SIMULA

38.6K 866 116
                                    

“Yes, Mrs. Monterio. This is noted. Okay, we’re going to meet tomorrow. Sige po. Bye!”

Napabuntonghininga ako matapos ibaba ang tawag. Mabilis ang aking mga hakbang habang papasok sa clubhouse ng South Ridge Village, isang eksklusibong lugar na kinabibilangan ng mayayaman at mga prominenteng tao. Napailing na lamang ako habang pinagmamasdan ang aking itsura mula sa salaming dingding nito. Pawisan at halatang pagod mula sa mahabang paglalakad.

‘Malas!’ bulong ko sa sarili.

Sa entrada pa lamang ng nasabing lugar ay kapansin-pansin na ang magarbong interior nito—ang namumukod tanging fountain na nasa sentro mismo ng pavilion at ang malawak na function hall. Minimalist ang disenyo at kulay ng lugar kaya napakaganda at napakaaliwalas nitong tingnan.

Habang naglalakad ay hindi ko maiwasang pagmasdan ang naggagandahang mga muwebles na aking nadaraanan. Ang naghuhumiyaw na kaelegantehan nito at ang magarbong marmol na sahig ay halatang pinagkagastusan. Ngumiti ako sabay napailing. South Ridge Village screamed luxury, it was one of the main reasons why I always wanted to live in this place.

“Alam mo ba? ’Yang bagong lipat d’yan sa kabila, kabit pala ’yan.”

Tumaas kaagad ang kilay ko nang marinig ang bulungan mula sa aking harapan. Kakaupo ko pa lamang mula sa mahabang paglalakad ngunit iyon na kaagad ang bumungad sa akin. Parehong sopistikada at nagsusumigaw sa karangyaan ang dalawang babae na prenteng nakaupo sa silya na nasa aking unahan. Kasalukuyang nagsasalita ang presidente ng village para sa gaganaping Christmas Party sa darating na Pasko ngunit iba naman ang pinag-uusapan ng dalawa.

“Narinig ko nga rin sa isang amiga ko, binubugbog pala ’yang si Mrs. Martinez. Naku! Napakaganda at napakahinhin pero may pinagdaraanan pala,” wika naman ng isa. Hinampas pa nito ang kasama habang nagtatawanan ang mga ito na para bang may nakakatawa sa kanilang pinag-uusapan.

“Alam mo, ’yang si Mrs. Ramirez din, niloloko ng asawa. Nakita ko kamakailan, umiiyak nang mag-isa sa park. Nakakaawa!”

Tumikhim ako para agawin ang kanilang pansin at hindi naman ako nabigo. Kaagad na nanlaki ang kanilang mga mata pagkakita pa lamang sa akin. Napangiti rin sila nang pilit na hindi man lamang umabot sa kanilang mga mata.

‘Plastic!’ hiyaw ng aking isip.

“It’s very rude to talk about other people’s lives behind their backs. Why not talk to them in private?” mariin kong sabi sa mga ito.

Natawa ang dalawa nang alanganin. Hindi rin mapirmi ang kanilang mga mata. Bakit ba may mga taong mahilig mangialam sa buhay ng iba? Bakit may mga taong natutuwa pa sa kamiserablehan ng iba? Why didn’t they mind their own businesses? It was easier that way.

“Pasensiya ka na, Doktora,” hinging paumanhin ng isa sa dalawang babae sabay yuko. Halatang napahiya ang mga ito sa kanilang ginawa.

Tumango ako at lumipat na lamang ng bagong upuan. Pinili ko ang bakanteng silya na ilang dipa lamang ang layo mula sa entablado. Nakinig ako sa bawat plano at mga suhestiyon ng iilan kong kasamahan sa home owners, ngunit saglit lang ay hindi ko naiwasang sulyapan ang aking mga kasamahan isa-isa.

Curiosity filled within me while watching them from afar. Nagsusumigaw rin sa aking utak kung totoo ba ang paratang sa mga ito? Kung totoo bang niloloko ang mga ito ng kanilang mga asawa?

Napailing ako kapagkuwan.

Ano ba ang pinag-iisip ko? Na katulad ko ay niloloko rin ang mga ito? Na miserable rin ang buhay ng mga ito?

Mas lalo akong nanliit sa sarili dahil sa naisip. How low of me to think about other people’s possible misfortune? Nakakatawa at nakakaawa ang isang katulad ko. Isang babaeng nang-aamot ng pagmamahal mula sa taong nangako ng walang hanggan sa altar kasama ko.

Napangiti ako nang mapait para sa sarili. Pinilit ko ring pakalmahin ang unti-unti na namang pagsikip ng aking dibdib. Sino nga ba ang niloloko ko? Aasa pa ba akong mahalin ng aking asawa? Ang pangako ni Atlas sa harap ng altar ay hanggang salita lamang. Walang ibang kahulugan. Dahil alam na alam ko naman na hindi niya ako mahal. Napakasakit para sa katulad kong namanhid na ng hapdi at pasakit.

Nakahinga ako nang maluwag nang matapos ang meeting. Mabilis akong tumayo para lisanin na ang lugar ngunit tinawag ako ng presidente. Wala akong nagawa kundi ang makihalubilo sa aking mga kasamahan.

Habang nagpapalitan ng salita ang mga ito sa harap ng eleganteng tea table ay nakikinig lamang ako. Sasagot kung tatanungin, at kung minsan pa ay tatango na lamang. Pinagmasdan ko rin ang mga ito mula sa malapitan. Napagtanto kong ang tsismis ng iilan ay may basehan. Kitang-kita ko at damang-dama ko.

“Pasensiya na kayo, hindi talaga makakadalo si Zanjo sa party bukas. Hindi na rin ako dadalo. Alam n’yo naman . . . kung nasaan ang asawa, nandoon din tayo,” natatawang wika ni Pepper, isa ring miyembro ng asosasyon.

Napailing ako sa nakita. Kaya mang takpan ng isang plastic na ngiti ang lungkot, ngunit hindi maaaring pekein ang damdaming isinisigaw ng mga mata.

Lungkot, hirap, at pasakit.

Hindi lamang ako ang may pinagdaraanan. Maging ang mga kasama ko ay ganoon din.

“I’m sorry if I can’t be with you all for a long time. May pupuntahan pa kasi ako.”

Nagmamadali akong nagpaalam pagkatapos. Ni hindi ko na hinintay na may sumagot pa sa akin. Dere-deretso ang lakad ko patungo sa aking kotse na naka-park sa di-kalayuan. Nang makalapit ay agad ko itong pinasibad patungo sa direksyon kung saan alam kong masasaktan lamang ako.

Hindi kalayuan sa village ay narating ko ang aking pupuntahan, ang Dreame Café. Hindi ko na pinansin ang mga naroong costumer at dumeretso kaagad ako sa opisina kanugnog ng counter. Nakita ko kaagad ang babaeng aking hinahanap. Si Trina, ang kabit ng aking asawa.

“Ano’ng sadya mo?” nakataas ang kilay na tanong nito.

Agad kong ikinuyom ang aking palad habang ito naman ay nakangising pinagmamasdan ako mula ulo hanggang paa. Napapailing pa ito na tila ba hindi makapaniwala sa nakikita.

“Gusto kong hiramin si Atlas bukas, may pupuntahan kami. May family gathering kami at kailangang nandoon siya,” sagot ko sa tanong nito.

Natawa si Trina sa aking sinabi. Pumapalakpak pa ito na parang tuwang-tuwa. Ngunit, alam kong sa likod niyon ay isang sarkastikong tono. Na may halong galit at panliliit.

“Hindi ko alam kung manhid ka ba, Olive, o bulag. Ayaw na ayaw sa ’yo ni Atlas pero pinilit mo pa rin. Ngayon naman, pati oras ko, gusto mo na ring kunin? Akin si Atlas bukas! Schedule ko kaya magtiis ka sa kahihiyan!”

Sa lahat ng sinabi ni Trina, tanging ang huling pangungusap lang ang tumatak sa akin. Schedule. Para kaming mga bata na nagpapatintero sa laro ng kapalaran. Naghihintay kung kailan magiging taya. Kung sino ang dapat mauna o kung para kanino ang laban.

Ako ang totoong asawa. Ako ang pinakasalan. Ako ang nakikihati sa oras at panahon. Ako rin ang nasasaktan. Isa akong psychiatrist ngunit hindi ko kayang gamutin ang sarili kong sakit.

Hanggang kailan ko kayang tiisin ang sakit?

Hanggang saan ang kaya kong panindigan?

Ilang luha pa ang kaya kong ibigay?

@sheinAlthea

WIFE SERIES: Tears Of A WifeWhere stories live. Discover now