Pagtatama

38 2 0
                                    

HAWAK ang wine glass sa kabilang kamay, kagat-labing ini-scan ni Precious ang cellphone niya. Nakailang tawag na si Beth at Sam, mga kaibigan niya, sa kanya. Nakokonsensya siya sa hindi pagsagot sa tawag ng mga ito. May lakad dapat sana sila pero heto siya ngayon, nasa party kasama ang boyfriend niyang 'di hamak na mas matanda sa kanya ng sampung taon. Gustuhin man niyang sumama sa mga kaibigan ay hindi pwede.

Magmi-midterm na at wala pa siyang pambayad ng tuition. Wala na rin siyang panggastos para sa anak. Oo, ina na siya simula noong nag-kinse anyos siya. Limang taon na ang nakakalipas mula noon pero hindi pa rin nagpapakita sa kanila ang ama ng bata. Ang mayaman niyang boyfriend na nakilala lang niya kanina ang nag-abot ng tulog sa kanya. Kaya, heto siya, sunod-sunuran sa kung saan man ito magpunta. Lihim ang relasyon nilang ito. May asawa na ang lalaki. Alam niyang pera't laman lang ang umiikot sa relasyon nilang dalawa.

"Hi, babe," bati ni Gab Perez, boyfriend niya, habang papalapit ito sa kanya.

Sasagot pa lang sana siya nang biglang huminto ang lahat--- ang mga tao, ang hangin, at ang ingay dulot ng kasiyahan sa party. Walang gumagalaw bukod sa kanya. Makalipas ang ilang sandali, may tumamang nakakasilaw na liwanag sa mukha niya dahilan para mapapikit siya.

Halos maluwa naman ang mga mata niya nang sa muling pagdilat niya, nasa harap na niya ang malawak at asul na dagat. Parang bituin sa kalangitan ang ginagawang pagtama ng sikat ng araw rito, kumikislap-kislap.

Nilawakan niya ang sakop ng tingin. May natatanaw siyang mga puno't buhangin. Naririnig niya ang ginagawang tunog ng dagat habang humahalik ito sa dalampasigan.

"T-teka, w-where is me?" naguguluhang tanong ni Precious sa sarili gamit ang wikang banyaga na ayon sa kanya'y gamay na gamay niya.

"Nasa isla ka, Binibini."

Napatalon naman si Precious sa biglang nagsalita. Dahan-dahan niyang pinihit ang ulo hanggang sa makita niya ang isang binata sa tabi niya. Nakapamulsa ito.

"Tagarito ka ba? what is happen? Why is me here?" Nagtataka pa rin si Precious. 'Di niya alam ba't bigla siyang napunta sa lugar na 'to.

"Kuwentuhan mo naman ako sa naging buhay mo noon," kaswal at biglang tanong ng binata.

Naningkit ang mga mata ni Precious. "What? Duh, why should I? Nasa'n nga 'ko?"

Natawa ang binata. "'Di ko akalaing interesanteng babae pala ang mapapadpad ngayong araw rito."

"What you mean?"

Lumayo ang binata nang kaunti at humarap sa kanya. "Kung bibigyan kita ng pagkakataong baguhin ang nakaraan, ano'ng gusto mong baguhin?" seryosong tanong ng binata pero ngumiti rin sa huli.

Nakunot ang noo ni Precious pero kahit gano'n, napaisip pa rin siya sa tanong nito. Kung may babaguhin man siya, 'yon ay sana simula't sapul pa lang ay nabuhay na siya sa karangyaan at sana hindi siya maagang nabuntis. Sawa na siya sa kahirapan. Naririndi na siya sa mga bulung-bulungan ng ibang tao sa kanya. Gusto niyang makaahon sa putikang ginawa ng lipunan para sa mga katulad niya at sa tingin niya, ang pagiging mayaman ang solusyon do'n. 'Pag may pera, walang mangangahas mang-api. 'Pag may pera, hinding-hindi na siya titingnan nang mababa; titingalain na siya.

Kinamot ng binata ang ulo nito nang makita ang reaksyon ni Precious. "Alam mo kasi, 'di ako magaling sa pagpapaliwanag. Alam kong nalilito ka sa mga tinatanong ko sa'yo kaya para mabigyan ka ng linaw, ang batang may hawak ng pink pen na lang 'yong tanungin mo."

"Bata? Sino naman 'yon?" nalilitong tanong ni Precious.

"Oh, teka, bago siya, sa babaeng 'to ka muna, baka may maitulong siya sa 'yo."

Contest EntriesTempat cerita menjadi hidup. Temukan sekarang