Pakopya 1

108K 1.9K 803
                                    

Napatingin ako sa orasan ko. Shoot. Mala-late nako. Dali-dali akong tumayo at pumunta sa banyo para maligo. Pagkatapos ay nagbihis na ako at nagmamadaling bumaba.

"Ma! Pa! Aalis na po ako!" sigaw ko sa kanila na kasalukuyang nag-aalmusal sa may kusina.

"O anak. Kumain ka muna kahit kaunti lang." aya sa akin ni mama.

Lumapit ako sa lamesa at kumuha ng tinapay na may palaman. "Magbabaon na lang po ako." sabi ko tapos nagpaalam na ako para umalis.

Sumakay ako ng jeep papuntang school. Sa totoo lang, hindi pa naman talaga ako mala-late. 6:30 pa lang naman. Pero kailangang makapunta na ako agad sa school. Mangongopya pa kasi ako ng assignments.

Nakatulog kasi ako ng maaga kagabi kaya hindi ko na nagawa yung mga assignments ko. At tsaka, oo na. Tamad talaga akong gumawa ng mga takdang-aralin. Nakarehistro na kasi sa utak ko na okay lang na hindi gumawa ng assignment lalo na kapag hindi ko maintindihan. Bakit ko pa pahihirapan ang sarili ko kung pwede naman akong mangopya na lang, diba?

"Shiara, pakopya naman." bungad ko sa bestfriend ko pagkarating na pagkarating ko sa classroom namin.

Tiningnan lang niya ako saglit. Maya-maya pa'y napabuntong-hininga siya at napailing. "Sabi na nga ba wala ka nanamang assignments eh. Ang tamad mo talaga." sabi niya habang natatawang inabot sa akin ang notebooks niya.

Inuna kong kopyahin ang homework namin sa Trigo. First subject kasi namin iyon.

Tinitigan ko ang math notebook na nasa harapan ko at nagsimulang kumopya. Pakiramdam ko mahihilo ako sa sobrang daming numbers at letters na nakikita ko ngayon.

"Pati ba itong mga solutions kailangang kopyahin?" tanong ko kay Shiara.

"Oo. Kasama yan. May points din ang mga yan." sagot niya.

"Kainis naman oh! Ang dami kaya nito." reklamo ko.

"Kasalanan mo yan. Hindi ka kasi gumawa kahapon." sabi niya. Sumimangot na lang ako.

Matapos kong kopyahin ang assignment sa trigo, sinunod ko naman yung iba. Wala na akong pakialam kung tama ba lahat ng mga kokopyahin ko o hindi. May tiwala naman ako sa mga sagot ni Shiara eh. Dean's lister siya ibig sabihin matalino kaya sigurado ako na kung hindi man tama lahat ng sagot niya, karamihan sa mga ito ay tama.

Napabuntong-hininga ako. Bakit ba palagi na lang tambak ang mga pinapagawa sa aming takdang-aralin? Hindi man lang nila kami bigyan ng pahinga.

Pero sabagay, ang pinagpaguran ko lang naman ay ang pagsusulat at pangongopya eh. Okay na rin yun. At least hindi dumudugo masyado ang utak ko.

Alam kong masama na ang tingin niyo sa akin kasi isa akong dakilang tamad at mangongopya. Hoy. Tamad lang akong magsagot kaya lagi akong nangongopya ng assignments. Pero hindi naman ako nangongopya sa mga exams. Nag-aaral din naman ako. Tsaka yung grades ko, hindi naman masyadong lagapak at sayad sa lupa. Average lang kumbaga.

Lumipas ang buong maghapon. Fortunately, nakopya ko naman lahat ng assignments namin. Yun nga lang, kung minamalas nga naman, mas dumami yung binigay sa aming panibagong homeworks.

"Bakit ganyan na naman ang mukha mo? Para kang pinagsakluban ng langit at lupa." sabi ni Shiara. Naglalakad kami ngayon papalabas ng campus. Dismissal na eh.

Tinitigan ko siya saglit. "Shiara. Pakopyahin mo naman ulit ako ng assignments." sabi ko.

Tinaasan niya ako ng kilay. "Nako. Ikaw talaga. Sige, bukas. Agahan mo. I mean, maagang-maaga." sabi niya.

Ngumiti ako ng matamis sa kanya. "Thanks bes! Wag kang mag-alala. Aagahan ko talaga bukas." sabi ko.

Kinabukasan, tulad nga ng pinag-usapan namin ni Shiara ay inagahan ko ang pasok. Nagulat pa nga si mama nang makitang mas maaga pa akong nagising kaysa sa kanya.

Dumating ako sa school ng mga before 6 am. Wala pa nga atang estudyante. Pagpasok ko sa classroom namin may nakita akong isang babae. Nakatalikod siya sa akin pero alam ko kung sino siya.

"Shiara!" tawag ko sa kanya. Mabagal siyang lumingon sa akin tapos nginitian niya ako.

Tumabi ako sa kanya. May ibinigay siya sa aking notebook. Nagsimula na akong kumopya.

"Pagod na ako." narinig kong saad niya kaya napatingin ako sa kanya.

"Pagod? Bakit?" tanong ko."Ah! Pagod ka na bang gumawa ng mga homeworks natin? Nako. Naiintindihan kita." sabi ko habang natatawa-tawa pa bago muling bumalik sa pagsusulat.

Maya-maya pa'y tumayo na siya. "Angeli, may pupuntahan muna ako. Sandali lang ako." paalam niya tapos umalis na siya. Hindi ko na lang siya pinansin. Busy ako eh.

Pero hindi ko mapigilang hindi magtaka. Bakit kaya ganun ang ikinikilos niya? Weird.

Lumipas ang oras. Unti-unting nagsidatingan ang mga kaklase ko. Natapos ko na rin yung assignment ko. Hanggang sa natapos ang buong araw. Pero hindi na bumalik si Shiara.

Nasaan na kaya ang babaeng yun? Hindi ko naman siya matawagan. Naiwan ko kasi ang cellphone ko sa bahay sa sobrang pagmamadali na pumasok ng maaga. Napagpasyahan ko na lang na dumaan sa bahay nila para ibalik yung notebook niya. Malapit lang naman yun dito sa school. Lalakarin ko na lang.

Ng makarating ako sa bahay nila, napansin ko na medyo madaming tao. Ano kayang meron? Wala naman akong natatandaan na may okasyon na dapat ipagdiwang ng pamilya nila ngayong araw na ito. Pumasok ako sa loob.

Pero nagulat ako sa tumambad sa akin. Kabaong. Bigla akong kinabahan. Nakita ko ang mama ni Shiara kaya nilapitan ko.

"Tita. A-ano pong meron?" tanong ko.

Tumingin siya sa akin sandali tapos bigla na lamang siyang humagulhol. "Iha, wala na si Shiara."

"P-po? Ano pong ibig niyong sabihin?" naguguluhang tanong ko.

"Sinubukan ka naming tawagan pero hindi ka namin makontact. Nagpakamatay siya kagabi, Angeli. Nagbigti siya."

Para akong binuhusan ng malamig na tubig. Napailing ako. Hindi. Hindi pwedeng mangyari yun. Hindi pwedeng patay na si Shiara. Hindi pwedeng nagpakamatay siya kagabi. Hindi pwede. Nakasama ko pa lamang siya kanina. Napakaimposibleng patay na siya.

Dahan-dahan akong lumapit sa puting kabaong na nasa harapan. Unti-unti at puno ng takot kong sinilip ang nasa loob nito.

I gasped. Hindi nga nagsisinungaling si Tita. Si Shiara. Si Shiara ang nasa loob ng kabaong. Patay na siya.

Niyakap ko ng mahigpit ang notebook niya na dala-dala ko. Paano nangyaring nakasama ko pa siya kaninang umaga?

Tinitigan ko ang maamong mukha ng aking kaibigan. Maputla man ito ngunit bakas pa rin ang kagandahan sa kanyang mukha. Pinigilan ko ang hindi umiyak habang nakatingin pa rin sa kanya.

Muntik na akong matumba at mapasigaw sa kinakatayuan ko nang bigla na lang magmulat ng mga mata ni Shiara. Ang kanyang maiitim na mata ay nakatingin sa akin. Mas lalo rin akong kinilabutan ng unti-unti siyang ngumiti sa akin. Isang nakakapanindig-balahibong ngiti.

Lumayo ako sa kabaong at tumakbo papalabas ng bahay nina Shiara. Narinig kong tinawag ako ng kanyang ina ngunit hindi na ako lumingon pa.

Nagkulong agad ako sa kwarto ko pagkadating na pagkadating ko sa bahay. Tinanong ako nila mama kung anong problema pero hindi ko sila pinansin. Umiyak lang ako ng umiyak hanggang gabi.

Bago ako tuluyang dalawin ng antok at pagod sa kakaiyak, tiningnan ko muna ang cellphone ko. Ang daming text at miscall. Lahat galing sa mga magulang ng bestfriend ko. Lalo tuloy akong naiyak.

Isang kararating lamang na text ang nakapukol ng aking pansin. Pakiramdam ko ay sumikip ang aking dibdib. Parang gusto ko nang magwala at magsisigaw. Simula ngayon, ipinapangako ko sa sarili ko na gagawin ko na ang lahat ng mga homeworks ko. Hinding-hindi na ako kokopya sa iba. Hinding-hindi na ako aasa sa sagot ng kung sino man.

Muling sumagi sa aking isip ang nareceive kong text kanina lang. Napahagulhol ako ng maalala ko ito:

Gusto mo bang kumopya ng assignments? Halika. Papakopyahin kita. Agahan mong pumasok ha? Hihintayin kita.

-Shiara

Pakopya (Published Under Viva Psicom)Wo Geschichten leben. Entdecke jetzt