LVI - See You Again

725 45 21
                                    

       Ang bilis ng panahon.

       Sa buhay, may makikilala kang isang tao. Sa una ni hindi mo aakalain kung gaano kalaki ang magiging parte niya sa buhay mo. Ni hindi mo aakalaing maghuhukay siya sa isang parte ng puso mo, at doon ay itatanim ang sarili niya. Kahit lumipas man ang panahon, mananatili na ang katotohanang minsan ay naging mahalaga siyang tanim sa buhay mo.

        Sabi nila, kapag masaya ang isang tao ay hindi niya mapapansin na ang bilis ng oras. Sa totoo lang, sa tuwing masaya tayo ay tila nang-aasar pa ito, at parang ang bilis lumipas ng bawat minuto na animo'y segundo lamang ang itinatagal nito. Ganoon din siguro kapag may nakikilala tayo– ganoon din siguro sa isang pagkakaibigan.

        Parang kailan lang kakarating ko pa lang sa Montecillo Academy. Wala pa akong ni katiting na ideya tungkol sa totoong pagkatao ko, at ang tanging gusto ko lang noon ay pagbutihin ang pag-aaral ko para mapasaya ko si Mama Rianne. Hindi ko man lang naisip noon kung ano ang posibleng magiging buhay ko, at kung gaano kalaki ang pagbabagong mangyayari rito. Kahit nga katiting na ideya kung sino-sino ang mga magiging kaibigan ko ay wala ako. Hindi rin naman kasi iyon pumasok sa aking isipan, dahil kahit noon pa man ay hindi naman ako magaling makipag-kaibigan. Kaya nga nagulat na lang ako nang nagising ako isang araw na mayroon na akong kaibigan– at iyon ay si Cassandra.

        Sino bang mag-aakala na magiging malapit kami ni Cass sa isa't isa? Pakiramdam ko nga ay kalahati ng populasyon sa Academy ay hindi naniniwalang malapit kami. Karamihan sa kanila ay hindi makapaniwala na kaibigan ko siya. Inaway pa nga ako ni Victoria dahil doon.

       Simula nang araw na iyon, napaka dami na ng nagbago. Namatay si Mama Rianne, natuklasan ko ang katotohanan sa likod ng pagkatao ko, nakasama ko ang pamilya ko at mas lumakas ako. Sa lahat ng mga nangyari sa akin, ni minsan ay hindi ako iniwan ni Cassandra. Nanatili siya sa tabi ko bilang kaibigan at patuloy nila akong sinuportahan ni Arianne.

        Kahit ang dami ring pinagdadaanan ni Cass, at sariling problema ay hindi niya ako pinabayaan. Napaka-swerte ko dahil kaibigan ko siya.

        Ang daming masasayang nangyari sa amin ni Cass. Ang dami naming masasayang alaala. Siguro kaya ang bilis ng panahon. Parang kailan lang ay nakikilala ko pa lang siya, tapos ngayon... aalis na siya.

       "Are you ready?" Bumaling ako kay kuya Yohan at tumango habang idinidikit ko ang huling polaroid sa dingding. Pinasadahan ko rin ng tingin ang kabuuan ng inayos namin at hindi ko maiwasang mapangiti.

        Andito kami sa may rec room ng bahay nila Cass at Tito Stephen. Balak kasi naming bigyan ng maliit na surprise farewell party si Cassandra. Naisip namin ito ni Arianne kahapon. Nang makita kasi naming ngumiti si Cass pagdating niya sa bahay nila Arianne ay ang saya namin. Gusto namin parehong makita ulit siyang ngumiti bago siya umalis bukas, kaya kinausap agad namin sila Kuya. Pumayag naman sila sa plano namin, at ipinaalam din namin ito kanila Mommy.

       Nang malaman ni Mommy ang plano ay nag-presenta agad siya na magluto. Aniya'y mami-miss daw niyang ipagluto si Cassandra, at kung mapapasaya naman daw nito ang best friend ko ay bakit hindi? Si Mommy na rin ang kumausap kay Tito Stephen at nagpa-alam ng plano sa kanya. Nakakatuwa nga dahil pumayag si Tito at nangako pa siyang lilibangin si Cassandra para hindi siya makatunog sa binabalak namin. Kaya nga ngayon ay andito kami sa bahay nila, dahil napag-desisyunan naming dito na lang gawin ang farewell party. Isa pa ay gustong-gusto rin nila kuya na pumunta dito.

       Katulad ng inasahan ko ay napaka-laki rin ng bahay nila Cass. Hindi pa ako nagkakaroon ng pagkakataon na maglibot pero dito pa lang sa rec room ay namamangha na ako. Paano kasi ay ginawa nilang rec room ang buong basement, kaya ang ganda masyado. Sabi ni Tito Stephen ay ideya daw ito ni Tita Nichole dati, kaya dito rin ang paboritong tambayan ni Cassandra. Maging sila Kuya ay mahilig daw pumunta rito noon.

Alexandria MontecilloKde žijí příběhy. Začni objevovat