Sir Rolf

719 26 3
                                    

TUNOG ng cell phone ang gumising sa akin. Napadilat ako, natagpuan ang sariling nasa upuan malapit sa kama ni Sir Rolf. Kinapa ko sa bulsa ang cell phone, kasama ko si Sir Rolf kaya siguradong si Sir Amante ang tumatawag. Ang lakas pala ng volume ng ring tone ko!

Napangiwi na lang ako nang makita kong kumilos si Sir Rolf sa puwesto niya, kasunod ang pagmulat ng mga mata. Nagising sa ingay ng cell phone ko. "Sorry..." ang nasambit ko at tinanggap ang tawag ni Sir Amante.

"Daday?" si Sir Amante sa kabilang linya.

"Sir Amante," sambit ko at napangiti. Siguro ay nami-miss na ni Sir Amante ang mga kuwentuhan namin, lalo na sa umaga. "Okay po kami," hindi pa man siya nangungumusta ay sabi ko na. Hindi ko napigilang sulyapan si Sir Rolf na nakatingin lang sa akin, sa anyo ay balak makinig lang sa mga sasabihin ko. Hindi ko na naituloy ang balak kong paglabas ng silid nang sumenyas siyang manatili akong nakaupo.

"Kumusta ang anak ko, Daday?"

"Kumusta si Sir Rolf?" ulit ko, nalito kung ano ang isasagot sa tanong. Wala namang reaksiyon ang mukha ni Sir Rolf, nakamasid lang sa akin. "M-Maayos si...si Sir Rolf, Sir Amante. Busy po...lagi."

Narinig ko ang paghinga niya nang malalim. "Dapat talaga ay may taong magpapaalala kay Rolf na dapat niyang ingatan ang sarili. Workaholic na ang anak kong 'yan mula nang kinailangan kong magpahinga dahil sa sakit ko."

"Meron naman yata, Sir Amante. Hindi n'yo na dapat inaalala 'yan. Kayo po, kumusta? Nami-miss ko na ang kuwentuhan natin sa umaga. Baka nag-iisip na naman kayo lagi, ah? Bawal mag-isip nang mag-isip. 'Sabi ko nga dati, nakakapangit ang pag-aalala." Napangiti ako nang marinig ko ang magaan niyang tawa. "Kumain na kayo, Sir?"

"Katatapos lang, Daday. Hindi ko matawagan si Rolf kaya ikaw ang tinawagan ko. Kukumustahin ko lang sana kayo."

"Hindi n'yo matawagan? Baka nawalan lang ng baterya ang cell phone niya, Sir Amante. Iti-text kong tinatawagan n'yo siya." Nagtama ang mga mata namin ni Sir Rolf, blangko pa rin sa anumang emosyon ang mukha niya.

Nagpaalam na rin si Sir Amante maya-maya. Ibinulsa ko ang cell phone at lumapit ako kay Sir Rolf. Dadamhin ko sana ang noo niya pero nang magtama ang mga mata namin ay hindi na ko naituloy. Naalangan na ako. Naasiwa ako bigla sa katahimikan niya. Binawi ko na lang ang kamay ko. "Kumusta ang...ang pakiramdam n'yo, Sir?"

"Not good," sagot niya. "Pero mas okay na kaysa kanina."

"Iinitin ko ang pagkain n'yo." sabi ko at tinalikuran ko na siya. "'Inom ka ng maraming tubig, Sir." Inginuso ko pa ang pitsel at baso sa side table. "Sabi sa drug store, every four hours daw ang pag-inom ng gamot mawala ang lagnat n'yo."

"Lumabas ka ba para bumili ng mga gamot?" tanong niya sa mababang tono.

Tumango ako. "'Yong pagkain, nagpatulong ako sa guard sa 'baba. Sila no'ng babae ang nag-order para sa akin. Ang restaurant na 'yon daw ang madalas nagde-deliver ng pagkain para sa inyo kaya siguradong magugustuhan n'yo."

"Cash ang ginamit mo?" tanong niya, nagtaka yata na nakabili ako ng gamot at pagkain gayong wala naman akong pera.

"Cash, Sir." Magaan ang tonong sagot ko. "Binigyan ako ng limang libo ni Sir Amante no'ng umalis tayo. Nili-libre n'yo naman ako sa lahat kaya hindi nabawasan."

Tumango lang si Sir Rolf, hindi na umimik kaya itinuloy ko na ang paglabas ng silid. Dumeretso ako sa kusina at ininit ang mga pagkain na nasa mesa at lumamig na. Hindi ako agad nakabalik sa silid ni Sir Rolf pagkatapos initin ang mga pagkain dahil kinailangan kong gumamit ng banyo. Nasira yata ang tiyan ko. Wala naman akong ibang kinain kaninang umaga kundi mga pagkain na ako rin ang naghanda.

Si Santa at Ako (Published. 2015) PREVIEW ONLYTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon