Realidad 2009

739 21 2
                                    

Realidad 2009

GUTOM na gutom na si Daday. Kung may pera lang siyang pang-kain man lang sa canteen, nandoon sana siya at hindi nasa library pagkatapos ng klase. Wala siyang pagpipilian kundi tapusin ang assignment kahit nagrereklamo na ang tiyan niya. Sa library, puwede siyang magpanggap na nag-aaral. Sa canteen, hindi. Mas magugutom siya sa amoy ng mga pagkain. Sa mga pagkakataong iyon, nararamdaman ni Daday Negra kung gaano kasuwerte ang mga kaklase niyang sapat o kaya ay sobra sobra ang mga baon. Hindi kailangan ng mga iyon na gawin ang ginagawa niya.

Inisip na lang ni Daday na may masarap na merienda na naghihintay sa kanya sa bahay nila. Mabilis niyang tinapos ang assignment sa English. Pagkatapos ay lumabas na siya sa library. Gaya ng dati, ang mga kaklase niyang maraming baon na naroon din at gumagawa ng assignment ay nagtawanan pagdaan niya. Sapat na lakas lang ng tawa para hindi masita pero maririnig niya. Alam niyang siya na naman ang pinag-uusapan ng tatlong kaklaseng naroon. Pinili ni Daday na hindi na dumaan malapit sa mga ito. Hindi niya gustong maulit ang eksena dati na kamuntik nang sumubsob sa sementadong sahig ang mukha niya dahil tinakid siya ng isa sa tatlong kaklase. Hindi niya maitindihan kung bakit siya ang laging puntirya ng mga ito gayong wala naman siyang ginagawang masama. Nananahimik lang siya sa isang sulok kasama ng mga libro niya. Sanay na siyang walang kaibigan. Sanay na rin siya sa pakiramdam na para siyang dumi na iniiwasan ng mga ito.

Nakalabas si Daday sa library na walang nangyaring masama. 'Yon nga lang, hindi pa tapos ang kalbaryo niya. Sa labas ng library ay kailangan niyang lampasan ang grupo ng mga kaklaseng lalaki na kung tama siya ay ang paglabas niya talaga ang inaabangan. Pagkakita sa kanya ay nag-aagawan ang mga ito sa pagkuha ng bag at libro niya. Ihahatid raw siya hanggang sa labas ng gate ng eskuwelahan.

"Hindi ko kailangan ng tulong n'yo," tanggi ni Daday at hinila ang bag na kamuntik ng maagaw ni Abelardo Ador, ang pinakamatangkad sa apat. "Kaya kong umuwing mag-isa." Mas hinigpitan niya ang kipkip sa bag at mga libro. Binilisan rin ni Daday ang mga hakbang para agad makalayo sa grupo na alam niyang hindi ang tulungan siya ang talagang intensiyon.

"Ang cute mo ngayon, Matimtiman," sabi ni Tobias Aguila. "Ako na'ng magdadala sa books mo—" tinabig niya ang kamay nito.

"Wala, bro!" si Lucio Palomares, nakatawa. "Basted ka pala kay Matimtiman, eh!"

"'Yong diskarteng sinasabi mo kahapon, ano na?" dagdag naman ni Vincent Vicente. "Wala ka pala! Ako na nga lang." Itinulak ni Vincent ang mga kaibigan para makalapit sa kanya. "'Tapos ka na sa assignment natin sa English, Matimtiman? Pa-kopya naman, o?"

Alam ni Daday na iyon lang naman talaga ang sadya sa kanya ng grupo. Kung walang assignment na kokopyahin ang mga ito, hindi mag-aaksaya ng panahon na lapitan siya at guluhin.

"May mga libro naman kayo," sabi niya, patuloy sa mabibilis na paghakbang. "Basahin n'yo ang short story, nando'n lang ang mga sagot." Natanaw na niya ang exit gate. Lalong binilisan ni Daday ang paglalakad. Makalabas lang siya sa gate, 'tapos na ang problema niya sa apat. Laging may nakahintong jeep sa tapat, sasakay agad siya para hindi na sumunod ang mga ito.

Pinigilan ni Vincent ang bisig niya. "Sige na," sabi nito. "'To naman, apat na questions lang naman 'yon, Matimtiman."

"Pakopya na! 'Wag ka namang selfish—" hinarang ni Daday ng kamay ang tangkang pag-abot ni Tobias ng libro kung saan nakaipit ang English notebook niya. Hinampas niya si Lucio na humarang sa daanan niya. Nakaalpas siya sa apat. Tinakbo niya ang gate bago pa siya mahawakan uli ng isa man sa mga ito.

"Daday!"

Pamilyar na boses mula sa kung saan. Huminto si Daday at hinanap ng mga mata ang tumawag—si Dodong Puti, nakatayo malapit sa nakahintong jeep. Kaagad siyang lumapit. Nang magkatabi na sila ay nilingon niya ang gate. Hindi na itinuloy ng grupo nina Abelardo ang paglabas sa eskuwelahan.

"'Dong," si Daday kay Dodong Puti. "Tinotoo mo talaga ang pagsundo sa akin?"

"'Kaw pa! Malakas ka sa akin, Daday!" sagot nito, itinuro ang direksiyon ng simbahan. "Nasa may simbahan ang 'chedeng' ko. Hindi puwede rito. Tara?"

Sumunod na siya kay Dodong. Pagdating sa may simbahan ay naroon nga ang tri-bike nito. Nakita niya agad ang isang pulang rosas. Lumundag yata ang puso ni Daday. May rosas para sa kanya? Unang beses niyang mabibigyan ng bulaklak!

Hindi mapigilan ni Daday ang lihim na pagngiti. Kunwari ay hindi niya nakita ang bulaklak sa ilang minutong tahimik nilang biyahe ni Dodong Puti. Ilang metro pa bago ang bahay nila, kinuha na ni Dodong Puti ang rosas at inabot sa kanya.

"Pakiabot naman kay Cacay, Daday. Pakisabi, paganda siya nang paganda."

Hindi na nagkahugis ang ngiti ni Daday. Pakiramdam niya ay tinadyakan ng kabayo ang kanyang dibdib.

Hindi pala para sa kanya ang rosas.

Isang mapulang rosas para sa maganda niyang Ate.

Sa realidad, si Ate Cacay ang laging nakakatanggap ng mga bulaklak, ang hinahangaan ng mga kalalakihan sa San Roque, ang laging sentro ng atensiyon sa barangay namin. Ako ang laging nasa likod. Ang alalay na laging natatakpan ng ganda ni Ate, ang anino na walang pumapansin. Si Ate Cacay ang laging ipinagmamalaki ni Nanay sa lahat. Siya rin ang laging kandidata ng lugar namin sa mga beauty pageant; habang ako ang tagabitbit ng mga gamit niya, ang tagalaba ng mga ginamit niyang damit, ang tagalinis ng kuwarto niya—ang tagagawa ng lahat nang hindi magawa ni Ate Cacay dahil abala siya sa maraming bagay. Puring-puri rin siya ni Nanay dahil nag-aakyat raw ng pera sa bahay.

Utusan na anino ni Ate Cacay na lagi lang nasa dilim, iyon ang naging papel ko hanggang nakapagtapos ako ng high school.


Si Santa at Ako (Published. 2015) PREVIEW ONLYTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon