Pag-uusap

689 22 1
                                    

NAPAHINTO ako malapit sa kusina nang makarinig ako ng tawanan. Bumagal ang mga hakbang ko. Sina Ate Mimay na naghahanda ng almusal, si Manang Lelita na nagkakape at si...si Sir Rolf?

Huminto na ang mga paa ko sa paghakbang. Napatitig ako sa tatlong nagtatawanan. Pangalan ng artista ang narinig kong binanggit ni Manang Lelita. Komontra naman si Mimay. Mali raw ang pagkakaintindi ni Manang Lelita sa palabas. Hindi ko alam kung ano eksakto ang pinagkukuwentuhan nila. At hindi ko rin inaasahang makita ang ganoong eksena. Nakikipagkuwentuhan rin pala sa dalawa si Sir Rolf gaya ni Sir Amante?

"O, Daday!" si Mimay na napansin na ako. Sumenyas ako pero hindi niya nakuha ng tama ang mensahe. "Ha? Ano? Hay! Ano'ng ginagawa mo riyan? 'Lapit ka na rito. Magkape ka na bago pa bumaba si Sir Amante. Hindi ka na naman makakapag-almusal sa haba ng kuwentuhan n'yo."

Ngiwi yata ang naging ngiti ko. Ang sarap hampasin ni Ate Mimay kahit pa mahigit sampung taon ang agwat ng edad niya sa akin. Sumenyas na nga akong huwag pansinin, hayun at kung ano ano pa ang sinabi. Gusto kong magsisi nang makita ko kung paanong nawala ang maaliwalas na anyo ni Sir Rolf pagkakita sa akin. Tama yata ang kutob ko na hindi niya ako gustong nasa bahay na iyon. Halatang-halata ang pagkawala niya sa mood na para bang ako ang sumisira sa araw niya.

"Ang pagkain ni Dad, Mimay," sabi ni Sir Rolf sa pantay na tono. "Sa tamang oras ang breakfast, lunch at dinner. Bantayan mo ang mga kinakain niya. Ang bawal, bawal. 'Wag mo siyang pagbibigyan. Malalagot ka sa akin."

"Maliwanag, Sir Rolf."

"Manang Leli—"

"Naglalaba lang ako, Sir!" agap agad ni Manang Lelita. "Wala akong kinalaman sa pagkain ni Sir Amante ng bawal. Si Mimay ang may alam do'n. Sinabi ko na nga na hindi puwede kahit tikim—"

"Manang naman, eh!" bulalas ni Mimay. "Ang tagal na no'n! Nasabon na nga ako ipinapaalala mo pa. Teleserye na lang ang pag-usapan natin! 'To talaga, pahamak." Napakamot sa kilay si Mimay. "Sir Rolf, okay na kami rito. 'Andiyan naman si Daday, siya ang laging gustong kasama ni Sir Amante. Nakikita niya naman ang mga kinakain ng Daddy n'yo. Hindi na siya nagre-request ng bawal. Wala ka nang dapat alalahanin. Kami na'ng bahala kay Sir Amante."

Ito talaga si Ate Mimay, masarap hilahin ang buhok. Kailangan talaga idamay pa ako? Hindi ba niya napansin ang pag-iiba ng mood ni Sir Rolf? Mainit na nga ang dugo sa akin, gusto pa yata niyang kumulo.

Tinalikuran ni Sir Rolf ang dalawa. Nanatili akong nakatayo sa puwesto ko, hindi umiimik. Hindi rin ako nag-angat ng tingin. Hindi ko inaasahan ang paghinto ni Sir Rolf sa harap ko.

"Ikaw ang madalas kasama at kausap ni Dad?" pantay niyang tanong, ramdam ko ang titig niya. Lalo nang hindi ko gustong mag-angat ng tingin. Kinakabahan na naman ako.

Marahang tumango ako. "Wala naman siyang ibang kinakain bukod sa pagkaing dinadala ni Ate Mimay at ni nurse Keifer, Sir."

