Pasyal Para sa Puso

705 26 3
                                    

MAINGAT kong itiniklop ang journal pagkatapos balikan ang mga partikular na pahinang iyon. Nasa Corazon na ako. Ang puntod ni Sir Amante ang una kong pinuntahan pagdating na pagdating ko. Gusto kong magkuwento. Gusto kong ilabas ang lahat nang nasa loob ko. Iisipin ko na lang na nasa tabi lang si Sir Amante at tahimik na nakikinig.

Naging napakatahimik ng bahay sa Corazon. Si Manang Lelita ay umuwi na sa probinsiya. Si Ate Mimay na walang pamilyang uuwian ang naiwan bilang katiwala. Ang driver ni Sir Amante na si Kuya Aldrin ay taga-Corazon rin, bumalik na rin sa pamilya at nagsimula ng maliit na negosyo-ang puhunan ay mula sa huling regalo na iniwan ni Sir Amante. Kapag nasa Corazon, anumang oras ay maari kong i-text si Kuya Aldrin para ipagmaneho ako, tulad ng araw na iyon.

Naalala ko ang nangyari kanina bago ako umalis...

Pumasok si Daday sa silid ni Ate Mimay. Nadatnan niyang inaaliw nito ang sarili sa telebisyon. Naupo siya sa kama nito at naghintay ng kuwento. Mayamaya ay pinatay ng babae ang telebisyon, marahang naupo sa tabi niya. Maluha-luhang umamin si Ate Mimay na lungkot na lungkot na sa bahay. Ang bilin na lang pala ni Sir Amante ang nagpapanatili sa kanyang naroon. Tulad niya, at ng iba pang taong naging bahagi ng buhay si Sir Amante, may huling regalo rin na natanggap si Ate Mimay noong nagdiwang sila ng 'October Christmas'. Ang natanggap ni Daday na regalo mula kay Santa ay ang human-sized huggable bear na pinangalanan niyang Rolfie.

"Ako rin naman," sabi ni Daday at inabot si Ate Mimay para yakapin. "Nami-miss ko si Sir Amante." Mahigpit ang naging pagtugon nito ng yakap. Mayamaya ay naramdaman niya ang tahimik na pag-iyak nito. Naiintindihan niya ang damdamin ni Ate Mimay. Kung siya nga na nasa condo ni Sir Rolf, lungkot na lungkot, ang babae pa kaya na mahabang panahon na nakasama si Sir Amante sa bahay na iyon?

"Kung puwede lang akong umalis, ginawa ko na..." pahikbing kuwento pa ni Ate Mimay. "Pero hindi pa, Daday. Kailangan kong tuparin ang bilin ni Sir Amante. Kung tutuusin, puwede kong iwan na lang ang bahay. Wala nang magagawa si Sir Amante kung nasaan man siya ngayon. Pero napakabuti niyang tao. Hindi ko magagawang sirain ang pangako ko kahit wala na siya para komprontahin ako kung 'di ko man gawin ang utos niya."

Hinagod-hagod niya ang likod nito. "Lilipas din ang lungkot, Ate Mimay," sabi ni Daday "Pareho lang tayong mag-isa na lang..."

"Loka, hindi ka mag-isa," agap nito. "Kasama mo si Sir Rolf sa condo."

Marahan siyang dumistansiya, malungkot ang naging ngiti. "Akala ko nga kasama ko rin siya, eh. Pero hindi na. Hindi na gaya ng dati. Hindi na kami nagkikita, Ate Mimay," pagtatapat niya. "Nasa isang bahay nga kami pero wala rin, mas madalas siyang hindi umuuwi. At kung umuwi man, alas dos o alas tres na ng madaling araw. 'Tulog na ako no'n. Pag-alis ko para pumasok, tulog pa rin siya. Naka-lock ang pinto. Lagi ko siyang tine-text dati para itanong kung uuwi siya o hindi, noong buhay pa si Sir Amante, sinasagot niya ang mga text ko. Tumatawag rin siya kung hindi siya uuwi-ngayon, nawala na lahat ng iyon. Ibang-iba na siya. Nagbago na. Hindi ko na maabot. Ang lungkot pero wala naman akong magagawa. Ang hindi lang talaga nagbago, ang suporta niya sa pag-aaral ko. Hindi ko na kailangang humingi. Pumapasok sa bank account na pina-open sa akin noon ni Sir Amante ang pera...minsan, sobra pa sa kailangan ko-buwan buwan."

"Intindihin mo na lang," sabi ni Ate Mimay. "Nagluluksa pa 'yon. Kung tayo nga na mga chimay lang na nakapaligid kay Sir Amante, naapektuhan ng pagkawala niya, si Sir Rolf pa kaya na nag-iisang anak? At nag-iisang pamilya na lang niya si Sir Amante. Natural na maapektuhan siya nang bonggang-bongga!"

"Iniisip ko rin kung kailan siya uuwi ng Corazon, Ate Mimay..."

"Baka kapag kaya na niyang pumasok sa bahay na ito na hindi nalulungkot."

"Si Ate Lelits, kumusta sa probinsiya?"

"Hayun, masaya naman. Ka-text ko lang kahapon. Abala sa sari-sari store niya. Nami-miss daw tayo. Kapag nabenta niya raw ang inaalagaan niyang baboy, dadalaw siya. Sana nandito pa ako no'n..."

Si Santa at Ako (Published. 2015) PREVIEW ONLYTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon