Pagkalunod

19 0 0
                                    

U N E D I T E D

---

ISANG TEXT MESSAGE ang naging dahilan ng muntikan kong pagkakalaglag sa upuan. Halos maidikit ko na rin ang mukha sa screen ng hawak kong cellphone. Napahilamos ako ng mukha na sinundan ng pagsuklay ng buhok gamit ang mga daliri. Hindi pa maunawaan ng utak ko ang dapat na maramdaman.

Agad akong nagtungo sa kusina at kumuha ng isang basong tubig para sa lalamunan kong natuyo sa pagkagulat. Mabilis ko iyong nilagok. ‘Di na pinansin pa ang mga natagas na tubig sa bibig.
Nagpalakad-lakad ako sa maliit na espasyo ng kusina, naglalakbay ang mga mata sa iba't ibang direksiyon habang mistulang lumalakas ang tunog ng orasan.

Ilang sandali pa, naisipan kong pumunta sa lababo. Doon, marahas kong binasa ang mukha ko, nagbabakasaling matauhan.

Si Abby. Si Ralph. Si Mack. Sa kanila nagpaikot-ikot ang isip kong mistulang naghuhuramentado.

PINAGSISISIPA KO ang mga malilit na batong nakikita ko sa hardin. Tiningnan ko ang sarili ko. Halos gusto ko nang masuka sa suot kong gown. Dagdagan pang pinag-make up ako. Ayokong nagbibihis-babae. Naiisip ko pa lang na namumutok ang mga labi ko sa pula at sa pisngi kong de kolor, isa nang kahihiyahan para kay McDonald. Kung ‘di lang dahil kay Abby. Kung ‘di lang mga ngiti niya ang kapalit ng pagsusuot ko ng ganito, Kung ‘di lang para sa kanya, magkamatayan na, hinding-hindi ako papayag.

Nawalan ako ng lakas at napaupo sa damuhan. Tiningnan ko ang bundok na nasa harapan ko. Buti pa ito, payapa.

‘Di pa rin mawaglit sa isip ko ang pangyayaring nagpakirot sa puso ko. Dumating ako sa birthday party ni Abby nang nakangiti pero agad ding bumagsak nang bigla niyang ipakilala sa harap ng mga bisita—sa harap ko—ang isang Raph Santiago bilang boyfriend niya. Pakiramdam ko isa akong batang paslit na inagawan ng mamahaling lollipop o ‘di kaya isang presidenteng nanganganib na mapatalsik sa pwesto dahil sa banta ng kudeta.

Inis napinagbubunot ko ang mga damo sa harapan ko nang may marinig akong tunog ng pusa. Nang mapansing galing sa itaas ng puno ang tunog, agad akong tumingala. Kuting na nakatungtong sa malaking sanga. Pareho kaming may problema ng pusa ‘yon. Ayoko na sanang pakialaman pa ang sa kanya pero naawala ako. Umakyat ako sa puno kahit pa naka-gown ako. Nang makarating sa pwesto ng pusa, saka ko naintindihan ang problema niya. Pareho na kaming ‘di makababa. Nalula ako. Tumungo ako para tingnan kung saan ako pwedeng umapak nang hindi nasasaktan at laking gulat ko nang may lalaking kahulma ang mukha kay Bong Revilla ag nakatingala sa puno, sa pwesto ko at ng gown, sa ilalim ng nakabukas kong gown.

Ngumisi siya nang nakakaloko.

“Berde.”

“Ho-hooy! Tarantad—”

Ipinihit pa niya ang ulo at mas lalong ngumisi. 

Walang pag-iisip akong tumalon. Nadaganan ko siya. At nang makabawi ng lakas, inihanda ko ang kamao ko para suntukin siya sa mukha. Nabasa niya ang gagawin ko kaya agad niyang nahawakan ang kamay ko at hinigit ‘yon papalapit sa kanya. Naramdaman ng mukha ko ang magaspang niyang baba. Sa pagkalas ko sa hawak niya, tumayo ako nang mandiri sa pagkakapuwesto naming dalawa.
Akmang tatadyakan ko na siya sa tiyan nang bigla siyang tumayo at natawa. “Kalma lang, Miss. Masyado kang seryoso.” Pinulot niya ang nahulog niyang panilo.

“E, gago, ka, e!”

Pinagpag ko ang nadumihan kong damit. Gano’n din ang ginawa niya sa suot niyang nababagay ipareha sa mga alapaap dahil sa kulay nito at sa sapatos niyang kasing kulay ng itim niyang pantalon.

“Naghahanap ako ng katahimikan nang makita kita rito nang nag-iisa.”

Ngumisi na naman siya.

Ang itsura niyang nasa bente pataas ang edad, ang buhok niyang kakulay ng tanso, ang kapansing-pansing taling sa bandang ibaba ng mukha niya, ang mga mata—balintataw—niyang malatsokolate, ang saktong kulay ng balat niya, hindi ako maaring magkamali. Siya ang kaibigan ni Ralph Santiago na nakita ko kanina.

“Bumalik ka na do’n,” inis na saad ko. “At, utang na loob, wala kang nakita ‘di ba?”

“Paano kung sabihin kung meron?” Namula ang mukha ko hanggang tenga. “May balat ka pala sa hita, ano? Kung gusto mo, pwede mong ring tingnan ang sa’kin. Meron din ako.”

Kinindatan niya ako.

‘Di ko napigilan ang sarili ko. Nagbitaw ako ng suntok at sa pagkakataong iyon, natamaan ko siya sa mukha.

Inihakbang ko na ang mga paa ko paalis sa gagong ‘yon pero pinigilan niya ako. Hinawakan niya ang pulso ko at pinaupo ako sa damuhan. “May gusto ka sa kanya?” diretsong tanong niya.

May kinuha siya sa bulsa at agad na nginuya.

Nakunot ang noo ko. Hindi ko alam kung sinong tinutukoy niya.
“Kay Abby.”

Nag-iwas ako sa tingin niya kaya napadako ang mata ko sa nakahawak niyang kamay.

“Bitawan mo ‘ko. A-anong nangyari diyan?” pag-iiba ko sa usapan at tinukoy ang nasa bandang pulso niya.

“Naglaro ng kandila noong bata pa.” Hinigpitan pa niya lalo ang pagkakahawak sa’kin. “May gusto ka ba sa kanya?”

“Anong paki mo naman, ha?”
Hindi siya umimik kaya nilingon ko. May bakas ng lungkot sa mga mata niya. “Tara, sumama ka sa’kin.”

Sa ‘di ko malamang dahilan, sumama ako sa kanya.

Nakarating kami sa bahay niya. Napansin kong may mga nakasabit na painting sa dingding. Lahat ng ‘yon larawan ng iba’t ibang klase ng hayop.

Nasa tapat ako ng painting ng pagong na naglalakad palayo sa kawalan. Pahimakas ang titulo.

“Si Marahuyo.”

“Ang weird mo.”

Inanyayahan niya akong uminom. Hindi ako tumanggi. Walang habas kong ininom ang beer na ibinigay niya sa’kin. Ininom ko ang lungkot na naramdaman ko.  Pareho kaming nalasing.

Bigla niya akong hinalikan. Wala na ako sa sarili.

Kinabukasan, nanlaki ang mga mata ko nang makita ang sariling katabi siya.

Nagtatatakbo ako sa lababo. Marahas kong binasa ang mukha ko, hindi makapaniwala sa nangyari. Nilunod ko ang sarili sa tubig. 

NALULUNOD AKO SA mga tumatakbo sa isip ko. Isinara ko ang gripo. Inangat ko ang basa kong mukha nang maalala ang text ni Abby.

Buntis ako. Si Mack ang ama. Tulungan mo ‘ko, Sarah. Mahal ko si Ralph. ‘Di niya dapat ‘tong malaman. Kung ako ikaw, anong gagawin mo?

Natawa na lang ako. Gaga. Pareho lang tayo.

Contest EntriesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon