Pangarap

635 25 0
                                    

"SIR AMANTE..." ang tanging nasabi ko matapos ang mahabang kuwento ni Sir Amante tungkol sa mga kaibigang nagmula sa iba't-ibang antas ng pamumuhay na naging matagumpay sa buhay. Akala ko, gusto lang niyang magkuwento tungkol sa pangarap, sa mga naging karanasan niya noong nasa edad ko siya at sa iba't ibang buhay na pinili ng mga kaibigan niya. Nakinig lang ako. Gustong-gusto kong nakikinig sa mga kuwento niya. Ang hindi ko nahulaan, ang tinutungo ng kuwento ni Sir Amante. Ang talagang dahilan kung bakit niya ako ipinatawag kay Sir Rolf.

"Gusto mo bang mag-aral sa kolehiyo, Daday?" ang tanong niyang nagpabaling sa akin. Nakaawang ang bibig ko nang ilang segundo. Naisip kong tama si Dodong Puti. Anumang ang mangyari sa akin, hindi ko dapat isuko ang pangarap. Gaano man kahirap ang sitwasyon, hindi ako dapat tumigil umasang isang araw ay magbabago rin ang lahat. Kinuha ko sa eskuwelahan ang mga kailangan ko. Imposible man, nagsimula uli akong umaasa na pagkatapos ng dalawang taon na pagbabayad ng utang, magagawan ko ng paraan na baguhin ang buhay ko.

"Pangarap ko 'yan, Sir Amante," sagot ko. "Pagkatapos ng dalawang taon, iisipin ko kung saan ako magsisimula para tuparin ang pangarap na 'yan. Honorable mention kaya ako sa highschool, 'di lang halata."

Magaang tumawa si Sir Amante.

"Susuportahan ko ang pag-aaral mo."

Nawala ang ngiti ko. Matagal na hindi ako nakakibo, iniisip kung totoo ang narinig ko o hindi. Nang matiyak kong narinig ko talaga nang malinaw ang sinabi niya, bumaling ako kay Sir Amante. Inulit lang niya ang sinabing iyon. At wala akong nasambit kundi pangalan niya.

"Pero...kasi..." hindi ko alam ang sasabihin ko. Dalawang taon na wala akong suweldo dahil sa utang ni Ate Cacay. Ano'ng ipambabayad ko sa ipantutustos ni Sir Amante sa akin sa kolehiyo? "Dalawang taon pa ang utang na—"

"Kung mawala na ako at hindi ka pa graduate, si Rolf na ang bahala. Nag-usap na kami ng anak ko."

Lalo akong hindi makapaniwala. Hindi tumutol si Sir Rolf? Pakiramdam ko sa unico hijo ni Sir Amante ay hindi ako gustong nakikita sa paligid. Parang hindi ako gusto ng isang iyon. Napaisip ako bigla. Ah, siguro para wala na lang pagtalunan—na baka ikasama pa ng loob ni Sir Amante—pumayag na lang si Sir Rolf. Madali na lang naman putulin ang suporta kapag wala na ang mabait na ama, iyon siguro ang iniisip ni Sir Rolf.

"P-Pumayag si...si Sir Rolf?"

Napangiti si Sir Amante. "Kung magtanong ka, parang hindi ka naniniwalang magkatulad kami ng nag-iisa kong anak, Daday?"

Pinigil ko ang aking makulit na dila. Baka ano pa ang masabi ko tungkol sa anak niya. "Hindi ako tatanggi sa kabutihan n'yo pero  kasi po..."

"Gusto mong mag-aral o hindi?"

"Gusto. Gustong gusto ko po, Sir Amante."

"Kung ganoon, wala tayong dapat pagtalunan. Sa June, mag-aaral ka sa college, Daday."

Hindi ko alam kung anong sasabihin ko. Gusto kong magsalita. Marami akong gustong sabihin pero hindi ko na nagawang isaboses. Napaluha ako sa tuwa. Agad kong tinuyo ang mukha ko at galak na lumapit kay Sir Amante na nasa wheelchair. Naluluhang niyakap ko siya, paulit-ulit na nagpapasalamat—iyon ang tagpong dinatnan ni Sir Rolf nang itulak niya ang pinto nang hindi kumakatok.

Ilang segundong huminto sa amin ang mga mata niya. Maingat na bumitaw ako kay Sir Amante, umayos ng tayo at parang mandirigma na humarap sa nakatataas na opisyal.

"Tapos na kayong mag-usap, Dad?" pantay na tanong ni Sir Rolf, sa ama nakatutok ang tingin.

Hindi umimik si Sir Amante, sa akin pa rin nakatingin at napapangiti. Hindi ko alam kung bakit siya nakangiti. Baka nakakatawa na ang hitsura ko nang sandaling iyon. Bigla na lang kasi akong naging ala estatwa sa silid. Wala na akong naisip gawin, pati sabihin. Hindi talaga ako komportableng kausap si Sir Rolf. Kinakabahan akong hindi ko maintindihan.

"Wala ka bang sasabihin sa anak ko, Daday?"

Lalo nang kumabog ang dibdib ko. Ano ba naman itong si Sir Amante, puwede namang sa kanya ko na lang sabihin, bakit kay Sir Rolf pa na parang guwapong robot? Nakakailang talagang lumapit kay Sir Rolf. Ang seryoso kasi ng mukha at hindi pa marunong ngumiti!

Ilang segundo na ang lumipas ay wala pa rin akong naapuhap sabihin. At lalo nang wala akong nasabi nang humarap sa akin si Sir Rolf, sa anyo ay naghihintay ng anumang sasabihin ko.

"Wala...wala na, Sir Rolf. Ah...ano—kasi...nasabi ko na kay Sir Amante," at tumingin ako kay Sir Amante. Hindi ko talaga maintindihan kung bakit nakangiti siya. Para bang naaaliw pa siya na hindi ako makapagsalita nang deretso sa harap ng anak niya.

"Bumalik ka na sa kuwarto mo," utos sa akin ni Sir Rolf, bumalik na sa ama ang tingin. Agad na sumunod ako sa utos. Napapangiti pa rin si Sir Amante nang nilingon ko, ngumiti na rin ako sa kanya bago lumabas ng silid. Pagkalabas ay bumuga ako ng hangin sa ere. Nagmamadaling bumalik ako sa sariling silid pagkatapos.

Pagkapasok ko ay nagpagulong-gulong ako sa kama sa saya. Hindi pala si Dodong Puti ang Prince Roi ko sa realidad. Hindi ko rin naisip na magkakatotoo si Prince Roi, hindi nga lang isang prince charming na magbibigay sa akin ng happy ending gaya sa isang fairy tale, kundi isang lalaking may mabuting puso na handang tumulong.

Si Sir Amante pala ang magiging real life Prince Roi ko.

Hindi ko napigilan ang excitement. Hindi ako makapaniwalang magbabalik eskuwela na ako uli. Dala ko hanggang sa pagtulog ang saya.


Si Santa at Ako (Published. 2015) PREVIEW ONLYTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon