365th Day

26 1 0
                                    

NAGLILIWANAG ang kalangitan. Parang isang malapad na canvas, hitik ng mga makukulay na simbolo ng kasiyahan at pag-asa. Maingay ang buong bansa, maging ang buong mundo. Lahat nagdiriwang sa pagsalubong ng bagong taon.

Tumingala ka at ipinako ang tingin sa magandang tanawing iyong nakikita. 'Di mo mapigilang 'di mapangiti at mamangha.

"Happy new year!" Nagulat ka sa taong biglang sumulpot sa harapan mo at nagsalita. Ibinaba mo ang tingin para pumantay sa mga mata niya. Kasabay ng makarbong fireworks display na nagpapaliwanag sa kisame ng daigdig, nakita mo ang mga mata niyang nagniningning. Makahulugan. Tila puno ng 'di maipaliwanag na kasiyahan.

"Happy New Year, Jake," saad mo sa malambing na boses at nangiti.

Sumilay naman ang ngiti sa mukha ng taong nasa tapat mo. "Three hundred sixty five." Hinila niya ang beywang mo dahilan para magkalapit ang distansiya ninyong dalawa.

"H-ha? Math na naman ba 'yan? Ikaw, ah," pabirong wika mo naman sa kanya at natawa. Sandali mong pinisil ang matangos niyang ilong habang ang mga mata'y nakatitig sa kanya.

"Sagutin mo muna 'ko. Kung bibigyan kita ng three hundred sixty five pesos, pa'no mo 'to gagastusin?"

Bahagya kang natawa. "Excuse me, sir. Kulang pa 'yan pan-shopping, 'no?"

"Ikaw talaga." Mas nilapit ka pa niya sa kanya. Ngayon, ramdam niyo na ang hininga ng isa't isa. "Gusto mong malaman sagot ko diyan?"

"Sige nga," nakangiting sagot mo naman.

"Gagastusin ko 'yon, syempre, sa mga mahahalaga at makabuluhang bagay." Tinitigan ka niya nang malagkit at puno ng pagmamahal. "Sobrang mahalaga ka sa'kin, Rina. I love to spend another three hundred sixty five days with you. Mahal na mahal kita."

Nag-init ang mukha mo. Nagpapasalamat ka at gabi; 'di makikita kung gaano namumula ang pisngi mo sa mga sinabi niya. Eksaktong isang taon na kayo ngayong ika-tatlong daan at animnapu't limang araw ng taon. Magbabagong taon din noong sinagot mo siya.

"I love you too, Jake."

Nilapit niya ang mukha niya sa'yo. Sa ilalim ng makukulay na larawan ng kalangitan, ipinakita niyo ang pagmamahal sa isa't isa. Isang matagal at matamis na halik ang sumakop sa kasiyahan ng gabi. Kasabay ng malakas na putukang maririnig ng lahat, naramdaman mong may dumaloy na mainit na likido sa gilid ng pisngi mo at maya-maya pa'y ikinadilim ng paligid mo. Napapikit ka nang dahan-dahan.

***

IMINULAT mo ang mga mata. Maingat. Napakabigat nito. Sa una, malabo pero no'ng tumagal, napansin mong nakahiga ka. Natuon ang paningin mo sa itaas. Puti. Puting kisame. Kakakitaan ng purong puti ang paligid. Natulala ka. Nasa'n ako? sambit ng isipan mo.

Naramdaman mong may humahawak sa kanang kamay mo. Bahagya mong ikinilos ito. Mas hinigpitan nito ang hawak. "Sabrina? Kim, si Rina!"

Iginalaw mo ang mga mata papunta sa direksiyon ng taong nagsalita. Pamilyar ang mukha niya sa'yo pero 'di mo maalala kung sino.

"Kim, pakitawag ng doctor!" nag-aalala ang boses niya pero halatang may saya sa tono nito. Ibinaling niyang muli ang atensiyon sa'yo, hinawakan ang kamay mo at naiyak. "Rina... Thanks, God." Idinampi niya ang mga labi sa nanghihina mong kamay. Ang lambot ng mga labi niya, ang ngiting ipinakita niya matapos niyang halikan ang kamay mo, 'di ka maaaring magkamali, siya 'yon. Si Jake.

Gustong-gusto mong magsalita, sambitin ang pangalan niya, sabihing masaya kang makita siya, itanong ang mga nangyayari, pero, walang boses na lumalabas sa bibig mo. Bukod sa may harang na bumubuga ng preskong hangin sa ibabang parte ng mukha mo, hindi mo kayang ibuka man lang ang iyong bibig. Nanatili kang nakatitig sa kanya, nangungusap ang mga mata. Naguguluhan sa mga nangyayari.

Contest EntriesWhere stories live. Discover now