Realidad: Kasalukuyan

825 30 1
                                    

"AKO ang una mong nakita nang araw na dumating ka, Daday. Ano'ng unang naisip mo pagkakita sa akin?" Tanong ni Sir Amante, ang fifty-seven years old kong amo pagkatapos nang mahaba kong kuwento tungkol sa mga eksenang nasa notebook. Mga eksena na may dalawang bersiyon: Pantasya at Realidad.

Nang mga sandaling iyon ay naninilaw pa lang ang Silangan. Nagsisimula pa lang sumilip ang araw. Sa mga ganoong oras ay nasa maluwang na bakuran na si Sir Amante. Naghihintay sa pagsikat ng araw. Nanatili siya roon hanggang sa tuluyang tumaas ang araw.

Ako naman, sa mga unang araw ko sa bahay na iyon ay pasulyap-sulyap lang ako sa kanya. Iniisip ko kung paano niya nagagawang tumagal na nakaupo lang sa wheelchair at nakatingin sa isang direksiyon. Iniisip ko rin kung ano kaya ang iniisip niya habang naroon?

Napansin yata ni Sir Amante na lagi ko siyang tinitingnan. Isang umaga, pagkatapos kong magdilig ng mga halaman, tinawag niya ako. Gusto niyang makipag-kuwentuhan. Nagsimula sa umagang iyon ang unang pag-uusap namin, na naulit nang sumunod na araw. At naulit pa nang naulit hanggang naging ordinaryo na lang para sa amin pareho ang lumabas sa ganoong oras at magkuwentuhan.

Pangatlong linggo ko na sa bahay ng mga Verracia. Ang kaba na baon ko noong umalis ako sa amin, tuluyan nang naglaho. Natiyak kong wala akong dapat ipag-alala. Ligtas ako sa bahay na iyon. Magaan din lang para sa akin ang trabaho—magdidilig lang ako ng mga halaman, maglilinis sa paligid at sa buong buhay. Hindi mahirap dahil malinis na malinis naman ang bahay. Alikabok lang ang aalisin ko.

"Ang naisip ko noon?" ulit ko sa tanong ni Sir Amante. Nakaupo ako sa trimmed na damo sa bakuran, katabi ng wheelchair niya. "Bakit kayo nasa wheelchair? Hindi naman kayo mukhang maysakit, eh." Ang alam ko lang—na pinilit ko pang alamin sa dalawang kasambahay na kasamahan ko—may sakit sa puso si Sir Amante at sa susunod na atake raw baka hindi na nito kayanin. Rule daw sa bahay na bawal pagkuwentuhan ang mga amo, lalo na ang kondisyon ni Sir Amante kaya tahimik na lang akong nagmamasid sa mga nangyayari sa bahay na iyon.

Isang umagang nagkuwentuhan kami ni Sir Amante, ibinigay niya ang kumpirmasyon–may sakit nga siya sa puso. Hindi na raw siya magtatagal at hindi niya gustong malungkot ang mga taong iiwan niya. Hindi ko tuloy mapigilang titigan siya. Hindi naman siya mukhang maysakit. Magaan ang anyo niya at hindi mahirap pangitiin. Mukha siyang masaya sa buhay. Mukhang kontento, kaya naman hindi ko agad nagawang paniwalaan na anumang sandali ay maari na siyang mang-iwan.

"Hindi ba ako mukhang may sakit?"

"Hindi. Pang-teleserye pa nga ang naisip kong posibilidad, Sir. 'Yong nagpapanggap na hindi makalakad ang isang tauhan para makuha ang gusto niya? Ang inaasahan ko nga, marami kayong kasama sa bahay—pangalawang asawa, mga anak sa unang asawa, anak sa pangalawang asawa, kapatid na kontrabida—at paiikutin n'yo silang lahat, paniniwalain sa kasinungalingan. Nagulat nga ako no'ng malaman kong personal nurse lang at dalawang kasambahay ang kasama n'yo rito, eh."

Marahang ngumiti si Sir Amante. Natuwa ako. Gusto ko siyang nakikitang ganoon, na ngumingiti sa pagitan ng kuwentuhan namin. Sa araw araw na nag-uusap kami nang ilang oras sa bakuran, hindi ko na namalayan na marami na akong naikuwento sa kanya. Ang sarap kasi niyang kausap. Pinakikinggan rin niya bawat sinasabi ko kaya hindi ko namamalayan na pahaba nang pahaba na ang mga kuwento ko.

Si Sir Amante naman ay walang ibang kinukuwento kundi tungkol sa nag-iisang anak na kinailangang pumalit sa posisyon niya sa mga negosyo ng pamilya. Beinte otso lang daw ang anak na iyon at mahusay sa negosyo. Ang anak na iyon rin ang dahilan kaya madali para kay Sir Amante na iwan ang lahat. Hindi inaalala ni Sir Amante ang mga negosyo. Ang inaalala niya ay ang nag-iisang anak.

"Bakit naman po, Sir? 'Sabi n'yo nga, magaling at matalino si Sir Rolf," Rolf Verracia, iyon ang pangalan ng nag-iisang anak ni Sir Amante na kahit anino ay hindi ko pa nakikita sa bahay. Isa o dalawang beses lang daw sa isang buwan ang uwi ni Sir Rolf sa Corazon. "Hindi n'yo na dapat inaalala si Sir Rolf. Kayang-kaya na no'n ang sarili." Patuloy ko. "Twenty-eight na pala siya, ako nga, nineteen lang, eh...at wala na lahat..." huminga ako nang malalim at ngumiti sa kanya. Ayokong magtagal sa dibdib ko ang bigat. Iiyak lang ako sa silid pero wala namang magbabago. Pagkatapos kong iluha lahat, 'yon pa rin naman ang realidad ko.

Si Santa at Ako (Published. 2015) PREVIEW ONLYTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon