Pakopya 2

60.5K 1.3K 445
                                    

"Anak, kumain ka na." sabi ni mama sabay lapag ng tray na may lamang pagkain sa aking kama.

Hindi ko siya pinansin. Niyakap ko na lamang ang dalawang tuhod ko at tumingin sa kawalan.

Kinuha ni mama ang plato at kutsara. Akma niya akong susubuan pero umiwas ako. Napabuntong-hininga siya. "Angeli, huwag nang matigas ang ulo. Ilang araw ka ng hindi kumakain at pumapasok sa school. Ni hindi ka rin lumalabas ng kwarto mo. Ano bang nangyayari sayo anak? Nag-aalala na kami ng papa mo. Baka magkasakit ka nyan sa mga pinagagagawa mo."

Nanatili akong walang kibo. Ibinalik ni mama ang kanyang mga hawak sa tray at tumayo. Napatakip ako ng mata nang biglang hinawi ni mama ang mga kurtina.

"Ma, ano ba?!" reklamo ko.

"Mabuti yan para makapasok naman ang liwanag dito sa kwarto mo at masinagan ka naman ng araw. Tingnan mo nga ang sarili mo. Ang putla-putla mo!" bulyaw niya.

Humiga ako sa kama at nagtaklob ng kumot. "Ma, please. Pabayaan niyo muna ako."

"Ano ka ba namang bata ka, umayos ka nga!" sabi niya sabay hablot ng kumot.

Kinuha ko naman ang isang unan at siyang itinakip sa mukha ko. Inagaw ulit ito ni mama pero hinawakan ko itong maigi. Maya-maya pa'y sumuko na rin siya at tumigil sa pagkuha ng unan.

Naramdaman kong umupo siya sa tabi ko. Nanaig ang katahimikan ng ilang sandali. Narinig kong bumuntong-hininga si mama.

"Siya nga pala. Dumalaw kami kina Shiara kanina." sabi niya. Pakiramdam ko'y nanigas ang buo kong katawan pagkarinig sa pangalang kanyang binanggit.

"Hindi ko lubos maisip kung bakit niya nagawang magpakamatay. Napakabait niyang bata. Sayang naman at pumanaw siya sa murang edad pa lamang. Nakakapanghinayang talaga." pagpapatuloy niya.

Namalayan ko na lamang na umiiyak na pala ako nang tanggalin ni mama ang unang hawak ko at yakapin ako ng mahigpit. "Shh. Tahan na anak." pag-aalo sa akin ni mama habang hinahaplos ang likod ko.

"Wala na.. wala na si.. si Shiara mama. Wala na siya" utal-utal na saad ko.

"Lahat ng bagay ay may hangganan, anak. Darating ang panahon na muling babawiin ng Diyos ang buhay na ipinahiram niya sa atin." pahayag niya.

"Pero Mama, si Shiara..." hindi ko na naituloy pa ang sasabihin ko. Napahagulhol na ako.

Hinaplos ni mama ang aking buhok. "Alam kong napakasakit sayo ang pagkamatay ni Shiara lalo na't kapatid na ang turing mo sa kanya. Bata pa lamang kayo ay talagang malapit na kayo sa isa't-isa. Masakit rin naman sa amin ng papa mo ang pagkawala niya. Itinuring na namin siyang isang bahagi ng pamilya."

Hindi na ako umimik. Niyakap ko na lang si mama at tahimik na umiyak. Sinimulan niya akong ipaghele. Ipinikit ko ang aking mga mata. Kahit papano'y gumaan ang aking pakiramdam. Alam kong mga bata lang ang pinaghehele kaya natutuwa ako sa ginagawa ni mama. Ganito rin ang ginagawa niya noong bata pa ako kapag malungkot ako.

Medyo nabawasan rin ang bigat sa aking dibdib. Ilang araw ko na rin itong kinikimkim. Mabuti na lamang at nandito sila mama.

Tumigil na ako sa pag-iyak pero nanatili akong nakapikit habang nakayakap kay mama. I know I'm acting like a child but it's really comforting. Syempre malaki na ako. Teenager na. Kaya hindi na ako masyadong nagkakaroon ng ganitong interaction with my parents.

Ganito naman kasi tayong mga kabataan. Kapag nagdalaga at nagbinata na, bibihira na lang tayong maglambing sa mga magulang natin. Yung tipong hindi man lang tayo makapagsabi ng 'I love you' or yakapin sila. Inuunahan kasi tayo ng hiya. Bihira na nga lang din ang mga nagsasabi ng 'po' at 'opo' sa kanilang mga magulang.

Pakopya (Published Under Viva Psicom)Où les histoires vivent. Découvrez maintenant