Tip No. 1 - Pag Wala Dito, Hanapin Sa Iba

53.8K 743 59
                                    

Nakatayo ako ngayon dito sa ilalim ng puno ng mangga, nangangati na ang binti sa mga damo at makahiya na nasa palibot, habang hinihintay ang nanay at kapatid ko. Tanaw mula dito ang bundok at ang malaking taniman ng kape at kamatis. Siguro para sa iba na bago sa ganitong eksena, peaceful dito at nakaka-relax. Sa tulad kong lumaki na dito, nakaka-umay na.

Dito pinanganak at lumaki ang mga magulang ko at dito na rin nila pinanganak at pinalaki kaming tatlong magkakapatid. Kuntento na sila sa buhay dito at gusto nila na maging ganon din kami, hindi na maghangad ng iba at maging masaya sa kung ano man ang meron.

Hindi kami mayaman at nag-aararo lang sa bukid ang mga magulang ko. Gusto sana nila na pagka-graduate ng high school ng kuya ko ay makatulong sya sa pagkita ng pera pero may ibang plano si kuya. Iba ang opiniyon nya sa kung ano ang magpapasaya sa kanya.

Bata pa lang sya, gusto na nya makapunta sa iba't-ibang lugar at mapagpatuloy ang pagdo-drawing. Pero, syempre, hindi ito pinaboran. Parati silang nag-aaway at, isang araw na lang, mga limang taon na siguro nakakaraan, nag-impake si kuya ng mga gamit nya at lumayas na lang. Wala kaming balita sa kanya hanggang ngayon.

Mula noon, lalo silang naghigpit sa amin ni Tala, ang bunso kong kapatid. Napunta din sa akin ang mga responsibilidad ni kuya. Nagalit ako kay kuya dahil iniwan nya kami pero hindi ko mapigilan ang sarili ko na i-admire sya sa pagkakaroon ng pangarap at sa pagkakaroon ng lakas ng loob para habulin iyon.

Hindi ako katulad ng ibang bata na nangarap maging doktor o teacher o scientist o madre noong bata pa ako. Wala akong maalala na nasabi kong gusto kong maging ganito paglaki. Nakakalungkot dahil parang na-imagine ko yata ang sarili ko noon na dito na lang habang buhay kaya hindi na nangarap ng kung ano pa man. Umiikot lang ang mundo ko sa maliit na baryo na ito kung saan ang mga tao ay nandito na buong buhay nila at wala nang intensyon na lumipat o maghanap ng mas maayos na kalagayan.

In fairness naman, nakikita ko din ang ganda ng lugar na ito. Tahimik dito, sariwa ang mga gulay at prutas, presko ang hangin, at pag gabi, kita ang napakaraming stars.

Kaso nga lang...

Panahon pa ng dinosaurs ang technology. Pag gabi, wala ka halos makita dahil walang mga poste ng ilaw sa kalye. Bilang mo sa isang kamay ang istasyong makukuha mo ng maliwanag sa TV at kung magkaka-cell phone ka man, i-pamato mo nalang sa piko dahil walang signal. Kung gusto mo mag-internet, kailangan mo pang pumunta sa bayan. Napakalayo namin sa pinakamalapit na mall o ospital at bihira lang mapadaan ang mga tricycle. Konti lang din ang mga taong may sasakyan.

Kilala pa ng lahat ang bawat isa at sila-sila din ang makikita mo araw-araw. Isang maling kilos mo lang, mapag-uusapan ka agad at tatagal iyon hanggang wala silang bagong mapagchichismisan.

Hindi ko gusto na tumagal sa ganito. Gusto ko makita lahat ng posibilidad na maio-offer ng mas malaking mundo.

Kaya nang sinabihan ako ng papa ni Claire, ang best friend ko, na papag-aralin nya ako ng college sa Maynila, hindi ako nagdalawang isip. Um-oo agad ako kahit alam kong hindi papayag ang mga magulang ko. Buti at tinulungan ako ng papa ni Claire sa pagkumbinsi sa kanila na wala silang dapat alalahanin, na sagot nya ang lahat ng pangangailangan ko doon at laging iche-check, kaya napapayag din sila, eventually.

Pareho kaming papasok ni Claire bilang first year sa University of St. Lorenzo Ruiz, isa daw sa mga pinakakilala at pinakamagaling na school sa Pilipinas, pero sa susunod na buwan pa ang dating nya mula sa Amerika kaya mag-isa akong aalis mamayang hapon. Bukas na kasi ang simula ng klase.

Pasado alas once na nang makita ko si Tala at si nanay na may bitbit na mga plastik. Sinalubong ko sila para tumulong sa pagbuhat ng mga pinamili. 

A Promdi's Guide To Self-discovery (A Girl's Guidebook #1)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon