Soul Eater

50 2 0
                                    

"SOUL eaters?!" bulalas ni Albert sa kausap at napakunot-noo dulot ng kuryusidad. "Anong klaseng nilalang 'yan?"

"Soul eaters..." inayos ng kausap niya ang salamin nito sa mata bago nagpatuloy sa pagsasalita, "mga nilalang na nabubuhay sa mundong iba sa mundo natin, Albert. Kumukunsumo sila ng kaluluwa, kaluluwang may mahinang panangga mula sa kanila. Sampung araw lang ang itinatagal ng taong apektado. Pag-iiba ng ugali ang unang sintomas hanggang sa unti-unting manghina ang katawan. Ayon sa resulta ng pagsusuri ko sa kasintahan mo, nasa ika-siyam na araw na siya mula no'ng pumasok ang soul eater sa kanya."

Pinagpawisan ng malamig si Albert sa mga narinig niya. "T-teka, nakakasigurado ka bang totoo ang mga sinasabi mo, Ginoong Jef?"

Inayos ng ginoo ang pagkakaupo nito. "Ilang taon kong pinag-aralan ang mga nilalang na ito, Albert. Dumayo pa 'ko sa iba't ibang lugar para obserbahan ang mga kasong katulad nito. Minsan ko na ring nakausap ang isa sa kanila. Isa sa mga soul eater... Kaya nakakasigurado ako."

"M-may lunas ba ito?" Umaasa siyang mayroon nga. 'Di niya kakakayaning mawala ang kasintahan nang gano'n-gano'n lang.

Saglit na ipinikit ni Ginoong Jef ang kanyang mga mata. "Sa ngayon, wala pa..."

"Ano?!" tumaas ang boses ni Albert at napatayo mula sa kinauupuan. "Ilang taon mo 'yong pinag-aralan pero wala ka pa ring nahahanap na lunas? Wala ka pala, e!" Ibinagsak at idiniin niya nang marahas ang mga kamay sa mesa. "Akala ko ba magaling ka?! Pagalingin mo siya! Gawin mo lahat! Binabayaran ka para ro'n!"

Tumayo na rin ang ginoo at nagkaharap sila, mata sa mata. "Huminahon ka. 'Di pwedeng magpadalos-dalos. Maaring manganib ang buhay ni Mara 'pag nagkagano'n."

Napayuko si Albert, nanginginig ang mga kamay. "S-saan mahahanap ang mga pesteng 'yan? Makakatikim sila sa'kin." Iniangat niya muli ang matalim na tingin sa ginoo. "Sabihin mo!"

Sa una'y nag-aalinlangan itong sabihin sa kanya kung saan matatagpuan ang mga nilalang pero dahil na rin sa pagpupumilit ng binata, napilitan din itong sabihin. "Sa gitna ng kagubatan... may malaking puno. Nagliliwanag ito tuwing gabi. Doon, do'n sila naninirahan."

PINAGMASDAN ni Albert ang nangangayayat na kasintahan. 'Di niya mapigilang maawa rito. Ang dating masigla at masayahing si Mara, ngayo'y nakaratay na sa higaan. Bata pa ito kung tutuusin pero dahil sa nangyari, nagmistulang isang matandang ale ang dalaga.

"A-alb-bert, k-kumusta?" nanghihinang tanong nito sa kanya. Napailing na lang siya bilang sagot. Sumilay ang mapait na ngiti ng dalaga. "Hanggang... d-dito... na lang yata... ako..."

Lumakas ang pagkabog ng dibdib ni Albert. "Hindi, Mara. 'Di ko hahayaang mangyari 'yon..." Mas lumakas pa ang pagkabog nito nang ipinikit ni Mara ang mga mata. "Mara, pakiusap! 'Wag muna," pagmamakaawa niya. 'Di na niya namalayang lumalandas na ang mga luha sa kanyang pisngi. 'Di niya kayang mawala ang dalaga sa kanya. Mahal na mahal niya ito.

Nagulat siya nang biglang umangat ang dibdib nito at maya-maya pa'y may lumabas na kung ano sa bibig ng dalaga. Napaatras siya sa kinauupuang kama. "S-sino ka?!"

Isang magandang babae ang lumitaw sa harapan niya. Nagliliwanag ang puting damit nito. Tumitig ito sa kanya, ngumiti at bigla na lamang naglaho na parang bula.

NASA harap ng isang malaking puno si Albert, ang punong sinasabing naninirahan ang mga soul eater. Litaw ang liwanag nito sa ilalim ng madilim na kalangitan. Gabi siya nang magtungo rito matapos pumanaw si Mara.

"Hoy! Magsilabas ka'yo! Mga pesteng nilalang! Magpakita kayo sa'kin! Mga walanghiya! Mga walang awa! Harapin niyo 'ko! 'Wag kayong duwag!" unti-unting gumaralgal ang boses niya. 'Di niya mapigilang umiyak sa sinapit ni Mara. Ipinangako niya sa sariling wala siyang ititira ni isa sa mga soul eater. Gusto niyang maghiganti.

Contest EntriesWhere stories live. Discover now