Love Beyond Revenge: 12

1.2K 102 20
                                    

Masaya ang naging pagsasama nina Noah at Michaella sa nagdaang mga araw. Sa sandaling panahon na pananatili ng dalaga sa tahanan ng mga Sandoval— hindi niya maiwasang mapamahal sa kamangha-manghang lugar at mga tao roon.

Ang maningning na mga kabundukan, malalawak na mga burol at bukirin. Ang maliliit na mga taniman— na nababakuran ng pagkalalawak na mga taniman ng pinya't mga lupain na pastulan ng Baryo Trigo.

Kung may pagkakataon lamang ay nanaisin pa sanang magtagal ni Michaella sa lugar na iyon. Gusto pa niyang makasalamuha ang mga tao sa nasabing baryo. Dahil kahit na sa likod ng kanyang pagkakakilanlan bilang unica hija ng Akalde ng buong San Lorenzo— bukas-palad pa rin siyang tinanggap ng mga ito, pati na ang pag-iibigan nila ni Noah nang hindi hinuhusgahan.

"Pasyal ka ulit dito sa amin, Micah, ha?"

"Oo naman po, Nanay Tetay— pagbalik ko, magpapaturo po ako sa inyo kung paano gumawa nitong ipinabaon niyo sa aking rellenong bangus. Sobrang sarap po kasi," nakangiti niyang sambit dito.

"H'wag kang mag-alala. Kapag may pagkakataon ay papadalhan kita uli kay Noah ng rellenong bangus."

Nginitian lang ito ni Michaella bago bumaling sa batang bahagyang humigit ng laylayan ng kanyang suot na bestidang kulay krema.

"Hello, Ning-ning." Dagli naman siyang lumuhod sa lupa nang sa ganoon ay magpantay sila nito.

"A-Ate Micah, p-para po sa 'yo ito," maliit na tinig ng limang taong gulang na batang babae.

Nakangiting kinuha naman ni Michaella ang isang papel at agad na tiningnan ang naka-drawing doon.

"I-Ikaw po 'yan at si Kuya Noah," anito bago lumapit sa dalaga. "Ako po ito... si Ning-Ning." Dagdag pa ng bata bago tinuro ang mumunti niyang iginuhit.

Bahagya namang ginulo ni Michaella ang buhok nito. "Maraming Salamat, Ning-Ning," aniya bago ito niyakap gamit ang kanyang kaliwang braso. "H'wag ka'ng mag-alala. Kapag bumisita ulit si Ate Micah dito— dadalhan kita ng maraming-maraming color at papel. Gusto mo ba 'yon?"

Sabik na nagpatango-tango naman ang batang si Ning-Ning. "Gusto ko po, Ate Micah."

"Basta, palagi kang magpapakabait, ha?"

"Opo..."

"Halika na rito, Ning-Ning. Baka hapunin pa ang Ate Micah mo sa daan," wika ng Ina nitong si Kathy— na siyang kababata ni Noah.

Tuluyan na ring tumayo si Michaella para magpaalam sa mga ito. "Mauuna na po ako. 'Nay Mirna, maraming salamat po sa pagtanggap sa akin..."

Mabilis naman itong pinutol ng ginang. "Walang anuman, Anak. Masaya ako na nakapasyal ka sa lugar namin. Sa susunod magpasabi ka kay Noah kapag gagayak ka uli rito, para naman mapaghandaan kita ng mga paborito mong putahe."

Nginitian lang ito ni Michaella at saka yumapos kay Aling Mirna.

"Hala, sige! Mag-iingat ka sa biyahe, ha? Anak, ihatid mo si Micah hanggang sakayan ng jeep, para naman hindi siya mahirapan sa mga bitbitin niya," ani Nanay Mirna nang tuluyang humiwalay sa dalaga.

"Tara na?" ani Noah nang balingan ang kanyang kasintahan.

Nakangiting tinanguan lang ito ni Michaella bago kumaway para magpaalam sa mga taong naroroon. Tuluyan na siyang pumasok sa loob ng tricycle bago sumunod ang binata.

Napangiti na lang ang dalaga nang maramdaman ang biglang pagsalikop ng mga daliri ni Noah sa kanyang kanang kamay.

Habang binabaybay ng tricycle ang daan papalabas ng Baryo Trigo ay hindi maiwasang mapansin ni Michaella ang malalalim na pagbuntong-hininga't pananahimik ni Noah. Palihim niya itong binalingan at namilog ang kanyang mga mata dahil nabatid niya ang namumuong luha sa gilid ng mga mata niyo. Bahagya naman niyang pinisil ang kamay nito— na siyang naging daan para balingan siya nito.

Love Beyond Revenge (On-going)Where stories live. Discover now