Tawiran

17 0 0
                                    

U N E D I T E D

---

Noong bata pa ako, sinanay ako ni Lola na tumawid sa kalsada nang mag-isa.

"Ganyan nga, Hija. Pagkatiwalaan mo ang lola. Lingon sa kanan, lingon sa kaliwa. 'Pag walang sasakyan, saka ka tumawid."

Simula kasi nang matuto akong magbasa, takot na akong tumawid—simula nang mabasa ko ang karatulang may nakasulat na "Bawal Tumawid, Nakamamatay."

Ayokong mamatay...

...kaya ayokong tumawid.

Dalaga pa lang ako no'n nang magkasakit si Lola. Siya ang naging kasangga ko sa halos lahat ng bagay. Magkakampi kami. Nasa labas ng bansa ang mga magulang ko. Nasa kabilang-buhay naman si Lolo. Maaga itong binawian ng buhay, bata pa, kasing edad ko.  Kaya naman no'ng pumanaw siya, lugmok na lugmok ako. Hindi ko matanggap na wala na siya. Ilang araw ring mugto ang mga mata ko sa kaiiyak.

Hinding-hindi ko makakalimutan ang sinabi niya bago niya pakawalan ang kanyang huling hininga at bitawan ang mga kamay ko.

"Hindi pa kita kayang iwan. Gusto pa kita makitang mamulaklak nang napakaganda at namumukod-tangi... Kung ayos lang sa'yo, Hija, pwede ka bang sumunod doon? Nando'n ang lolo mo... Pwede ka bang tumawid? Sana pagkatiwalaan mo ang lola..."

Napaigtad ako. Napalingon, patalikod. May kumalabog sa kabilang kwarto—daga yata.
Gumuhit ng kurba ang mga labi ko.

Nasa bahay ako ni Lola. Wala nang nakatira rito pero malimit ko pa rin itong dinadalaw. Oo, dinadalaw. May dinadalaw ako. Lagi. 'Di ako mapakali kung 'di ko siya makita, mahaplos o mahalikan man lang. Masyado na yata akong nahuhumaling.

Dahan-dahan kong inihakbang ang mga paa ko. Ayaw ko siyang mabulabog. Dapat wala siyang marinig nang masorpresa ko siya pagkapasok ko sa kwarto.

Pinihit ko ang doorknob. Bumukas. Nakakaaliw talaga ang tunog ng dahan-dahang pag-awang ng pinto. Pamisteryoso.

Si lola talaga, akala ko ba mahal niya ako? Pero bakit 'di niya sinabing may itinatago pala siya rito. Ah, hindi. Ipinagbawal niyang may pumasok sa kwartong ito. Dahil masunurin ako, 'di ko ito ginalaw noon.

"Na-miss kita. Sobra," bungad ko sa kanya. 'Di siya umimik. Ang himbing ng tulog niya, napakapayapa.

Umupo ako sa upuang katabi ng hinihigaan niya. Tinitigan ko siya. 'Di pa rin nagbabago ang itsura niya. 'Di pa rin kumukupas. Katulad pa rin sa mga litratong ipinapakita sa'kin ni Lola.

Hinaplos ko ang katawan niya. Sinimulan ko sa dibdib—hanggang simula lang, 'di ko tinapos. 'Di pwede ito. Isang panlilinlang sa kanya habang siya'y nakapikit.

"Bakit kaya ginawa ni lola 'to sa'yo no'ng nabubuhay pa siya? Para 'di ka mawala sa alaala niya? Para isipin niyang kasama ka pa rin niya?" Napabuntong hininga ako. "Mahal ka talaga niya. Pero, kagaya niya... mahal na rin kita."

Inilapit ko ang bibig ko sa tainga niya para bumulong. "Alam mo, ikaw lang ang lalaking nagparamdam sa'kin ng ganito. Iba ka sa kanila. Sinaktan nila ako, ikaw hindi. Laging sarili lang nila ang iniisip nila, ikaw, pinapakinggan mo 'ko. 'Di ka nagrereklamo. Siguro... kung kaya mo lang igalaw ang katawan mo ngayon, kung nakakangiti at nakakatawa ka pa, mas lalo kitang mamahalin. Siguro, may dahilan kung ba't priniserba ang katawan mo. 'Yun e siguro para makilala kita.

"Handa akong tumawid sa kabilang-buhay kung 'yun lang ang paraan para makasama kita... kahit pa si Lola ang maging kaagaw ko diyan sa puso mo."

Contest EntriesWhere stories live. Discover now