Illusion

43 1 0
                                    

Naglakbay ang isa kong kamay sa matipuno niyang katawan. Dahan-dahan ito, simula sa malapad niyang dibdib, pababa. Tinitigan ko siya. Mataman lang niyang tinitingnan ang mga ginagawa ko. ‘Di ko mabasa ang ekspresyon na pumipinta sa mukha niya. Pero, ramdam ko ang mabigat niyang paghinga sa bawat paghaplos ko.

Nagulat ako nang bigla niyang hinawakan ang pulso ko nang napakahigpit. Sa halip na ipakitang nasasaktan ako, tinugunan ko siya ng mapanuksong ngiti. Ipinatong ko ang isa ko pang kamay sa balikat niya at lumapit sa tainga niya. “Ikararangal kong mahalikan ka…” bulong ko, “Aking Panginoon.” Kinagat ko ang ibabang labi ko.

Napasinghap ako nang bigla na lamang niyang hinawakan ang isa ko pang kamay na nasa balikat niya at isinandal ako nang marahas sa pader. Inilapit niya ang mukha sa’kin. Tila tambol ang ginagawang pagtibok ng puso ko. Tinitigan niya ako. Matalim. “’Di ko akalaing may itinatago ka pa palang pakay sa’kin bukod sa ipinunta mo rito.”

Binitiwan niya ako at umalis sa harapan ko. “Wala akong panahon sa mga walang kwentang bagay.”

Inayos ko ang tayo ko at kumilos na parang walang nangyari. “Nasa baba na nga pala ‘yong mga hinihingi niyong piyesa at metal parts,” nakahalukipkip na sabi ko.

“Mabuti. Pwede ka nang umalis,” tugon naman niya na ikinakuyom ng palad ko.

Wala akong nagawa kun’di ang umalis sa silid niya. Awtomatikong nagbukas ang pinto sa harapan ko. Pagkalabas ko, may isang bilugang pigura na nakatitig sa’kin. Cleaning and Maintenance Program Prototype A002. Isa itong robot na naka-program upang maging tagalinis ng buong gusali. Sinundan ako nito. Nilinis nito ang mga pasilyong dinaanan ko. Ang bawat duming makikita nito ay naka-program bilang foreign object kaya naman, bilang ‘di pamilyar na bagay, kailangang maalis ito.

Nilawakan ko ang sakop ng tingin ko nang makarating ako sa pinakatuktok ng tore. Nagliliwanag ang buong paligid, halos matataas na gusali ang makikita. Robot ang gumagawa ng iba’t ibang serbisyo. Halos artipisyal na bagay ang mapapansin. Nasa mataas na lebel na nga ng teknolohiya umiinog ang mundong kinabibilangan ko. Ito ang Alethousia. Pinagsamang kahulugan ng Power at Reality ang pinag-ugatan ng ginamit na pangalan sa lugar na ito. Maayos sana ang mundong ito kung ‘di lang dahil sa isang taong naghahari-harian, si Baron. Siya ang may-ari ng megacorporation na nagsisilbing sentro ng kapangyarihang militar, politikal, at ekonomiko. Siya ang may-ari ng toreng ito, ang Tower of Erebus.

Lumipat ang tingin ko sa sasakyang panghimpapawid na nasa harapan ko ngayon. 5-seated Air Transportation (Shuttle) Prototype C006. Mukha itong capsule. Isa itong pampublikong sasakyan sa ere. Sumakay ako rito. Walang driver. Tanging makina ang umaandar dito. Huminto ito sa rooftop ng apartment ko. Bago ako bumaba, inilapat ko muna ang hinlalaki ko sa isang kwadradong bagay. Kumukuha ito ng data mula sa fingerprint ko. Kasama sa data na iyon ang bank accounts ko na kung saan nila ikakaltas ang pamasahe.

Agad akong nagtungo sa kwarto ko at humarap sa malaking salaming naroroon. Pinagmasdan ko nang maigi ang kabuuan ko. Matangos na ilong. Bilugang mga mata. Tuwid at mahabang kulay-pulang buhok. Kulay-pulang kasuotan na tanging dibdib patungong hita lang ang natatakpan. Isang pendant na nakatago sa dibdib ko. Bagong mukha. Bagong katauhan. Bagong mundo.

‘Di ko na mabilang kung ilang paglubog at pagtaas ng araw na ang nasaksihan ko. Lampas sa kalahating taon na akong naririto sa mundong ito, sa mundong gawa ng kapatid ko.

Naalala ko pa noon, palihim akong pumasok sa kwarto ni Kuya. Nagulat ako sa mga nakita kong naroroon. Nagkalat ang mga gamit sa buong silid— mga iba’t ibang piyesa, wires, at mga metal na bagay. Sa tabi ng welding machine, may nakita akong libro: Power, Madness, and Immortality: The Future of Virtual Reality. Isinulat ito ni Mychilo S. Cline. Hindi ko ito masyadong pinansin sapagkat nakuha ng isang malaki at silindrong bagay na katabi ng computer ang pansin ko. Gawa ito sa salamin. Dulot ng kuryusidad, napagdesisyunan kong buksan ang pinto nito at pumasok sa loob. Nagulat na lamang ako nang sa muling pagdilat ko, nasa mundong ito na ako bilang isang avatar.

Contest EntriesWhere stories live. Discover now