Bagong Pahina

646 25 2
                                    

PASADO alas nuebe na ng gabi ay gising na gising pa rin ang diwa ko. Tahimik na tahimik na ang paligid. Ang mga kasama ko sa kabilang silid ay siguradong mahimbing na ang tulog. Ako ay nakatitig sa kisame, hindi man lang makaramdam ng antok.

Napabuntong-hininga ako. Bakit ba hindi ako makatulog? Dati naman, paglapat ng likod ko sa kama, wala na akong matandaan. Ayokong mag-isip sa mga ganoong pagkakataon kaya bumangon na lang ako. Inilabas ko uli ang mga lumang notebooks. Binuklat hanggang sa kusang huminto ang mga mata ko sa isang pahina...

Isa na naming pantasya ang nabuhay sa isip ko. Pantasyang nagpatunay ng kaibahan ng eksena sa realidad.


Masarap mangarap ngunit masakit sa bandang huli--na alam mong ang lahat ay sa pantasya lang possible. Sa pantasya lang nangyayari.

Itiniklop ko ang notebook. Bakit nga ba hindi na lang naging totoo si Prince Roi? Bakit hindi na lang mangyari sa lahat ang mga nangyayari sa bida sa mga palabas sa telebisyon na gumaganda ang kapalaran ng isang gaya kong api na lang lagi?

Napatingin ako sa pinto nang may kumatok. Halos hatinggabi na. Sino ang posibleng kakatok sa silid ko?

Dala pa ang dalawang makapal na notebook ay tinungo ko ang pinto at binuksan. Matangkad na bulto ang nabungaran ko. Matangkad na bultong taglay ang pinakaguwapong mukha na nakita ko sa isang dekada at siyam na taon ko sa mundo.

Dumulas sa mga kamay ko ang dalawang notebook, natatarantang pinulot ko agad ang mga iyon.

"Dad wants to talk to you," sabi ni Sir Rolf, walang emosyon.

"D-Dad?" wala sa loob na ulit ko. "Ah...si Sir Amante—ngayon na po ba?"

"Sa room niya. Ngayon na." at tinalikuran na niya ako. Natagpuan ko na lang ang sarili na sinusundan ng tingin ang papalayo niyang likod. Nasaan ba si Kuya Aldrin, ang driver ni Sir Amante? O ang nurse? Bakit si Sir Rolf pa ang nagsadya sa silid ko?

Nagmamadaling lumabas ako ng silid para puntahan si Sir Amante.




Si Santa at Ako (Published. 2015) PREVIEW ONLYTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon