Hustisya?

96 4 0
                                    

NAGKALAT ang pulang kulay sa paligid ng kwarto- sa pinto, sa kama, sa dingding at sa sahig. Hindi ito isang desinyo. Ito ay isang sining, sining na nilikha ng mga kamay ng taong walang-awang pumaslang sa ama't ina ko.

Hindi ko mailarawan ang aking mukha. Nanlamig ang buo kong katawan na tila ba'y binuhusan ng malamig na tubig.

Galit ang namayani sa puso ko nang malaman mula sa bibig ng aking ina, bago siya malagutan ng hininga, na si Mang Poldo, ang matalik na kaibigan ni Papa, ang siyang gumawa ng karumaldumal na krimen na ito.

Mula sa bintana, sumigaw ako at humingi ng tulong sa mga kapitbahay. Agad naman silang sumaklolo at tumawag ng SOCO at pulis.

Ilang minuto pa'y dumating na rin ang mga ito.

Inasikaso agad ng SOCO ang mga nakahandusay na katawan nina mama at papa. Naliligo sila sa sarili nilang dugo buhat ng maraming saksak na natamo nila. Si papa... bakas sa walang-malay niyang mukha ang paghihirap. Nakatali ang mga paa't kamay. Umaagos pa ang pulang likido sa binti niyang tinalupan ng balat. Kahit ang pagnanais na umiyak ay ipinagkait din sa kanya. Kinuha ang dalawa niyang mata. Wala nang mga mata si papa! Wala nang aagos na luha sa mga mata niya kahit nahihirapan siya. Wala na. Hayop... hayop lang ang gagawa nito.

Tumula ang luha ko nang 'di ko namamalayan. Hindi ko mapigilang humagulhol. Marami akong katanungan ngunit alam kong hindi na ito mabibigyan pa ng kasagutan.

Si Mang Poldo... Bakit? Ano bang nagawa namin sa kanya? Wala akong mahanap na rason kung bakit niya nagawa ito. Kahapon lang, masaya silang nag-iinuman ni papa. Masaya sila... Masaya.

Kung hindi ba ako pumunta ng sayawan sa kabilang barangay, hindi kaya ito mangyayari? Ganito na lang ba ito? Sa isang sandali lang mawawalan na ako ng mga magulang? Bakit ang bilis naman yata? Plano ba talaga 'to ng tadhana? Hindi man lang ako hinayaang makasama sila nang mas matagal pa. Bakit ba?

"Bakit...?" pabulong na saad ko.

Nagpunas ako ng luha sa pisngi pero kahit anong punas ang gawin ko, patuloy pa rin ito sa pag-agos.

Pumunta ako sa mga pulis. Sinabi ko sa kanila ang nangyari at kung sino ang taong nasa likod ng brutal na pagpaslang sa mga magulang ko. Ipinakita ko rin sa kanila ang itsura ni Mang Poldo na nakaimprinta sa isa sa mga larawan kasama kaming pamilya.

Nang pumutok ang araw, nagsagawa ng operasyon ang mga pulis para sa agarang paglutas ng kaso. Misyon nilang hanapin ang kinaroroonan ni Mang Poldo at hulihin ito.

Maya't maya pa, isang magsasaka mula sa kumpol ng mga taong nakikiusyuso ang lumapit sa mga pulis at sinabing hindi pa raw nakakalayo ang suspek. Nakita raw niya itong nagtatago sa maliit na kubo malapit sa ilog.

Pumunta naman kaagad ang mga pulis doon. Sumama ako sa kanila kahit pa babae ako. Gusto kong ibuhos sa kanya ang nararamdaman kong sakit ngayon. Gusto kong ipamukha sa kanya kung gaano siya ka-demonyong tao. Hindi ko alam kung ano nga ba'ng nagawa namin sa kanya para gawin niya ito. Ang tanging alam ko lang sa ngayon ay wala siyang kwentang tao. Wala!

Dahil sa bugso ng damdamin, tumulo na naman ang luha ko. Patuloy lang ito sa pagpatak habang patuloy rin kaming naglalakad para hanapin siya.

Nagtungo kami sa gubat. Malawak ito kaya napag-isipan ng walong pulis na maghiwa-hiwalay. Tigdadalawa sa apat na magkaibang direksyon ang napagkasunduan. Sumama ako sa dalawang pulis na papuntang hilaga.

Nagpatuloy lang kami sa paglalakad. Huminto kami sa isang maliit na kubo malapit sa ilog. Ito na marahil ang sinasabi ng magsasaka na pinagtataguan ni Mang Poldo. Agad na hinalughog ng mga pulis ang buong kubo ngunit sa kasamaang-palad... wala silang nakitang tao sa loob. Marahil nakatakas na siya. Walanghiya!

Tumingin-tingin ako sa madamo at masukal na paligid. Sa 'di kalayuan, may nakita akong lalaking may dalang malaking bag at nagmamadali. Papalayo na ito. Napansin din ito ng dalawang pulis na kasama ko. Tumakbo sila sa kinaroroonan ng lalaki nang hindi nagpapahalata. Pinaligiran nila ito kahit pa dalawa lang sila. Lumapit ako kahit bawal. Nakita kong si Mang Poldo nga ang taong iyon. Nagkasalubong ang mga mata naming dalawa. Wala akong makitang ni katiting na pagsisisi sa mga mata niya. Gano'n na ba talaga siya kawalang-puso?

Napakuyom ako ng palad. Gusto ko siyang suntukin ng ilang beses. Tadyakan. Murahin. Sampalin. Talupan ng balat. Sabunutan. Pero, hanggang doon na lang iyon. Nanigas ang katawan ko. 'Di ako nakagalaw.

Ipinataas ng mga pulis ang dalawang kamay niya pero sa halip na sundin ito, may kinuha siya sa kanyang bulsa. Iyon ay baril. Gumuhit ang malademonyong ngiti sa mukha niya. Agad na pumurma ang mga pulis at itinutok ang mga baril sa kanya. Ilang sandali pa, nakarinig na ako ng umaalingawngaw na putok.

----------------

Nagising ako sa sinag ng araw na pumapasok sa kwarto ko. Bumangon ako mula sa pagkakahiga.

Maaliwalas ang paligid.

Lumabas ako ng kwarto at nag-ikot-ikot sa bahay. Nadaanan ko ang kwarto kung saan naganap ang pangyayaring iyon. Malinis na ito na tila wala nang bakas na makakapagpapaalala ng krimen noong madaling araw.

Malungkot man ang nangyari, masaya pa rin ako kahit papaano dahil nabigyan ng hustisya ang pagkamatay nina mama at papa.

Lumabas ako ng bahay. Naglakad-lakad lang ako sa gilid ng kalsada. Maraming tao ang abala sa kani-kanilang gawain. Mga nakapaskil sa mga pader ng bahay at puno ang pumukaw sa atensiyon ko at maya-maya pa'y... ikinabigla ko.

Nakalagay doon ang mga katagang:

JUSTICE FOR THE MERCADO FAMILY!

At

WANTED: Leopoldo Rivera

CASE: Multiple Murder

REWARD: Php 100,000.00

Napatakip ako ng bibig. Hindi... Hindi... Ano ang mga 'to? Bakit kasama ako sa mga larawang nakapaskil?! At bakit wanted pa rin hanggang ngayon 'yong hayop na 'yon? 'Di ko maintindihan.

Napaatras ako dahil sa mga nabasa ko dahilan para mapunta ako sa gitna ng kalsada. May sasakyang paparating pero nanigas na naman ang buo kong katawan. Hindi ako nakagalaw. Habang papalapit na ito sa kinatatayuan ko, nakita ko kung sino ang nagmamaneho. Si MANG POLDO! Nakangiti siya. Paanong nandito siya? Naguguluhan ako. Pinaharurot niya ang sasakyan at dumaan kung saan ako nakatayo nang hindi man lang bumubusena. Napapikit na lamang ako. Hindi ko alam kung bakit hindi ako tumakbo. Pagkamulat ko, nakita kong papalayo na siya. Papalayo na ang taong hinahanapan ko ng kasagutan, ng hustisya.

Kinapa ko ang katawan ko pero wala akong maramdamang kahit anong sakit, ni galos wala. Paanong nangyari iyon? Posible kayang tumagos ang sasakyan sa katawan ko?

Maya-maya pa, may nakita akong babae na patungo sa direksyon ko. Si Jane, kaibigan ko. Tinawag ko siya pero 'di niya ako pinansin. Dire-diretso lang ang tingin niya; tila ba'y 'di niya ko nakikita. Napaangat ang ulo niya sa mga nakapaskil na larawan sa pader. "Liz..." tawag niya sa pangalan ko at kasabay niyon ang pagtulo ng luha niya. "K-kainis ka, alam mo 'yun? Sinungaling... sabi mo... walang iwanan." Kinuyom niya ang palad niya. "Masyado ka pa talagang inosente." Ngumiti siya nang pilit. "Lam mo bang... 'di lahat ng alagad ng batas eh tapat sa batas? Na 'yong iba eh tuta ng mga taong kontra rito? Alam mo 'yon? Dapat alam mo! Liz naman eh." Tumulo na naman ang luha niya.

Nagulat ako. Nang mapagtanto ang mga nangyari, nakaramdam ako ng magkahalong lungkot at galit.

"Grabe. Isang napakagandang palabas. Mapanlinlang.

Ngayon... naiintindihan ko na. Naiintindihan ko na kung bakit hanggang sa kabilang-buhay ninanais pa rin ng ilan na matamo ang mailap na hustisya. Pero... may hustisya nga ba? Marahil meron ngunit para lamang iyon sa mga piling tao sa lipunan. Sa ngayon... para sa mga tulad kong hitik sa kamalasan, isa pa lamang iyong kathang-isip na mahirap paniwalaan o pangarap na mahirap maabot," bulong ko sa hangin at nagsimulang maglakad sa kawalan.

_WAKAS_

Contest EntriesWhere stories live. Discover now