Sa Paglagas ng Maskara

10 0 0
                                    

Panay ang hithit-buga ng usok ni Anton mula sa nakasubong yosi sa bibig niya. Pampakalma ng sikmura o marahil, pantanggal na rin ng konsensiya.

Kanina pa siya nakasandal sa punong Acacia malapit sa parke. Nagmamasid. Naghihintay. Nababagot.

"Nasa'n na kaya 'yung hunghang na 'yon?"

12: 45 PM. 'Yun ang oras na nakapaskil sa malaking digital clock ng lugar. Mag-iisang oras na siyang naghihintay pero ni hibla ng buhok ni Bernie, 'di niya makita sa parke. Ang usapan, pagkatapos mananghalian, diretso na sa napagplanuhan. Pero...

"Tangnang Bernie 'to. Baka napagtripan na naman ako ng gagong 'to. Pero 'di, e. Mahigpit ang pangangailangan non ngayon... ‘Nyare kaya dun?" litanya niya kahit wala naman siyang kausap.

Napakamot siya ng ulo kahit alam naman niyang wala siyang kuto o balakubak. Kahit papaano, alam niyang malinis siya sa katawan. May mga tattoo siya sa balikat pero ni minsan naman 'di niya itinuring 'yun na marumi katulad na lang ng laging reklamo sa kanya ng tiyahin niya.

Bumuga ulit siya ng usok. Pinakatitigan niya nang mabuti ang mga taong nagdaraan.

Tunay ngang puno ng mapagkunwari ang mundo, sa isip niya.

Kung nandoon si Bernie, malalaman agad nito kung anong tumatakbo sa isipan niya.

Palaging sinasabi ni Anton na ang mundo ay puno ng mga naglalakad na patay. Mga patay na nagkukunwaring buhay. Ngumingiti. Tumatawa. Sinusubukang huminga kahit nakabaon na sa kailaliman ang buong pagkatao. Sinusubukang buhayin ang presensiyang matagal nang kinalimutan ng iba. O 'yung iba, napipilitan pang isangla ang kaluluwa sa impyerno.

Isa siya sa mga patay na 'yun.

Isa siya sa mga mapagkunwari. Pilit niyang itinatayo ang sarili para ipakita sa pamilyang buhay pa siya. Na may pakinabang pa siya kahit na paulit-paulit nang pinapatay ng lipunan ang buong pagkatao niya dahil sa pamantayang singtaas ng langit.

Natatawa pa nga siya sa tuwing sinasabi niya kay Bernie na ang kapal pa ng mukha niya. Sa dami ng pinagpatong-patong na maskarang naisuot niya para lang makibagay,  totoo ang birong 'yun. Totoo ring hindi na niya kilala ang sarili.

Nalusaw na parang make up ng babaeng nakita niyang dumaan sa ilalim ng tirik na araw ang mga iniisip niya nang may tumapik sa balikat niya.

"Tol! Mga patay na naglalakad na naman ba nasa isip mo?" humagalpak ng tawa si Bernie.

"Ungas ka! Kanina pa 'ko naghihintay sa'yo!" Mahinang tinulak ni Anton si Bernie sa balikat. "Ba't ang tagal mong gago ka ha?"

Kumunot ang noo nito. "Kanina pa tayo nag-uusap, 'Tol. Natigil lang no'ng natulala ka diyan. 'Nong pinagsasabi mo ba?"

Mas doble ang ginawang pagkunot ng noo ni Anton dahil sa narinig. "'Wag mo 'kong pinagtitripan, ha? Kundi matatapyasan ka ng balat." 

"Bakit naman kita pagtitripan, ha? Seryoso 'tong gagawin natin. Kilala mo 'ko. Hindi ko isinisingit ang biro sa gitna ng seryosong usapan. Ano bang nangyayari sa'yo?"

Nakita ni Anton sa mukha ni Bernie ang walang bahid ng pangtitrip. Seryoso ito. Katulad ng mukhang nakita niya kaninang umaga kay Bernie.

Tama, kilala nga niya si Bernie. Dalawang taon na silang magkakilala nito. Dalawang taon din ang agwat ng edad nilang dalawa. Beinte uno si Bernie; Labing siyam naman si Anton. Silang dalawa ang parating magkasangga sa buhay. Naiintindihan nila ang isat isa dahil pareho sila. Mga patay na naglalakad.

Nakilala niya ito dahil sa mga dati niyang barkada. Paboritong linya ni Bernie sa tuwing may operasyon sila, "Gagawin lang nating balanse ang takbo ng mundo." Kasabay ang pagsilay ng makahulugang ngiti.

"Kita mo 'yang politikong 'yan? Mayaman 'yan. Mapera. Lahat ng gusto niya, nakukuha niya. Pero magnanakaw na nakabihis nang magara. Mapanlinlang ang kinang niya, 'Tol. Kaya kung sila ngang mayaman, nagagawa pa 'yun, pa'no pa kaya tayong mahihirap? 'Di patas 'di ba? 'Di tayo makukulong. Gagawin lang nating balanse ang takbo ng mundo." 'Yon ang naalalang sabi ni Bernie sa kanya noon at hinding-hindi niya 'yon makakalimutan.

Sa gitna ng magulong pag-iisip, tinanong niya si Bernie. "Ano bang pinag-uusapan natin kani-kanina lang?"

"Ha? 'Di mo maalala? Pinag-uusapan natin kung saan tayo mag-aantay ng mabibiktima. Ang sabi mo pa nga, last mo na 'to. Tutulungan mo lang ako kasi awang-awa ka na sa pagiging pulubi ko. Tangna. Sabi mo pa, titigil ka na kasi gusto mo na ng marangal na trabaho. Inaasar pa nga kita at tinanong na kapag ba nagtrabaho ka nang marangal e paparangalan ka? Magbabago ba ang siste ng buhay? Babalanse ba ang takbo ng mundo?"

Nalukot ang mukha ni Anton. Alam niya ang usapang 'yun. At nangyari 'yun kaninang umaga pa. Hapon na ngayon. Litong-lito siya. Para siyang pinagtitripan ng kung sino man.

Nahagip ng mata niya ang babaeng naka-make up. Maaliwalas ang mukha nito at parang may hinihintay.

Mabilis na hinanap ng mga mata niya ang digital clock ng parke.

11:03 AM.

Umaga pa. Salungat sa 12:45 PM na nakita niya kani-kanila lang.

Mas nagulo ang litong-lito na niyang isip nang sa isang kurap lang, nagbago ang oras sa digital clock. 1:15 PM.

Napahilamos siya ng mukha at kinurap-kurap muli ang mata. Walang nagbago. Ganoon pa rin ang oras. 1: 15 PM.

Doon niya napagtantong, nagpalipat-lipat siya ng oras.

Biglang may sumigaw. Babae. Hindi. Mas higit pa sa sigaw. Palahaw. Tawag ng paghihinagpis at paghingi ng tulong.

Nilingon ni Anton kung saan nanggagaling ang sigaw.

Tumakbo siya para mas lumiit ang distansiya sa pagitan niya at ng boses.

Nagulat siya sa nakita. May lalaking nakahandusay malapit sa kotse. Umaagos ang dugo sa sementadong daan. Hinuha niya, sinaksak ito sa dibdib. Nakita rin niya ang babaeng 'di mapigil ang pag-iyak. Niliitan niya ang paningin at napansing ang babaeng 'yun ay ang babaeng naka-make up na naghihintay kanina.

Bigla siyang nagulat nang biglang lumitaw sa paningin niya si Bernie galing sa kung saan at patakbong pumunta sa direksyon niya.

"Ang tagal mo. Ang sabi ko, magkita tayo dun sa may puno ng mangga. Do'n sa tahimik na parte. Gago, 'Tol. 'Di ka sumipot." Nagmamadali nitong inabot kay Anton ang isang bag, balisa ang mga mata. "Ikaw na bahala dito. Ikaw na maglinis nito para sa'kin." Tinapik siya nito sa balikat at kumaripas ng takbo.

Dahil sa pagkabigla, hindi siya agad nakapagsalita. Natulala siya. Hindi niya alam kung saang parte na to siya dapat maniwala. Kung dapat na ba siyang mabahala o hindi. Kung totoo na ba to o kathang-isip. Gulong-gulo ang isip niya.

Naramdaman na lang niya ang  biglaang pagyakap ng malamig na posas sa mga kamay niya.

"Tatakas ka pa ha. Dalhin 'to sa station!" sigaw ng isang pulis sa mga kasama nito.

Nilingon niya ang direksyon kung saan tumakbo si Bernie. Sa di kalayuan, nakita niyang nakatitig ito sa kanya. Nakatitig din siya. Nagkatinginan silang dalawa. Marami siyang gustong itanong at mukhang nakuha niya ang ilang sagot dito nang Ilang sandali pay  tumalikod ito at kumaripas ng takbo habang siya, hinihila papunta sa sasakyan ng mga pulis.

Naramdaman niyang umakyat ang dugo sa ulo niya. "Teka! Wala akong kasalanan! Puta! Tanggalin niyo 'to!"

Pumikit siya para bumwelo ng sigaw. Pero no'ng pagdilat niya, nahanap niya ang sariling nasa lilim ng punong Acacia. Nagmamasid. Naghihintay. Nababagot.

Nakita niyang may kausap sa cellphone ang babaeng kanina pa niya napapansin. Tiningnan niya ang oras sa digital clock.

1:10 PM.

Itinapon niya sa lupa ang yosi. Inapakan para mapatay ang sindi. Mariin niyang kinuyom ang mga palad, tumalikod at nagsimulang maglakad palayo sa parke.

Sa pagitan ng bakit at paano, umusbong ang konklusyong matagal na niyang sinasambit.

Tunay ngang puno ng mapagkunwari ang mundo, sa isip niya.

At makikita 'yun, sa gitna ng sitwasyong susubok sa katatagan ng prinsipyo't paniniwala.

Vous avez atteint le dernier des chapitres publiés.

⏰ Dernière mise à jour : Jun 28, 2018 ⏰

Ajoutez cette histoire à votre Bibliothèque pour être informé des nouveaux chapitres !

Contest EntriesOù les histoires vivent. Découvrez maintenant