"Sumunod ka. Mag-usap tayo." at itinuloy na niya ang pag-alis sa kusina. Nakaawang ang bibig na tumingin ako kina Ate Mimay at Manang Lelita, nag-aalala. Ngumiwi naman si Ate Mimay na para bang sinasabi ng anyo na: Patay ka, Daday.

"Ikaw kasi, Ate Mimay, eh!" sisi ko sa mahinang boses. "Wala pa nga akong isang buwan, bakit ako na agad ang may kasalanan?"

Tumawa lang si Ate Mimay.

"Patay si Daday, naku!" si Manang Lelita naman, umiiling-iling. Sinasabi ng anyo na lagot na ako.

"Maria Adelaida!" boses ni Sir Rolf.

"Patay na talaga!" si Ate Mimay. "Buong-buo, Manang Lelits. Lagot na talaga si Daday!"

Nagtawanan pa ang dalawa. Lalo na akong kinabahan. Wala akong nagawa kundi sumunod kay Sir Rolf, umaasang hindi niya mahalatang pati tuhod ko ay nanlalambot na rin sa kaba. Pagdating ko sa ikalawang palapag ay bumukas naman ang silid ni Sir Amante pagkalampas na pagkalampas ni Sir Rolf.

Lumabas si Sir Amante, maaliwalas ang anyo. Walang bakas ang iniindang sakit. Healthy na healthy sa paningin ko.

"Sinusundo mo na ako?" magaang tanong ni Sir Amante pagkakita sa akin. Nabawasan ang kaba ko nang makita kong nakangiti siya. May kakampi nga pala ako sa bahay na iyon, ang paborito kong tao ngayon—ang napakabait na ama ni Sir Rolf.

Ngumiti na rin ako, kaagad na lumapit sa kanya. "Good morning, Sir Amante. M-Mag-uusap kami ni...ni Sir Rolf." At lumampas kay Sir Amante ang tingin ko. Naroon si Sir Rolf, hindi pa rin pumapasok sa sariling silid. Nakamasid sa amin.

"Good morning, Daday," si Sir Amante na hindi yata napansin ang huling sinabi ko. "Halika," ibinuka niya ang mga braso. "Bigyan mo ako ng morning hug."

Natigilan ako, napatitig sa kanya. Hindi sana ako hahakbang palapit kung hindi ko nakita ng ngiti at titig niyang pamilyar na pamilyar ako. 'Yong ngiti at titig ni Sir Amante na pakiramdam ko ay kadugo ko siyang nagmamalasakit sa akin. Siguro, sabik talaga ako sa pagmamahal ng isang ama kaya may ganoon akong pakiramdam.

"Bakit may morning hug? Birthday n'yo po ba, Sir?"

Magaang tumawa si Sir Amante. Lumapad naman ang ngiti ko. Walang pagdadalawang-isip na pumaloob ako sa yakap niya. "Hihintayin kita sa 'baba." Sabi ni Sir Amante at pinalaya na ako sa mga magaang yakap. Tumingin siya sa kabilang silid—eksaktong binuksan na ni Sir Rolf ang pinto para pumasok.

"Rolf?"

Hindi na itinuloy ni Sir Rolf ang pagpasok. Nilingon ang ama.

"Mag-breakfast tayo bago ka umalis."

"Yes, Dad." Si Sir Rolf at lumipat sa akin ang tingin. Hindi ko man nakikita ang sarili ko, alam kong nawala na agad ang ngiti ko. Hindi ko maintindihan kung bakit wala naman akong kasalanan pero buhay na buhay ang kaba sa dibdib ko.

Kung hindi lang magtataka si Sir Amante, baka pinigilan ko na ang pagbaba niya at nagpasama na ako sa loob ng silid ni sir Rolf.

Pinilit ko na lang na maging panatag.


Si Santa at Ako (Published. 2015) PREVIEW ONLYTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon