Maling Unos

32 1 0
                                    

"Ate Sharon!" Humahangos sa pagtakbo ang walong taong gulang na si Sydney palapit sa nakatayong si Sharon. "May bagyo na naman!" Nagkakandapa-dapa na ito, hawak-hawak ang isang supot na naglalaman ng teks. Determinado itong makalapit sa pwesto ni Sharon. Wala itong pakialam kung nagmamala-super saiyan na ang kanyang buhok.

"Sydney? Andiyan na naman ba sila?" Kumunot ang noo ni Sharon.

Humugot naman ng malalim na hininga si Sydney matapos huminto sa tapat ni Sharon. Kasabay ng paghinga nito ay ang pagbabalik-loob naman ng tumakas na sipon sa orihinal na lungga nito. "Oo, ate."

Sasagot na sana siya nang dumating ang apat na babaeng nasa edad labing isa. Mukhang nagtitipid sa tela ang mga hilaw na manggang ito na nagpupumilit mahinog dahil na rin sa maiiksi nitong kasuotan.

"Well, well, well," panggagaya ng isa sa mga ito sa linya at boses ni Maleficent. "Look who's here, girls." Itinaas nito ang isang kilay na nagmistulang isang manipis na linya na lamang dahil sa maling pagkakaahit dito.

Tumawa naman ang mga alipores nitong pulang-pula ang mga labi dulot ng matyigang pagpapapak ng Lipps.

"Ate Sha," panghihigit ni Sydney sa laylayan ng damit ni Sharon, "tingnan mo mukha nila. Mukhang coloring book." Tumawa ito dahilan para mapahagikhik naman si Sharon.

Nangusok naman ang ilong at tainga nila sa narinig. "Hoy! Gusgusing bata na maraming porener ang nanay, umayos ka nga!"

Hinawakan ni Sharon ang kamay ni Sydney. "Tara na, Syd."

"Oooh, nakiepal pa si ampon. Alam niyo ba, girls, sabi ni mommy sa'kin, 'di raw tunay na parents niya 'yong parents niya ngayon?"

"Aww, kawawa naman," maarteng sagot naman ng mga ito.

"Makasalanan kasi mommy niya, pina-abort 'yong dapat na baby nila kaya kinarma at 'di na nagkaanak. 'Tapos 'di pa nagsisimba. 'Di tulad namin, palasimba. Omg! We're so bait talaga. Malapit kami kay Lord."

Yumuko si Sharon.

"Hoy, Pipay Pamaypay, tumigil ka na kung ayaw mong bangasan kita diyan!" singit ni Sydney nang nakapameywang pero hawak-hawak pa rin ang supot ng teks sa kanyang kamay. Bulinggit pa itong si Sydney pero malakas ang loob, pwedeng mapabilang sa Special Action Force na tutugis kay Usman.

Tinaas ni Pipay ang isang linyang kilay nito at tumalikod. "Tara na nga, girls. May pupuntahan pa kami ni mommy, e. Maganda daw do'n. Kaso, pang-rich kid lang, e. I'm sure mag-eenjoy kami."

"Saan ba kayo pupunta, Madam Pipay?"

"Silent Hill," maarteng wika nito at humalakhak.

May bagyo. Ito ang sinasabi ni Sydney, malakas na hangin ng kayabangan na aabot sa mahigit-kumulang 300 kph tulad ng Yolanda o kung sa Electric fan pa, naka-tres at sinabayan pa ng umuulan na panlalait. Pero 'di nagpaapekto si Sharon doon.

Inihatid niya pauwi si Sydney.

"Honey, thank you calling me now. Aylayb you. You excited come to Philippines?" kinikilig na wika ng nanay ni Sydney sa kabilang linya nang makarating sina Sharon sa bahay nito. Kinakausap nito ang kanyang banyagang pulut-pukyutan. Pang-lima sa limang magkakapatid si Sydney. Panganay ito sa ibang tatay. Sabi ng nanay nito, taga-Sydney, New South Wales daw ang ama nito kaya, para 'di malito, Sydney na rin ang ipinangalan ng nanay nito.

Makasalanan. Ito inilalarawan ni Pipay ang pagkatao ng pamilya ng dalawa.

PINAGMASDAN ni Rose, ina ni Sharon, ang kanyang natutulog na asawa. Natatawa siya sa paghilik nito. Nakatulog ito matapos nilang pagtalunan ang sagot sa tanong na: Kung magkaka-amnesia ba ang bakla, magiging bakla pa rin ba siya?

Contest EntriesWhere stories live. Discover now