Ang Nawawalang Liwanag, Mukha't Alaala

15 0 0
                                    

NABALOT ng dilim, pangamba at kalituhan ang buong Sangkatauhan. Sa mga sandaling iyon, dapat sumisikat na ang araw at kumakalat na ang liwanag nito sa kalupaan. Ngunit sa hindi malamang dahilan, namalagi ang dilim at nanatili ang kinang ng buwan.

“Tila nagwagi ang buwan sa pagkakataong ito,” wika ng isang matandang lalaki. Nakatingala siya sa kalangitan sa labas ng kanilang tahanan.

“Ano ang ibig mong ipabatid?” tanong naman ng kanyang kabiyak. 

“Nalupig ng diyosang si Mayari ang Panginoong Apolaki.”

“Hindi ba’y nagkaroon ng kasunduan ang Diyosang Mayari at Panginoong Apolaki upang wakasan ang alitang namagitan sa kanila noon?”

“Hindi ko lubos na maunawaan ang mga nangyayari… ngunit batid kong may namumuong gusot sa Kaluwalhatian.”

ILANG TAON na ang nakalilipas simula nang dumilim ang mundo at walang makuhang paliwanag mula sa mga siyentipiko.

Samantala, nakatuon ang tingin ng tatlong estudyante sa harap ng babaeng nasa larawan, hawak ang kanya-kanyang flashlight. Nasa loob sila ng isang lokal na museo ng kanilang bayan.

“Parang bolang apoy ang mga mata niya. ‘Yan ba ang araw, Drake?” tanong ng babaeng estudyante sa kasama niya.

“Siguro… Anagolay, the Goddess of Lost Things,” basa ni Drake sa nakasulat sa paanan ng babaeng nasa larawan. “Hango sa pangalan niya ang nadiskobreng Asteroid noong 1982. Isang Pilipino nga raw ang dahilan kung bakit sa kanya ipinangalan 'yun. ‘Di ba, Phillip?”

Nakatitig nang mabuti si Phillip sa larawan. Ilang sandali’y nilingon niya ang mga kasama.

Napaatras siya.

Nawalan ng mukha ang mga kaibigan niya.

NANATILI ang kadilimang bumabalot sa kalupaan. Isang panalangin ng paghingi ng tulong ang isinasambit ng buong Sangkatauhan sa Diyosang si Anagolay. Ang Diyosa na takbuhan ng lahat sa tuwing may nawawala. Umaasa silang maibabalik nito ang nawawalang liwanag.

Hindi lingid sa kaalaman ng marami, nagkaroon ng dalawang anak ang Amang Bathala sa isang mortal. Si Apolaki at si Mayari. Mga kagila-gilalas at kabigha-bighanang Kalahating Diyos at Diyosang naisilang sa Kaluwalhatian. Nagtataglay ang mga ito ng ubod ng liwanag na mga pares ng mata na nagbibigay ilaw sa kalupaan.  Ngunit sa pagnanais na maangkin ang tronong ipinamana ng Amang Bathala, umusbong ang alitan sa pagitan nila. Nagsagupaan ang dalawang makapangyarihan na humantong sa pagkabulag ng isang mata ni Mayari. Dahil sa nangyari, pumagitna si Bathala. Pinagkasundo. Si Apolaki ang magiging Diyos ng araw dahil sa maliwanag na mata nito at si Mayari bilang Diyosa ng buwan. Salitan nilang babantayan ang buong Sangkatauhan. Sa araw si Apolaki; sa gabi naman si Mayari.

Samantala, hindi matandaan nina Apolaki at Mayari ang kanilang mortal na ina. Maraming nakapagsabing hindi sila nawalan ng ina. Nawalan sila ng alaala.

NAPAPAPIKIT si Phillip sa mga imaheng sumusulpot sa isipan niya.

“Si Anagolay, siya ang mortal na nagkaroon ng anak kay Bathala? Binigyan siya ng kapangyarihan kaya siya naging Diyosa? Teka, ang nawawalang liwanag, mukha at alaala…”

Gumalaw ang nasa larawan.

“Kung ayaw mong matulad sa ama mong nawalan ng buhay; sinasabi ko sa’yo, huwag mong ipagkakalat ang mga nalalaman mo sa henerasyong ito, supling ng mahal kong Apolaki.”

Sumilay ang ngiti nito.

Contest EntriesWhere stories live. Discover now