New family

16.5K 472 14
                                    

Kating's POV

     Nakiusap sa akin si Mr. Alba na kung puwede daw akong sumama sa bahay nila para makilala ko naman ang asawa niya at ang isa pa nilang anak na si Eunice.  Ampon daw nila ito pero talagang itinuring nilang parang tunay nilang anak.

     Habang nasa biyahe kami ay panay ang tawag ni Mrs. Alba.  Talagang sinisiguro kung kasama talaga ako.

     "Ano ang gusto mong kainin?  Nagluluto kasi ang mommy mo.  Excited 'nung malaman na darating ka," punong - puno ng kasiyahan ang boses ni Mr. Alba.

     "Ginataang sigarilyas.  Saka pritong isda na salaysalay," sagot ko.

     Parang nagulat si Mr. Alba sa sagot ko. 

     "You eat those stuff?" Paniniguro niya.

     "Lahat ho ng klase ng isda at gulay kinakain ko.  Iyon kasi ang turo ni tatay at nanay sa akin.  Kung anong nakahain sa mesa, magpasalamat at kainin," sabi ko.

     Nakita kong parang nag - iba ng timpla si Mr. Alba.  Parang nalungkot siya.

     "Naiinggit ako kay Gildo at kay Helen," at napahinga siya ng malalim tapos ay tumingin siya sa akin at ngumiti.  "Pero okay na.  At least they took care of you.  Nakakahinayang lang kasi hindi kami ng mommy mo ang nagpalaki sa iyo."

     Hindi ako sumagot. 

     "Magkaibang - magkaiba kayo ni Louraine.  She is so soft, quiet.  Hindi nga marunong magalit iyon.  She was the total opposite of you,  Kaya siguro siya nauto ng lalaking iyon," dama ko ang galit sa tono ng salita ni Mr. Alba.

     Alam kong si Sir Lee ang tinutukoy niya.

     "Hindi ho kaya talagang nagmahalan lang sila?  Tingin ko naman mahal na mahal ni Sir Lee ang anak 'nyo.  Hanggang ngayon kahit wala na siya dito.  Siguro may nakita si Louraine na hindi 'nyo nakikita kay Sir Lee.  Subukan 'nyo kayang kilalanin 'yung tao.  Baka sakaling makita 'nyo rin kung anong nakita ni Louraine sa kanya," hindi ko napigil na hindi sabihin iyon.

      Napatingin si Mr. Alba sa akin.

     "Sa totoo lang ho, dapat magpasalamat kayo sa kanya.  Kasi siya ang nagsabi sa akin na bigyan kayo ng pagkakataon na kilalanin ko.  Wala siyang sinabing masama laban sa inyo kahit na nga kulang na lang murahin 'nyo kapag nakikita 'nyo.  Mabait ho si Sir lee.  Kung bata man na-inlove si Louraine, pinili niya iyon.  Nagmahalan lang silang dalawa.  Kaya huwag 'nyong sisihin si Sir Lee sa nangyari kay Louraine.  Aksidente ang nangyari sa kanya at pareho lang naman kayong nawalan," sabi ko pa.

      Hindi na nagsalita pa si Mr. Alba pero alam kong hindi niya nagustuhan ang sinabi ko.

      Huminto kami sa tapat ng isang malaking bahay.  Ang daming kotse ang nakaparada sa garahe.  Ang taas ng gate.  Pang - mayaman!

     "This is your house," nakangiti na ngayon si Mr. Alba.  Bumaba siya at binuksan ang pinto ng kotse sa side ko.  "Come on.  Your mom and your sister are waiting for you," sabi niya.

      Sumunod naman ako.  Isang may edad na babae ang nagbukas ng gate sa amin.  Nakita kong titig na titig siya sa akin.

     "Katrina, siya si Baby.  Matagal na siyang kasama namin dito," pakikala ni Mr. Alba sa kasambahay nila.

     "Kamukhang - kamukha siya ni Louraine," sabi nito.

     "Kambal daw kasi kami," sagot ko sa kanya.  "Saka Kating na lang ho ang tawag 'nyo sa akin.  Masyadong mahaba ang Katrina," sabi ko.

The Rebel's Heart (BLACK SLAYERS Vol. 3) (COMPLETE)Where stories live. Discover now