran ng mga niyog. Binati rin ako ng ibang mga trabahador namin.

Natanaw ko siya na naglulugit ng niyog.

"Magandang umaga Mang Berting!"

"Kayo pala Senyorita Victoria. Magandang umaga rin po," huminto siya sa kanyang ginagawa at napatingin sa dala kong yantok.

Hiraya ManawariWhere stories live. Discover now