Paboritong Lugar

636 25 0
                                    

HINDI ko naisip na magiging napakabilis ang paglipas ng sumunod na dalawang buwan. Ni hindi ko namalayan kung paano dumaan ang mga araw. Ganoon pala kapag masaya ang isang tao at walang inaalala o kaya ay hinihintay—hindi namamalayan ang oras. Kung sa San Roque ay marami akong natatandaang eksena na nagawa ko pang lagyan ng dalawang bersiyon, sa Corazon ay nawalan na ako ng oras mag-isip. Ang natatandaan ko lang, magsisimula ang araw ko sa pakikipag-kuwentuhan kay Sir Amante habang nagdidilig ng mga halaman o kaya ay habang sinasabayan siya sa almusal, maglilinis ako sa paligid at sa loob ng bahay pagkatapos, ilang oras na magpapahinga sa silid, lalabas uli para samahan si Sir Amante sa tanghalian, makikipagkuwentuhan kina Ate Mimay at Manang Lelits sa kusina—at mamalayan ko na lang na gabi na. Tapos na naman ang isang araw. Ganoon rin ang mangyayari kinabukasan at namalayan ko na lang na natapos na ang isang buwan.

At ang isa pa, kung saan dalawang linggo akong nanatili sa condo ni Sir Rolf.

Sa lumipas na dalawang buwan ay apat na beses umuwi si Sir Rolf sa Corazon. Tuwing nasa bahay, inuubos niya ang oras kasama si Sir Amante. Namamasyal silang makasama. May mga araw naman na nagda-drive lang siya paikot sa lugar habang pasahero niya ang ama, o kaya naman ay tumatawid sa Victoria—ang karatig bayan ng Corazon.

Bakit alam ko ang lahat? Kami lang naman ni nurse Keifer ang nasa backseat at alalay ng dalawa. Hindi ako tumanggi nang sabihin ni Sir Amante na sumama ako sa mgalakad nila dahil alam kong bibihira nang mauulit iyon kapag nasa Maynila na ako. Dalawang beses na lang sa isang buwan ang pag-uwi, gaya ni Sir Rolf ay laging hindi sapat ang oras para sa hindi matapos tapos na kuwentuhan.

Sa mga lumipas na linggo, mas nakilala ko si Sir Rolf. Mas nakita ko ang kaibahan niya kay Sir Amante. Mas madalas ay tahimik si Sir Rolf, si Sir Amante ay maraming kuwento—hindi natatapos. Laging nakangiti si Sir Amante at madaling tumawa, si Sir Rolf ay bilang na bilang ko ang ngiti at pagtawa—na natatandaan ko lahat kung bakit siya tumawa at kung kailan nangyari. Madali kong naiintindihan si Sir Amante base sa kilos at salita dahil laging nagtutugma iyon, si Sir Rolf ay napapaisip ako madalas. Mahirap siyang intindihin. May mga pagkakataong nararamdaman kong naiinis siya sa hindi ko maintidihang dahilan pero iba naman ang sasabihin kapag nagtanong ako. May pagkakataon rin na mukhang masaya siya pero kapag lumapit ako, sasabihing gusto niyang mag-isa kaya iwan ko siya. May mga araw rin na nagtatagpo kami sa isang bahagi ng bahay at sasabihin niyang magkuwentuhan kami pero hindi naman siya magsasalita. Pakikinggan lang niya ako at palilipasin namin ang oras. May natatandaan rin akong gabi sa Corazon na hindi lumabas sa garden si Sir Amante dahil hindi magaan ang pakiramdam. Si Sir Rolf ang lumabas at nakasama ko nang ilang oras na magmasid sa mga bituin—na hindi kami nag-usap. Hindi ko alam at hindi ko rin maintindihan kung bakit tuwing si Sir Amante ang kasama ko, hindi ako tatagal na walang pag-uusap. Lagi na ay magkukuwentuhan kami ng kung ano-ano. Buhay ang usapan at nagtatawanan pa kami. Pero pagdating kay Sir Rolf, kahit mahaba ang oras na walang pag-uusap, hindi ako nababagot sa katahimikan. Gusto ko pa rin. Gusto ko pa rin siyang kasama kahit hindi siya nagsasalita. At ang hindi pamilyar na kabog sa dibdib ko? Naroon pa rin pero hindi na ganoon ang epekto na parang gusto kong lumayo lagi. Ngayon, hindi na ako naiilang kay Sir Rolf. Kumportable na akong umupo lang sa tabi niya. Tahimik man si Sir Rolf o nakikipag-usap sa mga pagkakataong iyon na magkatabi kami, isa lang ang sigurado ako: Gusto ko ang lugar na iyon. Ah, hindi lang gusto kundi paborito ko na ang lugar na iyon.

Oo, ang lugar sa tabi niya.

May paborito na rin ang akong libangan—ang titigan si Sir Rolf tuwing hindi siya nakatingin.

May paborito na rin akong gawin: Magluto—dahil lagi ko siyang ipagluluto kapag magkasama na uli kami sa condo niya. Nagpaturo pa ako magluto kay Ate Mimay. Una siyempre, mga gustong kinakain ni Sir Rolf. Naikuwento ko iyonkay Sir Amante at natuwa siya. Tama lang daw. Pabor siya na mga lutong bahay ang kainin namin ni Sir Rolf.

At sa bilis ng paglipas ng araw, nagising na lang ako na araw na ng pagluwas namin ni Sir Rolf sa Maynila.


Si Santa at Ako (Published. 2015) PREVIEW ONLYTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon