Zepharino

18 1 7
                                    

Dalawampung taon na ang lumipas simula nang maisatitik ang kuwento ng pag-iibigan at kabiguan ng dalawang nilalang na sina Zepha at Severino. Si Zepha, ang diwatang nangahas baguhin ang nakatakda niyang kapalaran at si Severino, ang taong nagtangkang tahakin ang kabilang landas malayo sa idinikta ng tadhana.

Isa ako sa may hawak ng librong naglalaman ng isang tipak ng kasaysayan na humulma sa kasalukuyang panahon.

Noong unang panahon, malaya pang nakakalabas-masok ang mga engkanto sa mundo ng mga tao. Maluwag pa ang batas sa pag-uugnayan ng dalawang magkaibang nilalang.

Unang nagtagpo noon ang landas nina Zepha at Severino, isang araw, sa masukal na gubat.

Saktong nahagip ng balisang mga mata ni Severino ang nakahandusay na katawan ng isang magandang babae sa lupa. Puti ang buhok at balat nito, maging ang suot.

Agad na nilapitan ng binata ang babae upang tingnan ang kalagayan nito. Sa unang tingin pa lang, alam na ni Severino na diwata ito.

Makalipas ang ilang sandali, bumukas ang mga mata ng babae. At sa unang pagkakataon, nagtama ang mga mata nila. Sa unang pagkakataon, nakakita si Zepha ng tao.

Si Zepha, napadpad sa mundo ng mga tao noong mga panahong tinatakasan niya ang nalalapit na pag-iisang dibdib niya sa isang tao. Ayon sa Aklat ng Sinaunang Propesiya, ang pinagsamang dugo ng tao at diwata o engkanto ang magiging mitsa ng pagsilang ng pinakamakapangyarihang nilalang na susupil sa mga nagtatangkang kalabanin ang lupon ng mga diwata't engkanto. Marami nang makapangyarihang diwata ang sapilitang umayon sa kasunduan at ipinakasal sa tao. Marami nang sumubok ngunit ang sinasabing pinakamakapangyarihang nilalang ay hindi pa isinisilang. At nang mga panahong iyon, si Zepha na nasa tamang gulang na, ang dapat na sumunod sa  kanyang mga nakatatandang kapatid.

Si Severino, isang anak ng katiwala ng isang malawak na sakahan, umalis sa kanilang tahanan nang walang paalam, napadpad sa gubat at balisa nang napagtantong hindi na niya alam kung saan babalik sa tinakasang landas.

"Ipapakasal nila ako sa babaeng hindi ko gusto," wika ni Severino sa ikalimang araw nilang pananatili sa gubat. Kahit papaano ay nakapalagayan na nila ng loob ang isa't isa. "Siguro nga nasa tamang gulang na ako para mag-asawa pero hindi ko kayang ipilit ang sarili ko sa isang taong 'di ko naman gusto."

"Maari ko bang malaman kung bakit nasabi mong hindi mo siya gusto?" tanong ni Zepha.

"Matagal ko na siyang kilala. Nasa iisang bayan lang kami. Wala sa kaniya ang katangiang hinahanap ko sa isang babae."

Nagbigay ng simpatya si Zepha sa kausap. Hindi niya alam kung bakit kaya niyang makipag-usap sa binata. Na nakakatawang isiping umiiwas siya sa taong dapat papakasalan niya pero naroroon siya, tao rin ang natagpuan. Alam niya ang nararamdaman nito. Pareho silang naipit sa isang sitwasyong hindi sila ang nagpasya. Wala nang mas sasahol pa sa pagsasamang walang namamagitang pag-ibig.

"Naiintindihan kita." Ngumiti si Zepha, nababakas ang lungkot sa mga mata. "Maaari bang kalimutan natin, kahit ngayon lang, ang mga nangyari?"

Tumango si Severino.

Lumipas pa ang ilang araw na umabot ng linggo, na umabot pa ng buwan ngunit sa 'di malamang dahilan ay hindi pa nila nahahanap ang daan palabas sa gubat.

Sa loob ng mga panahong iyon, mas lalong napalapit ang loob ng dalawa. Ang isa't isa ang naging tahanan nila. Naging isa ang kanilang puso't katawan. Sa isip nila, mas mabuti pang manatili sa gubat sa halip na sundin ang kanilang mga magulang. Mas ligtas sila sa piling ng isa't isa. Pakiramdam nila, natalo nila ang tadhana. Ngunit doon sila nagkakamali.

Natagpuan sila sa gubat ng ilang magsasaka. Nang makita si Severino ay agad na ibinalita ng mga ito ang kalagayan ng ina ng binata. May sakit at hindi kumakain 'di umano ang ina ni Severino simula noong sinuway ng binata ang kagustuhan ng kanyang ina. Magpapatiwakal umano ito kung hindi itutuloy ang tinakasan niyang kasal.

Bumuntong-hininga si Severino. Ilang minutong natahimik. Nag-isip. Kahit buwan pa lang silang magkakilala, alam niyang mahal niya si Zepha ngunit mas mahal pa rin niya ang kanyang ina dahil ito ang kasama niya nang dalawampung taon.

Hindi makatingin si Severino sa mata ni Zepha. Nag-aalangan siyang sabihin ang sa tingin niya ay nararapat bigkasin noong mga sandaling iyon. "Sa tingin ko, kailangan na nating kalimutan kung ano mang namagitan sa atin. Tanging ang gubat lang ang saksi sa mga nangyari. Mahirap... Mahirap ito para sa akin... Pero siguro nga, nakatakda lamang tayong magkita pero hindi para magsama. Kailangan na nating harapin ang naghihintay na kapalarang nakalaan para sa atin. Masaya akong nakilala kita." Mapait siyang ngumiti.

Sinubukang pigilan ni Zepha si Severino pero kulang ang lakas niya kumpara sa kagustuhan ng binatang magpatuloy ang buhay ng ina nito. Ninais niyang isipin nang mga sandaling iyon na panaginip lang ang lahat. Bumuhos ang luha mula sa mga mata niya.

"Zepha! Sa wakas, nahanap din kita." Napalingon siya sa biglang tumawag sa kanya, isa sa mga katiwala ng kanyang ama. "Ipagpapatuloy ang piging para sa kasal niyo. Naghihintay na siya. Halika't sumama kayo sa akin."

Nanghina siya sa narinig. Wala na siyang takas. Ngunit kailangan niyang gumawa ng paraan para hindi matuloy ito. Gagamit siya ng dahas kung kinakailangan; kapalit naman niyon ay panghabambuhay na kapayapaan ng isip at puso. Kailangan niyang gumawa ng paraan para magkasama silang muli ni Severino. Si Severino lang ang mahal niya. Si Severino lang ang nais niyang makasama.

Napatigil siya at nag-isip. May kakayahan siyang pumaslang nang wala sa harapan ang papatayin. Pumikit siya at sa pagdilat ay tiningnan ang kausap.

Sumama siya nang matiwasay sa katiwala ng kanyang ama at mapaklang ngumiti.

Naabutan nilang nagkakagulo sa piging. Nagtakbuhan ang ilang mga diwata. Ang iba, nagulat sa nakita.

Alam niya na ang dahilan ng kaguluhan ngunit nais niyang makasiguradong tama ang kanyang napaslang. Ngunit sa halip na matuwa sa nakita, gulat ang puminta sa kanyang mukha. Tinakpan ng nanginginig niyang kamay ang nakaawang niyang mga labi.

Si Severino, nakahandusay sa porselanang sahig. Nakasuot ng damit pangkasal. Walang buhay.

Ang paraan niya upang makasama ang binata ay siya ring pumutol sa pag-asang magkikita pa silang muli.

Tinakasan nila ang tadhana upang gumawa ng sariling tadhanang replika lamang din ng nauna.

Napag-alaman niyang pinalabas ng mga magulang ni Severino na ibang babae ang papakasalan ng binata upang hindi mabigla ang binata kapag nalaman nitong isang engkanto ang mapapangasawa nito.

Nagkaroon ng kasunduan ang mga magulang nina Zepha at Severino. Si Severino kapalit ng marangyang pamumuhay. Si Zepha kapalit ng pag-asang maisilang ang pinakamakapangyarihang nilalang.

Isinisi ng mga magulang ni Severino sa mga diwata ang pagkamatay ng kanilang anak. Labis ang galit ng mga ito.

Simula noon, nagkaroon na ng mas malalim na hidwaan sa pagitan ng tao at mga engkanto. Ipinagkalat ng mga magulang ni Severino ang balitang masasama ang mga ito. Na kaya ng mga itong pumatay ng tao nang walang awa. Naghanda ng iba't ibang pangontra ang mga tao laban sa mga ito. Sinira pa nila ang mga lagusang nag-uugnay sa dalawang mundo.

Samantala, may nabuo sa sinapupunan ni Zepha. Bunga ng pag-iibigan nila ni Severino. Ngunit makalipas ang isang taon, pumanaw din si Zepha pagkatapos magsilang ng malusog na sanggol.

Isang kuwento na sanhi ng sigalot at nagbunga ng mas malawakan pang sigalot sa kasalukuyan.

Isinara ko ang librong nakabukas at napabuntong-hininga.

Nakakalungkot isiping ang kauri ni ama ang aking mga katunggali. Ito nga ba ay dikta ng tadhana o hinabi ng nakaraan? Nararapat bang takasan tulad ng ginawa nina ina't ama o kailangang panindigan?

Ako ang itinuturing na pinakamakapangyarihang nilalang na inaasahang susupil sa mga kalaban ng mga diwata't engkanto.

Ako si Zepharino.

Contest EntriesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon