First Kiss

726 31 2
                                    

BITBIT ang supot ng Boy Bawang—na binili ko para papakin tuwing inuumaga ako sa pagmememorize tuwing may quiz at recitation—ay lumipat ako sa silid ni Sir Rolf pagkalipas ng halos kalahating oras na pagtunganga sa silid ko. Isip ako nang isip kung lilipat ba ako ng silid o hindi. Gustong-gusto kong makasama si Sir Rolf sa panonood ng pelikula pero kaya ko ba? Kaya ko bang manatili sa isang silid na kasama siya na sa telebisyon lang ako titingin? Paano kung hindi? Paano kung hindi ko na naman mapigil ang sarili ko at lagi ko siyang titigan—at nahuli niyang ginagawa ko iyon?

Nakakahiya. Baka hindi ko na siya makasabay ni minsan sa pagkain. At hindi na rin niya gustuhing magtagpo kami sa bahay. Iiwasan na niya ako nang tuluyan. Bakit? Dahil hinding hindi niya ikakatuwa na isang gaya ko lang ang may espesyal na pagtingin sa kanya.

Ang daming negatibong isipin ang naipon sa utak ko ngunit sa huli, natagpuan ko rin ang sarili kong lumalabas ng silid para puntahan si Sir Rolf.

Hindi nakalapat ang pinto pagdating ko kaya mahina akong kumatok bago iyon itinulak. Tumingin sa pintuan si Sir Rolf, sabay ng pagpindot sa hawak na remote control—huminto ang pelikulang pinapanood niya. Tahimik na tumuloy ako sa silid at naghanap ng magandang puwesto—sa sahig malapit sa kama niya. Sanay na sanay akong maupo lang sa sahig sa mga pagkakataong nakikipagkuwentuhan ako kina Ate Mimay at Manang Lelita na tagasubaybay ng mga teleserye.

"Ano'ng ginagawa mo?" si Sir Rolf, nag-play na uli ang pelikula. "Ang lawak ng kama, Maria Adelaida."

"Okay na ako sa sahig, Sir Rolf." Itinuon ko na sa telebisyon ang tingin. "Lagi akong nasa sahig sa mga bonding namin nina Ate Mimay. 'Di ba adik sa teleserye ang dalawang iyon? Nakikinood din ako minsan."

"Dito ka sa kama," sabi niya uli. Huminto uli ang pelikula. "Hindi ka magiging komportable sa sahig. Hindi mo mae-enjoy ang movie."

"Ano 'yang pinapanood n'yo?" ang naka-pause sa screen ay mukha ng isang magandang babae.

"Horror."

"Horror?" bulalas na susog ko, agad nakatayo mula sa sahig. Salamat sa Boy bawang na nginunguya ko, nabawasan ang stress ko. "Tungkol saan?" saka ko napansin na hindi Tagalog ang pelikula, may translation lang sa English.

"Panoorin na lang natin," kaswal na umusog siya sa kaliwa para bigyan ako ng espasyo sa kanan niya. Ibinigay rin sa akin ang isang unan para sandalan ko. At dahil paborito ko naman ang espasyo sa tabi niya, walang pagdadalawang-isip na sumampa ako sa kama. Hindi ko sinandalan ang unan, niyakap ko at nasamyo ko ang bango niyang naiwan doon!

Pigil na pigil kong ipakita ang ngiti ko. Mas niyakap ko pa ang unan. Ayoko nang manood ng pelikula. Okay na sa akin ang unan ni Sir Rolf.

Napapitlag ako dahil sa malakas na tunog. Naka-play na uli ang pelikula at tumatakbo ang magandang babae habang naririnig ang mga bumabagsak na kung ano sa itaas ng bahay. Wala akong maintindihan. Kaya pala may English translation dahil nasa ibang wika ang pelikula. Kung tama ako, Japanese film iyon.

Sa mga unang minuto ay okay pa ako. Sinabayan ko si Sir Rolf sa panonood nang tahimik ngunit nang mga sumunod na sandali ay hindi ko na kinaya. Pakiramdam ko ay maaatake na ako sa puso sa takot at gulat. Hindi iilang beses na pumitlag ako, napatili nang hindi nagkaroon ng tunog dahil sumubsob ako sa unan, hindi ko na rin napigilang dumikit sa tagiliran ni Sir Rolf nang pakiramdam ko ay ako na ang hinahabol ng multong pumapatay. Hindi ko alam na hindi ko pala kayang manood ng nakakatakot at nakakagulat na pelikula—nalaman ko lang nang sandaling iyon. Ang bilis ng tibok ng puso ko habang nakasubsob na lang sa unan. Hindi ko na kayang tumingin pa sa screen.

Habang si Sir Rolf ay parang tuod na walag kakilos-kilos sa tabi ko, tutok na tutok sa screen ng telebisyon ang atensiyon. Tatandaan ko ang araw na iyon, hinding hindi ako manonood ng horror film kahit kailan. Gustuhin ko mang manatili sa paborito kong lugar, baka maatake naman ako. "Lalabas na ako, Sir Rolf—hindi na natuloy ang pagpapaalam ko dahil sa pagpigil ng kamay niya sa braso ko, itinutok ng malayang kamay niya ang remote control sa telebisyon at nawala ang mga nakakagulat na tunog. Pagtingin ko sa screen ay tuloy pa rin ang pelikula. Sa translation na lang yata siya nakatingin.

"Ilang minutes na lang," sabi niya. "Hindi na horror ang next movie." Hindi niya yata ako gustong umalis kaya hindi ko na itinuloy ang paglabas. Sumandal ako sa dating puwesto at niyakap uli ang unan niya. Wala nang tunog ang telebisyon, wala na akong problema. Ang gagawin ko lang ay mas mahigpit na yakapin ang unan niya at huwag nang tumingin sa screen.

Pagkalipas ng ilang minuto, huminga na siya nang malalim. Pagtingin ko sa screen ng telebisyon, tapos na ang pelikula.

"Ano'ng gusto mong movie?" tanong niya kasunod ang paghihikab.

"'Yong may kilig naman, Sir Rolf."

"How about Cinderella?"

"Kung may Cinderella na parang ako, gusto ko."

"Musical," sabi niya at naging abala na sa remote control.

Nang mga sumunod na sandali ay nakaawang na ang bibig ko habang pinonood ko sa screen ang isang hindi pang karaniwang Cinderella—isang maitim na Cinderella na ang ganda ng boses!

Nasa screen na ang buong atensiyon ko nang mga sumunod na sandali. Hindi ko na namalayan ang paglipas ng mga minuto. At nang matapos ang pelikula, saka ko lang napansin na tinulugan na ako ni Sir Rolf.

Pinatay ko na lang ang telebisyon. Hindi na muna ako lalabas ng silid. Tulog naman siya, sasamantalahin ko na ang pagkakataon na titigan siya nang matagal.

Matagal na matagal...

Nakangiti na ako mayamaya, pinipigilan ang sariling abutin ang mukha niya at maingat na haplusin. Hindi ko siya maaring hawakan. Ang isang gaya ko ay hanggang titig na lang sa prinsipeng gaya niya. Hindi ako maaring maging si Cinderella sa pelikulang kakatapos ko pa lang panoorin. Pelikula lang iyon. Sa realidad, ang ganoong kuwento ay imposible.

Sa akin, sapat na ang titig lang...habang yakap ko nang mahigpit ang unan ng prinsipe ko. Sumandal ako sa dati kong puwesto at pinagsawa ang mga mata sa mukha ni Sir Rolf. Masuwerte pa rin ako. Nasa iisang kama kami, yakap ko ang unan niya at nagagawa ko pa siyang titigan nang matagal. Para sa isang gaya ko, higit pa sa sapat iyon.

Akala ko, mapipigilan ko ang sariling hindi siya hawakan—mali ako. Natukso akong maingat na damhin ang pisngi niya. Isang malaking pagkakamali dahil nagising si Sir Rolf at ako ang unang hinanap ng mga mata. Ang nagawa ko lang ay lumunok at mas yakapin pa ang unan niya.

Hindi siya umimik, nakatitig lang sa mga mata ko. Natuliro na ako. Ang bilis-bilis ng tibok ng puso ko. Gusto ko nang lumabas para tumakas pero parang walang lakas ang mga tuhod ko. At ang pasaway na mga mata ko, bumaba pa sa mga labi niya!

Parang magandang panaginip ang sumunod na nangyari, umalis si Sir Rolf sa pagkakasandal at inabot ang batok ko. Hinalikan niya ako sa mga labi!

Kusang pumikit ang mga mata ako. Bigla ay nasa ibang mundo na ako. Magandang mundo na bahagi lang ng aking pantasya.

Maingat ang halik, na natapos din agad.

"Gising, Daday..." sambit ko para gisingin ang sarili. Epekto lang iyon ng maitim na Cinderella sa pelikula kanina. Nagpapantasya na naman ako. Tinapik ko ng dalawang ulit ang aking pisngi kasunod ang pagmulat. Inaasahan kong makita si Sir Rolf na natutulog, patunay na pantasya lang ang halik.

Ngunit hindi tulog na Sir Rolf ang namulatan ko kundi Sir Rolf na malapit na malapit sa akin ang mukha.

Hindi siya totoo. Gising, Daday!

Umangat ang kamay ko para damhin ang mukha niya.

Mawawala ka rin, sigurado ako...

Ngunit hindi, naramdaman ko ang init ng balat niya sa kamay ko. Umiling ako. Hindi. Imposible talaga. Inilapit ko ang aking mukha—ang huling paraan ko. Hahalikan ko ang imahe at makikita kong dingding lang ang kaharap ko pagkatapos.

Maingat kong hinagkan ang labi ni Sir Rolf kasunod ang pagmulat, inaasahan kong makita ay dingding pero hindi iyon naging malinaw. Pumikit  kasi ako. Hindi ko napigilang gawin nang ibalik ng mga labing hinagkan ko ang halik—nang maingat, nang masuyo.

Kung posible lang, gusto kong pumikit na lang habang-buhay...

"Sir Rolf..." anas ko nang matapos ang halik, nakapikit pa rin ako. "T-Totoo ka ba?"

Magaang tawa ang narinig ko—ang tawang pumutol ng mahika at tuluyang gumising sa akin. Mukha ni Sir Rolf na malapad ang ngiti ang sumalubong sa paningin ko. "Mukha ba akong guni-guni, Maria Adelaida?"



Si Santa at Ako (Published. 2015) PREVIEW ONLYTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon