Yakap

622 25 0
                                    

PAGOD man ay masaya ako. Hindi ko naisip na magiging masaya ang lakad na iyon. Pagkatapos akong ipamili ni Sir Rolf ng kung ano-ano, isinama niya rin ako sa Supermarket. Pagkain sa para sa buong linggo ang mga pinamili namin. Pagkalabas sa Supermarket ay naghapunan kami sa isang restaurant na hindi ko maintindihan ang pangalan ng mga pagkain pero masarap. Unang beses akong nakapasok sa ganoong restaurant. Si Sir Rolf ay mukhang kilala ng mga tao roon.

Tumawag si Sir Amante habang nasa biyahe kami. Napakuwento agad ako. Tahimik naman si Sir Rolf sa manibela. Mayamaya ay sa kanya naman may tumawag—babae, napatakip ako sa bibig nang umungol nang umungol ang babae sa kabilang linya na parang kinakapos ng paghinga!

Napasulyap ako kay Sir Rolf, hinawakan lang niya ang sariling cell phone at nawala na ang boses ng babae. Nakinig na lang si Sir Rolf nang ilang segundo bago tinapos ang tawag.

Si Sir Amante naman ay nagtatanong na tungkol sa lakad namin sa labas. Itinuloy ko ang pagkukuwento. Malapit na kami sa building ng condo nang tapusin ni Sir Amante ang mahaba naming kuwentuhan. Nag-init ang tainga ko sa haba ng naging usapan namin ni Sir Amante.

Hindi na kami nakapag-usap pa ni Sir Rolf hanggang nasa bahay na. Pagdating sa sariling silid ay matagal na napatitig ako sa hilera ng mga paper bags na naglalaman ng mga bagong gamit. Alam kong hindi tamang tinanggap ko ang mga iyon pero hind ko mapigilan ang tuwa. May mga bago akong damit at sapatos...

Mga damit at sapatos na ibinigay ni Sir Rolf nang hindi ko naman hiningi. Hindi ko alam kung bakit siya nagbibigay gaya ni Sir Amante. Siguro ay gustong tumulong rin gaya ng ama. Natigilan ako. Hindi nga pala ako nakapagpasalamat!

Inabot ko ang cell phone para i-text si Sir Rolf.

Salamat, Sir Rolf—hindi ko na itinuloy. Bakit ako magte-text kung nasa kabilang silid lang siya? Pupuntahan ko na lang kung hindi ako makakaistorbo. Nag-type ako ng text message.

Gising pa ba kayo, Sir?

Segundo lang ay may sagot na.

Yes.

Binitawan ko ang cell phone at lumabas ako ng silid. Lumipat ako sa kabilang pinto at kumatok. Mayamaya lang ay nagbukas na ng pinto si Sir Rolf. Nakabihis na siya ng pambahay pero mukhang hindi pa matutulog.

Ngumiti ako nang magtama ang mga mata namin. "Alam kong hindi...hindi sapat ang salamat lang, Sir Rolf," sabi ko sa mahinang boses, nakatingin ako sa mga mata niya. "Salamat pa rin do'n sa mga pinamili natin. Sobrang salamat..."

Hindi ko napaghandaan ang pagngiti niya. Lalong hindi ko naisip na gagawin ko ang ginawa ko—tinawid ko ang pagitan namin at niyakap ko siya. Hindi man dapat, iyon ang naisip kong gawin nang sandaling iyon na nakatingin ako sa mga mata niya. Pakiramdam ko kasi, sa pagngiti niyang iyon ay ibinaba niya ang harang na nararamdaman kong nasa pagitan namin. Sana ay sapat na ang yakap na iyon para maipaabot ko kung gaano ako kasaya nang gabing iyon...at kung gaano ako nagpapasalamat sa kabutihan niya.

"Magbabayad ako," sabi ko pagkatapos ng yakap. "Hindi ko pa alam kung kailan at kung paano—pero...pakihintay na lang."

Magaan siyang tumawa. Masuyong pinisil ang pisngi ko. Naramdaman kong nakasunod sa akin ang mga mata niya nang pabalik na ako sa kuwarto. Pagkarinig ko sa lumapat na pinto ay huminto ako at lumingon.

Wala na si Rolf pero ngumiti pa rin ako sa saradong pinto. Baon ko hanggang sa pagtulog ang ngiting iyon.


Si Santa at Ako (Published. 2015) PREVIEW ONLYTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon