Para Kay George

44 0 0
                                    

Hiyawan ang lahat.

Dalawang mistulang mandirigma ang ipinagtapat at sapilitang ipinaglalaban sa malaki at bilugang espasyo. Isang lugar na saksi sa maraming buhay na kinitil. Lugar na tila lagusan patungo sa hindi maiiwasang kamatayan.

Isang pula, isang puti.

'Di pa man nagsisimula ang laban, mukhang aayaw na ang puti. Naglakad ito papalayo sa pula. Ngunit, sapilitan din naman itong ibinalik sa pwesto.

Matalim na nagkatitigan ang dalawa. Unang umatake ang pula. Walang nagawa ang puti kun'di ang gumanti. Nagsagupaan sila sa ere. Kaliwa't kanan ang atakeng ipinamalas. Pumailalim ang puti at tinamaan nito ang kalaban. Pero, 'di nagpatalo ang pula; buong lakas nitong kinalmot ang mukha ng puti. May pumatak na dugo. Ngunit, kahit gano'n, walang dapat tumigil. Tuloy ang laban.

Kamatayan ng isa ang siyang kabayaran sa pagkapanalo ng isa pa.
Ilang minuto ang lumipas, may natanghal nang panalo. Sigawan ang mga sabungerong nasa panig ng nanalo sabay buga ng usok galing sa isinusubong sigarilyo. Malalawak ang mga ngiti nito. Siguradong may malalasing na naman mamaya. Ang pulutan? Ang manok ng natalong panig.

Duguan ang puting manok, bagsak, nakatihaya, at walang malay. Sa loob lamang ng ilang minuto, nagwakas ang buhay nito. Ibinigay nito ang huling hininga sa mga taong uhaw sa katuwaan, pera at pagdanak ng dugo.

Iba't iba ang ipinipinta sa mukha ng mga taong naroroon. Habang nakaguhit ang masaya sa mukha ng karamihan, nandoon ka, 'di alintana ang pagkakabangga sa'yong balikat ng mga taong napapadaan sa'yong pwesto. Nakatayo ka. Nanlulumo. Tulala habang ang direksiyon ng mga mata'y nasa puting manok na nakahandusay. Nagluluksa ka para sa isang kaibigan.

"Bakit?" tanong mong 'di umaasang may makukuhang sagot.

Alam mong mangyayari ito. Inihanda mo na ang sarili pero kahit kailan yata, hindi ka magiging handa sa ganitong senaryo.

Nilapitan kita. Nahagip ng paningin ko ang mga mata mo. Sa una, para lamang itong purong itim, 'di kakikitaan ng ano mang emosyon. Ngunit, kung titingnang mabuti, meron; pamilyar ang emosyong sumasakop sa'yong mga mata.

Naalala mo ba noong unang pagtatagpo natin? Noong unang tumama ang mata ko sa mata mo? Naalala mo 'yon? Alam kong 'di mo 'yon makakalimutan.

Umuulan noon. Nasa kalsada ako, basang-basa at walang masilungan. Para akong kabilang sa mga batang naging tahanan na ang buong kalye. Nangangatog ang mga tuhod ko dahil sa lamig na sumusuot dito. 'Di ko naman alam kung saan patutungo. Sakto namang napadaan ka habang suot ang iyong kapote. Tinitigan mo ako nang matagal hanggang sa nagulat na lang ako nang iuwi mo ako sa inyo. Galit ang sumalubong sa'yo matapos makitang may bagong palamunin na naman ang iyong ina. Pero, nagkibit-balikat ka lamang at tinitingan akong muli ng mga mata 'yon.

Alam mo ba? Parehong-pareho ang mga matang iyon sa mga matang nakikita ko sa'yo ngayon.

'Di ko mapigilang malungkot para sa'yo. Ayokong nakikita kang ganyan. Gusto tuloy kitang yakapin.

Sinundan kita nang magsimula kang humakbang pauwi dala pa rin ang pagkadismaya sa'yong mukha.

"O, ano na?" bungad na tanong ng iyong nanay pagkarating mo sa inyong kubo. Nakapameywang siya.

Dalawang beses na pag-iling lang ang isinagot mo pero naintindihan agad ito ng nanay mo.

"'Yan na nga ba'ng sinasabi ko! 'Yan kasing magaling mong ama, e!" nanggagalaiting wika niya at napahilamos ng mukha. "Sabi nang tumigil sa kakasabong, ayaw pa rin! Swerte, swerte! Walang gano'n! Alam naman niyang maraming gastusin dito sa bahay. Uunahin pa 'yang pakikipagpustahan. Hay naku talaga, makikita niya, maaadobo ko 'yang mga manok niyang 'yan!"

Contest Entriesजहाँ कहानियाँ रहती हैं। अभी खोजें