Tip No. 2 - Wag Sasama Sa Hindi Kilala

27.2K 556 39
                                    

Hindi ko alam kung magpapasalamat ba ako o sasabihan sya ng pakialamero. Hindi tama na mag-judge base lang sa itsura at kilos ng isang taong kakakita mo palang pero kung may dapat pagsuspetsahan sa kanilang dalawa ng foreigner na iyon, mas kaduda-duda itong si Mr. Blue Hair.

Napabuntong-hininga nalang ako at hindi na pinansin ang sinabi nya. Masakit na ang katawan ko sa bigat ng dala at paglalakad ng malayo, wala na akong energy para sa isang komprontasyon. "Alam mo ba kung saan yung Bonne View?"

Hindi nya ako sinagot kaagad at lalo lang lumalim ang kunot sa noo nya. Nagsisimula nang sumakit ang ulo ko sa inis. Wala pala syang balak na tulungan ako pero pinaalis nya yung isang tao na gustong tumulong.

May mga pinanganak lang siguro talaga na ma-epal. Sayang, ang cute mo pa naman. Sabi ko nalang sa sarili ko sabay lakad palayo.

Hinarang nya ako ulit at narinig ko syang napabuntong-hininga. Nasa mukha nya ang pagkabuwisit na alam kong nagre-reflect na din sa mukha ko.

Itinuro nya ang building sa likod nya at pakiramdam ko namutla ako bigla sa nakita. "Nababasa mo ba 'yon?" Sabi nya.

Sa itaas ng building, may mga malalaking letters na kulay green ang ilaw at inii-spell nito ang salitang Bonne View. Paano ko pa hindi nakita iyon, hindi ko na alam.

Kung dito na pala ang Bonne View, saan ako balak dalhin ng foreigner kanina? Kung hindi dumating si Mr. Blue Hair, ano na kaya ang nangyari sa akin?

Lumalakad na sya palayo nang naka-recover ako mula sa shock. Isinigaw ko nalang ang 'thank you' pero hindi nya ako sinagot at hindi rin sya lumingon. Hindi ko sigurado kung narinig nya pero sana naramdaman nya kahit paano kung gaano ako ka-thankful. Duguan na siguro ako ngayon o naitapon na sa kung saan kung hindi dahil sa kanya.

Pagkaraan ng ilang oras, natapos ko na ayusin ang mga damit at gamit sa bago kong kwarto sa malaking condo at nahiga na sa kama. Hindi ko ma-enjoy ang unang gabi ko sa isang malambot na higaan dahil sa dami ng iniisip. Kinakabahang excited ako sa unang araw ng klase bukas pero pag naaalala ang nangyari kanina at kung paano ako muntik nang hindi datnan ng bukas, nagiging kabang may takot ang nararamdaman ko.

Ang huling sumagi sa isip ko bago tuluyang makatulog ay ang gwapong si Mr. Blue Hair. Makikita ko pa kaya sya ulit?

* * * * *

Binaba ako ng jeep sa tapat ng campus kinabukasan at napansin ko agad na ang daming gate na pwedeng pasukan at labasan at lahat sila ay may naka stand by na guard sa tabi ng malaking machine na kailangan mo madaanan para makapasok sa loob.

Pinili kong pumila kung saan mas maraming tao ang pumapasok at noong turn ko na, ininspeksyon ng guard ang gamit ko at hinanapan ako ng ID o registration form. Nang naipakita ko na, pinadaan nya ako sa machine at pinalampas noong walang nakitang pinagbabawal na gamit sa akin.

Nang nakalampas na ako, nailabas ko bigla ang hinga na hindi ko napansing napigilan ko pala. Kaso, nang tinignan ko na ang paligid lagpas ng gate, para akong nalula.

Sa probinsya ako kumuha ng entrance exam kaya first time ko makita ang loob ng school at di ko inaakala na ganito pala kaganda at kalawak. Kabi-kabila ang mga building pero may ilang mga lugar na napapalibutan ng puno at mga upuan. Madami ang mga kotse na nagsisipasok at may ilan na nakahanap na ng pagpa-parking-an.

Wala ring uniform dito kaya iba't-iba ang porma ng mga tao. May mga mukhang pinaghandaan talaga ang first day ng klase at parang naka-cosplay ng vampire, dahil puro itim o dark colors ang suot, at may ilan din na parang ginaya naman ang mga korean idol groups na makukulay ang buhok at mata. Meron din naman na simple lang ang porma pero halos lahat sila, mukhang mamahalin ang suot at mga dala.

Nilunok ko na lang yung feeling na parang hindi bagay ang isang mahirap at galing probinsya na kagaya ko sa school na ito.

Nadaanan ko ang isang malaking statue ni St. Lorenzo Ruiz at isang parking lot na may mga kainan sa baba bago ko narating ang building ng College of Business kung saan nandoon ang mga klase ko.

Ang sakit na sa tyan ng pinaghalong kaba at excitement at una kong hinanap ang banyo pagpasok ko sa loob. Inakyat ko ang papuntang third floor (gusto ko sana magelevator kaso lagi syang puno) at nakita kaagad ang classroom para sa una kong subject na Philosophy.

May tatlong tao na sa loob at sabay sabay silang lumingon sa akin pagpasok ko. Bumalik kaagad sila sa pagkalikot ng kanilang mga cell phones nang naupo na ako sa may bandang unahan sa tabi ng bintana. Kung may malalaglag na karayom sa loob ng room, maririnig mo dahil sa sobrang tahimik.

Gusto ko sana makipag-friends kaso magkakalayo kami sa isa't-isa at mukhang hindi ko sila maiistorbo. Nagdrawing nalang ako ng kung ano-ano sa notebook, pampalipas oras kahit hindi ako marunong, dahil wala akong cell phone na pwedeng mapaglaruan.

Isa-isa na nagdatingan ang iba naming classmates at iilan na lang ang mga bakanteng upuan. Unti-unti nang umingay sa loob ng classroom dahil halos lahat ay naguusap-usap na.

Hindi ko gustong maghintay kung may papansin ba sa akin kaya binalak kong mauna na lang sa pakikipagkilala. Makikisali na sana ako sa usapan ng dalawang babae sa likod ko nang biglang may tumili. Napatingin kaming lahat sa may pinto at may ilan na napatayo pa para makita kung ano ang nangyari.

"Di ba si Nathan yun?" Pabulong na sinabi ng babaeng naka-skirt na nakaupo sa likod ko sa katabi nyang naka-skirt din. Halata ang pagka-excite sa boses at mukha nilang dalawa. Para silang Skirt Sisters.

"OMG, classmate natin sya!" Sabi ni Skirt Sister Number Two, ang katabi ni Skirt Sister Number One na nasa likod ko.

"Di ba sya yung nasa HNZ?" Tanong ng isang lalake sa likod ni Number One.

Tumango sa kanya ang Skirt Sisters. "Si Benedict, I think, dito din sa school natin papasok. Sana classmate din natin sya!" Sabi ni Number Two na may halong hindi napigilang tili.

Nawala bigla ang chance ko na sumali sa pag-uusap dahil hindi ko alam kung ano ang pinagsasasabi nila. Sinundan ko ang direksyon kung saan sila nakatingin, curious kung sino yung bagong dating na pinagkakaguluhan ng lahat, pero marami ang mga nagkumpulan sa likod at wala akong makita.

Mga five minutes nalang bago magsimula ang klase at may ilang bumalik na sa upuan nila kaya lumingon ako ulit sa likod para silipin kung sino yung tinatawag nilang Nathan na taga HNZ, kung ano man ang ibig sabihin noon.

Napatayo ako bigla ng nakita ko sya at nahulog ang mga gamit ko sa desk ng hindi sinasadya. Napatingin sa akin ang Skirt Sisters at narinig ko silang nagbulungan pero hindi ako makapag-focus sa kung ano ang sinasabi nila.

Nasa likod kasi, nakaupo sa huling row malapit sa pinto, ay ang tinutukoy nilang si Nathan, na mas kilala ko bilang Mr. Blue Hair.


A Promdi's Guide To Self-discovery (A Girl's Guidebook #1)Where stories live. Discover now