Sa Isang Sandali

40 2 0
                                    

ISA na namang nakakawalang-ganang araw ang sumalubong sa’yo. Walang bago. Laging bwiset na araw ang pinamumukha ng mundo.

Nakade-kwatrong upo ka sa sofa ng sala. Nagyoyosi. Matapos kang masisante sa trabaho ay nagkulong ka na sa bahay.

Nahagip ng iyong paningin ang mga explicit magazine, film at iba pang pornographic material na nakakalat sa mesa. Napangisi ka. Kinuha mo ang isang DVD na may hubo’t hubad na babae sa cover nito. Tumayo ka at pumunta sa DVD player upang mapanood ito. Pero, bago mo pa man magawa iyon…

“Ano ‘yan?” May nagsalitang babae sa harap mo. Maganda at maputi siya.

Dahil sa gulat, nabitawan mo ang DVD at nahulog ito sa sahig.

“Anak ng! S-sino ka?!” gulat na tanong mo sa babae. Aba, sino ba’ng hindi magugulat? Nag-iisa kang nakatira sa bahay ‘tapos biglang may susulpot sa harap mo na hindi mo naman kilala at nagkataon pang may kababalaghan kang papanoorin!

“Kawawa naman ‘yang nasa cover ‘no?” Tinuro niya ‘yong babae sa DVD cover na nasa sahig. “Siguro, napilitan lang siyang gawin ‘yang bagay na ‘yan dahil sa hirap ng buhay ngayon.” Umiling-iling siya. Hindi man lang niya sinagot ang tanong mo. Nairita ka. Ayaw na ayaw mo pa namang pinapakialaman ka. Tiningnan mo siya nang masama.

Tumingin siya sa sigarilyong hawak mo. “Bakit ka naninigarilyo? Masama sa kalusugan ‘yan.” Kumulo ang dugo mo.

“Hindi lang pala myembro ng akyat-bahay ‘to, pakialamera rin pala!” Dinuro mo siya. “Sino ka ba, ha? Bwiset! Matanda na ako para pagbawalan ng kahit na sino!” bulyaw mo.

 “Matanda man o bata, pareho lang ‘yan. ‘Di ko maintindihan kung bakit pa ipinagbabawal sa bata ang paninigarilyo e kahit naman tumanda magkakasakit pa rin,” mahinahong sabi ng babae.

Hinigit mo ang braso niya at hinila papuntang pinto.

“Labas!” Tinuro mo ang labas ng bahay.

“Ayoko. Lalabas lang ako kung lalabas ka.”

Nabwiset ka lalo kaya lumabas ka ng bahay. Pumunta ka sa nakabukas na gate at doon naupo sa lapag. Patuloy ka pa rin sa pagyoyosi.

  “Tangna. Putangina!” Bumuga ka ng usok mula sa bibig mong sumusubo ng yosi. “’Pag hindi ka pa lumabas diyan, kakasuhan na kita ng Trespassing!” sigaw mo sa babae nang hindi lumilingon.

Maya-maya pa, may umupo sa tabi mo. Lumingon ka. Siya na naman. Hindi mo maintindihan kung bakit andito siya.

“Sino ka ba?” tanong mo ulit sa kaniya.

“Naniniwala ka ba sa Diyos?” pabalik niyang tanong sa’yo.

Puminta ang galit na ekspresyon sa iyong mukha.

Diyos? Hindi ka naniniwala sa kanya. Dahil kat’wiran mo, kung andiyan siya, e ‘di sana hindi ka iniwan sa gilid ng kalsada ng tunay mong ina, sana hindi pumanaw ang nag-iisang taong umintindi at nag-aruga sa’yo kahit pa hindi mo siya kaano-ano, sana may trabaho ka pa hanggang ngayon, sana hindi ka ipinagpalit ng girlfriend mo sa iba, at  sana… masaya ka sa buhay mo ngayon.

“Ewan. ‘Di ko siya kilala tulad mo,” sarkastikong sagot mo sa kanya.

“Bakit?” tanong niya ulit.

“Simple lang, hindi ko naramdaman ni minsan na andiyan siya. Na nag-eexist siya sa punyetang mundong ‘to,” saad mo sabay buga ng usok mula sa bibig mo. “Kung andiyan siya, bakit hindi man lang niya matulungan ang mga batang ‘yan?” Tinuro mo ang mga batang nangangalkal ng basura sa malaking basurahan sa tapat ng bahay mo. Mababakas mo sa kanila ang matinding gutom. Payat, nanlalalim ang mga mata, madungis ang pisikal na kalagayan. Ngunit, baliwala ito kung pagbabasehan ang mga mukha nilang repleksiyon ng kahirapan at kalungkutan.

“Madali lang ‘yan. Tulungan mo sila,” walang patumpik-tumpik na sagot niya sa’yo. Gumuhit ang mala-anghel na ngiti sa mga labi niya. Kaakit-akit ang mga ngiti niya pero ‘di ka nagpaapekto.

Natawa ka sa sinabi niya. “Nagpapatawa ka ba? Kung ang Diyos niyo nga hindi magawang matulungan ang mga anak daw niya, ako pa kaya? Alam mo, sabihin mo sa Diyos niyong ‘yan, magbanat naman ng buto at bumaba rito. Hindi ‘yong  magpapakasaya lang siya sa itaas.”

“Iba ang pamamaraan ng Diyos para maiparamdam ang pagmamahal niya sa’tin. Hindi siya basta-basta nagpapaulan ng pagkain o kaya bumababa para maging literal na panagang sa problema mo. Sa halip, bumubulong siya at gumagamit ng taong magiging tulay niya. Sa madaling salita, tao mismo ang siyang tutulong sa kapwa niya gamit ang konsensiyang dumadaloy sa kanyang katauhan. Ngayon, kung hindi mo tutulungan ang mga batang iyan, wala iyong pinagkaiba sa pagkakait mo sa kanila na maramdaman ang pagmamahal ng Maykapal.”

Tumayo ang babae. Napaangat ang ulo mo dahilan para makita mo ang nakakabighani niyang mukha.

“Lahat ng bagay na nangyayari sa’yo ngayon, may dahilan. Hindi mo kailangang maging pariwara sa buhay. Masakit man ngunit kailangan mong tanggapin… dahil sa pamamagitan nito, magbubukas ang kasiyahang ‘di mo inaasahan ngunit matagal mo nang… inaasam-asam.”

Tumayo ka na rin.

“Sino ka ba talaga?” tanong mo na naman sa kanya.

Hindi niya ulit sinagot ang tanong mo, sa halip ay ngumiti lang siya at lumapit sa’yo para idampi ang mga labi nito sayong pisngi. Natulala ka sa ginawa niya.

“Ah… excuse me, Hijo, dito ba nakatira si Gabriel Mendoza?” Napalingon ka sa babaeng nagsalita. Medyo may edad na siya ngunit bakas pa rin ang ganda ng mukha. Tumingin ka sa katabi mo kanina pero, nakakapagtaka, bigla siyang nawala. Kumunot ang noo mo. Lumingon ka ulit sa babaeng nagtanong.

“Bakit? Ako nga si Grabriel Mendoza. Anong kailangan niyo sa’kin?”

Nagulat ka na lang nang bigla ka niyang niyakap. Naramdaman mong nabasa ang likod mo dahil sa mga butil ng luhang pumapatak dito.

“A-alam mo… w-walang oras na hindi kita naaalala… L-lagi kong iniisip ang kalagayan mo... Kung ano nang nangyari sa’yo…” Pansamantala siyang tumigil. “Patawarin mo ‘ko… Anak,” sabi nito sa’yo habang humahagulhol.

Hindi mo namalayang kumawala na pala ang mga luha sa’yong mga mata, mga luhang pinaniwalaan mong simbolo ng kaduwagan at kahinaan.

Dahan-dahan mo namang niyakap pabalik ang babaeng dahilan ng pagdating mo sa mundo, ang babaeng nang-iwan sa’yo, at ang babaeng gustung-gusto mong makita… ang iyong ina.

Tumingala ka sa langit. Malabo man ang iyong paningin dahil sa luhang ayaw paawat sa pagbagsak, nakita mo pa rin sa ilalim ng mga ulap ang imahe ng isang babaeng may pakpak at may bilog na liwanag na nakapatong sa ulo nito. Nakangiti siya sa’yo tulad ng mga ngiting nakita mo sa babaeng nagpabago ng paniniwala mo...  sa isang sandali.

[Katapusan]

Contest EntriesUnde poveștirile trăiesc. Descoperă acum