Pakopya 37

13.7K 438 31
                                    

Kung gaano kabilis namatay ang ilaw, ganun din ito kabilis muling nabuhay, at nagpatuloy sa pagpatay-sindi.

Tila mas lalong lumamig ang paligid at nagsitaasan ang aking mga balahibo. Naramdaman ko ang paghawak sa akin ni Shin. Pabilis nang pabilis ang pagpatay-sindi ng ilaw hanggang sa...

"Excuse me po..." biglang bumukas ang pinto at pumasok ang isang matandang lalaki na nakasuot ng uniporme ng ospital. Natigilan siya nang mapansin ang pagkirap ng ilaw na ngayon ay nakakapagtakang bumagal na. "Naku, mukhang malapit nang mapundi ang bombilya. Kukunin ko lang po yung tray na pinaglagyan niyo ng pagkain tapos babalik na lang ulit ako para palitan yung ilaw." saad nito.

Nanatili kaming walang imik ng ilang segundo. Tumikhim si Tito Zach at pilit na ngumiti sa matandang lalaki. "S-sige po." tumayo siya at kinuha ang tray tapos ibinigay niya ito doon sa lalaki. Nang makaalis ito, muling bumalik si Tito Zach sa kanyang upuan at napahinga ng malalim. Tapos isa-isa siyang bumaling sa amin. "Okay lang ba kayo?"

Nagsitanguan kami. Napabitaw ako kay Shin at napahawak sa aking dibdib. Ramdam ko ang malakas na pagtibok ng puso ko dahil sa sobrang kaba. Ang patuloy na pagpatay-sindi ng ilaw ay hindi rin nakatutulong upang mapahupa ang nararamdaman kong takot.

Maya-maya pa'y napatingin ako kay mommy na mahigpit ang hawak sa kanyang kumot. "Mommy, okay lang po ba kayo?" nag-aalalang tanong ko. Agad namang tumayo si Shin at kinuhanan si mommy ng tubig.

Kinuha ni mommy ang basong iniabot ni Shin tapos ay dahan-dahan siyang tumango. "A-Ayos lang ako. Ninerbyos lang ako kanina. Akala ko kasi... andito si Shiara." halos pabulong na saad niya.

"Darren, diba sabi mo kanina bago namatay yung ilaw, nandito si... ano...?" baling ko kay Darren.

Tumango siya. "Noong una, naramdaman ko lang na parang may kakaibang presensya na nandito sa kwarto. Hindi ko lang 'yon masyadong pinansin dahil nasa ospital tayo at sa mga ganitong klase ng lugar, nagkalat ang mga multo." paliwanag niya. "Pero unti-unting lumakas yung presensya at bago tuluyang namatay yung ilaw, nakita ko si Shiara sa may salamin." saad ni Darren sabay turo doon sa salaming tinitingnan namin kanina. "Tapos habang nagpapatay-sindi yung ilaw, nakita ko siyang unti-unting lumalapit sa may kama ni Tita Angeli hanggang sa dumating yung matandang lalaki kanina... tapos bigla na lang siyang nawala."

Namutla si mommy dahil sa sinabi ni Darren. "Papalapit siya sa akin?" puno ng takot na saad niya.

"Mommy, relax lang po. Baka makasama yan sa kalusugan niyo. Wala na naman po si Shiara ngayon." saad ni Shin para pakalmahin si mommy. Ngunit halata rin naman na nababagabag siya sa nangyari.

Maya-maya pa'y may kumatok at muling pumasok yung matandang lalaki. Tahimik lamang namin siyang pinanood habang pinapalitan niya ang bombilya. "Ayan, okay na po." masiglang saad nito matapos ang kanyang trabaho. Nagpasalamat kami sa kanya bago siya tuluyang umalis.

Pakopya (Published Under Viva Psicom)Where stories live. Discover now